Publicidade

Eclesiastes 6

1 May nakita pa akong isang hindi magandang pangyayari rito sa mundo na nagpapahirap sa mga tao. 2 May mga taong binibigyan ng Diyos ng kanilang mga hinahangad tulad ng karangalan, ari-arian at kayamanan. Pero hindi niya hinahayaang pakinabangan nila ito, sa halip, ibang tao ang nakikinabang nito. Hindi ito maganda at walang kabuluhan.

3 Masasabi kong mas mabuti pa ang isang sanggol na ipinanganak na patay kaysa sa taong nabuhay nga nang matagal at nagkaanak pa ng marami, pero hindi naman nagkaroon ng kasiyahan sa buhay at hindi nailibing nang maayos. 4 Kahit walang saysay na ipinanganak ang sanggol, at kahit na siya ay nasa lugar ng mga patay at hindi na maaalala pa, 5 at kahit hindi siya nakakita ng liwanag ng araw o nalaman ang buhay, mas may kapayapaan pa siya kaysa sa taong iyon 6 na walang kasiyahan sa mga magagandang bagay na kanyang natanggap at kahit na mabuhay pa ang taong iyon ng ilang libong taon. Ang totoo ay iisa ang hahantungan ng lahat.

7 Nagtatrabaho ang tao para may makain,

pero hindi pa rin siya nasisiyahan.

8 Kaya ano ang lamang ng marunong

sa mangmang?

Ano ang mapapala ng mahirap

kahit alam niya

ang pasikot-sikot sa buhay?

9 Wala itong kabuluhan!

Para siyang humahabol sa hangin.

Kaya mas mabuting masiyahan ka

sa mga bagay na mayroon ka,

kaysa sa maghangad ka

nang maghangad

ng mga bagay na wala sa iyo.

10 Lahat ng pangyayari sa mundo

at mangyayari sa isang taoʼy

nakatakda na noon pa.

Kaya walang saysay na

makipagtalo pa tayo

sa Diyos na higit na makapangyarihan

kaysa sa atin.

11 At habang nakikipagtalo tayo,

dadami lang ang sasabihin nating

walang kabuluhan.

Kaya ano ang pakinabang nito?

12 Walang sinumang nakakaalam kung ano ang mabuti para sa isang taong maikli at walang kabuluhan ang buhay – lumilipas lang ito na parang anino. Sino ang makapagsasabi sa kanya kung ano ang mangyayari sa mundo pagkamatay niya?

Veja também

Publicidade
Eclesiastes
Ver todos os capítulos de Eclesiastes
Bíblia Online Bíblia Online

Bíblia Online • Versão: 2026-06-15_21-32-39-