1 Nakita ko ulit ang mga pang-aapi rito sa mundo.
Umiiyak ang mga inaapi,
pero walang tumutulong sa kanila
dahil makapangyarihan ang mang-aapi
at walang kumakalinga sa kanila.
2 Kaya nasabi kong mas mabuti pa ang mga patay kaysa sa mga buháy.
3 Pero higit na mabuti ang mga hindi pa ipinapanganak,
na hindi pa nakakakita ng kasamaan dito sa mundo.
4 Nakita ko rin na nagsusumikap ang mga tao at ginagawa ang lahat ng makakaya dahil naiinggit sila sa kanilang kapwa. Wala itong kabuluhan; para silang humahabol sa hangin.
5 Hangal ang taong tamad,
kaya halos mamatay siya sa gutom.
6 Mas mabuti pa ang may isang dakot ng pagkain
at payapa ang buhay
kaysa sa dalawang dakot ng pagkaing
dala ng labis na paghihirap,
at para ka lang humahabol sa hangin.
7 May nakita pa ako sa mundong ito na walang kabuluhan.
8 May isang taong nag-iisa sa buhay.
Wala siyang anak at wala ring kapatid.
Pero wala siyang tigil sa pagtatrabaho
at hindi nakokontento sa kanyang kayamanan.
Sinabi niya sa kanyang sarili, "Hindi na ako nakakapagsaya
dahil sa sobrang pagtatrabaho.
Pero wala naman akong mapag-iiwanan
ng aking mga pinaghirapan."
Wala itong kabuluhan!
At napakalungkot ng ganitong klase ng buhay.
9 Mas mabuti ang may kasama
kaysa mag-isa;
mas marami silang magagawa.
10 Kapag nadapa ang isa sa kanila
maitatayo siya ng kanyang kasama.
Kaya nakakaawa ang taong nag-iisa at nadapa,
dahil walang tutulong sa kanya.
11 Kapag malamig, maaari kayong matulog nang magkatabi
at pareho kayong maiinitan.
Pero kung nag-iisa ka,
papaano ka maiinitan?
12 Madali kang matalo kung ikaw ay nag-iisa,
subalit mahirap kang talunin
kung may kasama ka.
Tulad din ng lubid na may tatlong pilipit na hibla,
mahirap itong malagot.
13 Mas mabuti pa ang isang batang mahirap pero marunong, kaysa sa isang matandang hari pero hangal at ayaw tumanggap ng payo. 14 At maaaring maging hari ang batang iyon kahit siya ay nakulong at ang matandang hari namang iyon ay maaaring maghirap kahit na ipinanganak pa siyang dugong bughaw. 15 Pero naisip ko na kahit maraming tao dito sa mundo ang susunod sa batang iyon na pumalit sa hari, 16 at hindi mabilang ang mga taong paghaharian niya, maaaring hindi rin masisiyahan sa kanya ang susunod na henerasyon. Ito man ay wala ring kabuluhan. Para kang humahabol sa hangin.