1 Ang malinis na pangalan
ay mas mabuti
kaysa sa mamahaling pabango;
at ang araw ng kamatayan
ay mas mabuti
kaysa sa araw ng kapanganakan.
2 Mas mabuting pumunta sa namatayan
kaysa sa isang handaan,
dahil ang lahat ay mamamatay.
Dapat ay lagi itong isipin
ng mga buháy pa.
3 Ang kalungkutan ay mas mabuti
kaysa sa kaligayahan
dahil ang kalungkutan
ay nakakatuwid ng buhay ng tao.
4 Laging iniisip ng marunong
ang kamatayan;
pero ang hangal, ang laging iniisip
ay kasiyahan.
5 Mas mabuting makinig
sa pagsaway ng marunong
kaysa makinig sa papuri ng hangal.
6 Ang tawa ng hangal
ay parang tinik na kapag iginatong
ay nagsasaltikan ang apoy.
Ito ay walang kabuluhan.
7 Ang marunong kapag nandaya
ay para na ring hangal.
Kung tumatanggap ka ng suhol,
sinisira mo ang sarili mong dangal.
8 Mas mabuti ang pagtatapos
kaysa sa pagsisimula.
Ang pagiging matiisin
ay mas mabuti
kaysa sa pagiging mapagmataas.
9 Huwag maging magagalitin
dahil ang pagiging magagalitin
ay ugali ng mga hangal.
10 Huwag mong sabihin,
"Bakit mas mabuti pa noon
kaysa ngayon?"
Dahil ang tanong na iyan
ay walang katuturan.
11,12 Ang karunungan ay mabuti
gaya ng isang pamana,
pareho itong nakakatulong
sa mga namumuhay dito sa mundo.
Nagbibigay din ito ng proteksyon
gaya ng pera.
Pero higit pa roon,
iniingatan nito ang buhay
ng nagtataglay nito.
13 Pag-isipan mo ang ginawa ng Diyos:
Sino ang makapagtutuwid
ng kanyang binaluktot?
14 Magalak ka kung mabuti
ang kalagayan mo.
Pero kung naghihirap ka,
isipin mo ito:
Ang Diyos ang gumawa
sa dalawang bagay na ito.
Kaya hindi natin malalaman kung ano
ang mangyayari sa hinaharap.
15 Sa buhay kong walang saysay, nakita ko ang mga ito:
Ang matuwid ay maagang namamatay
sa kabila ng kanilang matuwid
na pamumuhay,
at ang mga masasama sa kabila
ng kanilang kasamaan
ay nabubuhay nang matagal.
16 Huwag mong ituring ang iyong sarili
na sobrang matuwid at marunong,
dahil kung gagawin mo iyon,
sinisira mo lang ang iyong sarili.
17 At huwag ka rin namang magpakasama
o magpakamangmang,
dahil baka mamatay ka naman
nang wala sa oras.
18 Bigyang-halaga ang mga katuruang ito,
sapagkat ang sinumang may takot sa Diyos
ay susunod sa parehong katuruan.
19 Higit na malaki ang magagawa
ng karunungan sa isang tao,
kaysa sa sampung pinuno ng isang bayan.
20 Wala ni isang tao rito sa mundo
ang laging gumagawa ng mabuti
at hindi nagkakasala.
21 Huwag mong pakikinggan
ang lahat ng sinasabi ng tao
at baka mismong alipin mo
ang marinig mong nagsasalita laban sa iyo.
22 Dahil alam mo sa sarili mo
na marami ka ring pinagsalitaan ng masama.
23 Sinubukan kong intindihin ang lahat ng nangyayari rito sa mundo sa pamamagitan ng aking karunungan. Sinabi ko sa aking sarili,
"Akala koʼy maiintindihan ko,"
ngunit ito palaʼy higit sa aking pang-unawa.
24 Hindi ko kayang intindihin ang mga nangyayari
dahil mahirap talagang maintindihan.
At walang sinuman
ang makakaintindi nito.
25 Pero patuloy akong nag-aral at nag-usisa,
para makamit ko ang karunungan
at masagot ang aking mga katanungan,
at para malaman ko kung gaano kahangal
ang taong gumagawa ng masama
at kung gaano kasama ang isipan
ng taong gumagawa ng kahangalan.
26 Napag-alaman kong ang babaeng nanunukso
ay mas mapait kaysa sa kamatayan.
Ang pag-ibig niyaʼy parang bitag,
at ang mga kamay niyang
yumayakap sa iyo ay parang kadena.
Ang taong nakalulugod sa Diyos
ay makakatakas sa kanya,
ngunit ang taong makasalanan
ay mabibitag niya.
27,28 Sinasabi ko bilang isang mangangaral:
"Iniisip kong mabuti ang bawat bagay
sa paghahanap ko ng kasagutan
sa aking mga katanungan.
Pero hindi ko pa rin natagpuan
ang mga kasagutan.
Ngunit ito ang aking natuklasan,
sa isang libong lalaki isa lang ang matuwid,
pero sa isang libong babae
wala ni isang matuwid.
29 Higit sa lahat, ito ang nalaman ko:
Ginawa ng Diyos ang tao na matuwid,
pero nag-iisip ang tao
ng maraming paraan para maging masama."