Publicidade

Eclesiastes 9

Ang Karaniwang Hahantungan ng Bawat Tao

1 Inisip kong mabuti ang lahat ng bagay at nalaman kong nasa patnubay ng Diyos ang matutuwid at marurunong, pati na ang kanilang mga ginagawa. Pero hindi nila alam kung ang kasasapitan ba nila ay pag-ibig o poot. 2 Iisa lang ang kasasapitan ng lahat ng klase ng tao – ang matuwid at ang masama, ang tama at ang mali, ang malinis at ang marumi, ang naghahandog at ang hindi naghahandog.

Pareho lang ang matuwid

at ang makasalanan

at pareho lang din ang sumusumpa

at hindi sumusumpa.

3 Ito ang hindi maganda sa lahat ng nangyayari rito sa mundo: iisa lang ang kasasapitan ng lahat. At hindi lang iyan, kundi pawang kasamaan at kamangmangan ang iniisip ng tao habang nabubuhay, at pagkatapos ay mamamatay din siya. 4 Habang may buhay ang tao, may pag-asa. May kasabihan nga, "Mas mabuti pa ang buháy na aso kaysa sa patay na leon."

5 Ang totoo,

alam ng buháy na tao

na mamamatay siya.

Pero ang patay

ay walang nalalaman.

Wala na rin siyang gantimpalang matatanggap

at kahit ang kanyang pangalan

ay makakalimutan.

6 Ang pag-ibig nila, poot

at inggit noong nabubuhay pa ay wala na.

At wala na rin silang malay

sa lahat ng nangyayari rito sa mundo.

7 Sige, magpakasaya ka sa pagkain at pag-inom dahil iyan ang gusto ng Diyos na gawin mo. 8 Palagi ka sanang maging maligaya.

9 Magpakasaya ka kasama ang minamahal mong asawa, sa buhay mong walang kabuluhan na ibinigay ng Diyos dito sa mundo. Sapagkat para sa iyo naman iyan, para sa pagpapagal mo rito sa mundo. 10 Gawin mo ng buo mong makakaya ang iyong ginagawa, dahil wala nang trabaho roon sa lugar ng mga patay na patutunguhan mo. Wala nang pagpaplano roon, wala ring kaalaman at karunungan.

11 Mayroon pa akong nakita rito sa mundo:

Hindi lahat ng mabibilis

ay nananalo sa takbuhan,

at hindi lahat ng malalakas

ay nananalo sa labanan.

Hindi rin lahat ng matatalino

ay nagkakaroon ng hanapbuhay,

hindi lahat ng marurunong

ay nagiging mayaman

at hindi rin lahat ng may kakayahan

ay nagtatagumpay.

Dahil ang bawat tao

ay may kanya-kanyang kapalaran.

12 Ngunit hindi niya alam kung kailan darating ang takdang oras.

Tulad siya ng isang ibong nabitag

o ng isdang nahuli sa lambat.

Biglang dumarating sa tao

ang masamang pagkakataon

na para siyang nahuli

sa isang patibong.

Mas Mabuti ang Karunungan Kaysa Kamangmangan

13 Mayroon pang isang halimbawa ng karunungan na aking nagustuhan. 14 May isang maliit na lungsod na kakaunti lang ang mga mamamayan. Nilusob ito ng makapangyarihang hari kasama ng kanyang mga kawal at pinalibutan. 15 Sa lungsod na iyon ay may isang lalaking marunong pero mahirap. Maaari sana niyang iligtas ang lungsod sa pamamagitan ng kanyang karunungan pero walang nakaalala sa kanya. 16 Sinabi kong mas mabuti ang karunungan kaysa sa kapangyarihan, pero ang karunungan ng isang taong mahirap ay hindi binibigyang halaga at ang mga sinasabi niyaʼy hindi pinapansin.

17 Ang marahang salita ng marunong

ay mas magandang pakinggan

kaysa sa sigaw ng isang pinunong hangal.

18 Mas makapangyarihan ang karunungan

kaysa sa mga sandata ng digmaan.

Pero ang isang makasalanan

ay makakasira ng maraming kabutihan.

Veja também

Publicidade
Eclesiastes
Ver todos os capítulos de Eclesiastes
Bíblia Online Bíblia Online

Bíblia Online • Versão: 2026-06-15_21-32-39-