Publicidade

2 Samuel 22

Papuring Awit ni David

1 Umawit si David sa Panginoon nang iligtas siya ng Panginoon sa kamay ng kanyang mga kalaban at kay Saul. 2 Ito ang awit niya:

"Ang Panginoon ang aking matibay

na batong kanlungan

at pananggalang.

Siya ang aking Tagapagligtas

na nag-iingat sa akin.

3 Siya ang aking batong kanlungan,

ang aking kublihan.

Inililigtas niya ako

sa mararahas na tao.

4 "Karapat-dapat kayong purihin Panginoon,

dahil kapag tumatawag ako sa inyo,

inililigtas nʼyo ako sa mga kalaban ko.

5 Tulad ng mga alon,

ang kamatayan ay nakapalibot sa akin.

Ang mga pinsalaʼy tulad

ng malakas na agos na tumatangay sa akin.

6 Ang kamatayaʼy parang lubid

na nakapulupot sa akin

at parang bitag sa aking daraanan.

7 "Sa aking kahirapan,

humingi ako ng tulong sa inyo,

Panginoon na aking Diyos,

at pinakinggan nʼyo

ang panalangin ko roon sa inyong templo.

8 Lumindol,

at ang pundasyon

ng kalangitan ay nayanig,

dahil kayo, Panginoon,

ay nagalit.

9 Umusok din ang inyong ilong,

at ang inyong bibig ay bumuga

ng apoy at mga nagliliyab na baga.

10 Binuksan nʼyo ang langit

at kayoʼy bumaba,

at tumuntong sa maitim

at makapal na ulap.

11 Kayoʼy sumakay sa isang kerubin,

at mabilis na lumipad na dala ng hangin.

12 Pinalibutan mo ang iyong sarili ng kadiliman,

ng madilim at makapal na ulap.

13 Kumidlat mula sa inyong kinaroroonan,

at mula rooʼy bumagsak ang mga yelo

at nagliliyab na baga.

14 Ang tinig nʼyo,

Kataas-taasang Diyos

na aming Panginoon,

ay dumadagundong mula sa langit.

15 Pinana nʼyo ng kidlat

ang inyong mga kalaban

at nataranta silang nagsitakas.

16 Sa inyong tinig at matinding galit,

natuyo ang dagat

at nakita ang lupa sa ilalim nito,

pati na rin ang pundasyon

ng mundo ay nalantad.

17 "At mula sa langit akoʼy inabot nʼyo

at inahon mula sa malalim na tubig.

18 Iniligtas nʼyo ako sa kapangyarihan

ng aking mga kalaban

na hindi ko kayang labanan.

19 Sinalakay nila ako sa oras ng aking kagipitan.

Ngunit sinaklolohan nʼyo ako, Panginoon.

20 Dinala nʼyo ako

sa lugar na walang kapahamakan

dahil nalulugod kayo sa akin.

21 "Pinagpala nʼyo ako

dahil akoʼy namumuhay sa katuwiran.

Sa kalinisan ng aking kamay

akoʼy inyong ginantimpalaan.

22 Dahil sinusunod ko ang inyong kalooban,

at hindi ko kayo tinalikuran,

Panginoon na aking Diyos.

23 Tinutupad ko ang lahat

ng inyong utos.

Ang inyong mga tuntunin

ay hindi ko sinusuway.

24 Alam nʼyong namumuhay ako

nang walang kapintasan,

at iniiwasan ko ang kasamaan.

25 Kaya naman akoʼy inyong ginagantimpalaan,

dahil nakita nʼyong

wala akong ginagawang kasalanan.

26 "Tapat kayo sa mga tapat sa inyo,

at mabuti kayo sa mabubuting tao.

27 Tapat kayo sa mga taong totoo sa inyo,

ngunit mas tuso kayo

sa mga taong masama.

28 Inililigtas nʼyo ang mga mapagpakumbaba,

ngunit ibinababa nʼyo

ang mga mapagmataas.

29 Panginoon, kayo ang aking liwanag

Sa kadiliman kayo ang aking ilaw.

30 Sa tulong nʼyo, o Diyos,

kaya kong salakayin

ang grupo ng mga sundalo,

at kaya kong akyatin ang pader

ng kanilang tanggulan.

31 "Ang pamamaraan nʼyo,

O Diyos, ay walang kamalian.

Ang inyong mga salita Panginoon

ay maaasahan.

Kayoʼy katulad ng isang kalasag

sa mga kumakanlong sa inyo.

32 Kayo lang, Panginoon,

ang tunay na Diyos, at wala nang iba.

At kayo lang talaga

ang aming Batong kanlungan.

33 Kayo, O Diyos,

ang nagbibigay sa akin ng kalakasan,

at nagbabantay sa aking daraanan.

34 Pinatatatag nʼyo ang aking paa tulad

ng paa ng usa,

upang maging ligtas ang pag-akyat ko

sa matataas na lugar.

35 Sinasanay nʼyo ako sa pakikipaglaban,

at ang aking brasoʼy nakakabanat ng panang tanso.

36 Ang katulad nʼyo ay kalasag

na nag-iingat sa akin,

at sa pamamagitan ng inyong tulong

ay naging kilala ako.

37 Pinaluwang nʼyo ang aking dadaanan,

kaya hindi ako natitisod.

38 Hinabol ko ang aking mga kalaban

at inabutan ko sila,

at hindi ako tumigil hanggang sa naubos ko sila.

39 Hinampas ko sila hanggang sa magsibagsak,

at hindi na makabangon sa aking paanan.

40 Binigyan nʼyo ako ng lakas sa pakikipaglaban,

kaya natalo ko ang aking mga kalaban.

41 Dahil sa inyo,

umatras ang aking mga kaaway

na may galit sa akin,

at silaʼy pinatay ko.

42 Humingi sila ng tulong,

ngunit walang sinumang tumulong.

Tumawag din sila sa inyo Panginoon,

ngunit kayoʼy hindi tumugon.

43 Dinurog ko sila

hanggang sa naging parang alikabok na lamang

na inililipad ng hangin,

at tinatapak-tapakan

na parang putik sa kalsada.

44 Iniligtas nʼyo ako Panginoon

sa mga rebelde kong mamamayan.

Ginawa nʼyo akong pinuno ng mga bansa.

Ang mga taga-ibang lugar

ay sumusunod sa akin.

45 Yumuyukod sila sa akin nang may takot

at sinusunod ang aking mga utos.

46 Nawawalan sila ng lakas ng loob,

kaya lumalabas sila

sa kanilang pinagtataguan

na nanginginig sa takot.

47 Buháy kayo, Panginoon!

Karapat-dapat kayong purihin at dakilain,

O Diyos na aking Batong kanlungan

at Tagapagligtas!

48 Pinaghigantihan nʼyo ang aking mga kaaway,

at ipinasailalim mo ang mga bansa

sa aking kapangyarihan.

49 Inilalayo nʼyo ako sa mararahas kong kalaban,

at pinagtagumpay nʼyo ako sa kanila.

50 Kaya pararangalan ko kayo

sa mga bansa, O Panginoon.

Aawitan ko kayo ng mga papuri.

51 Sa hinirang nʼyong hari

ay nagbigay kayo ng maraming tagumpay.

Ipinapadama ninyo ang inyong wagas na pag-ibig

sa inyong hinirang na si David

at sa lahat ng kanyang lahi,

magpakailanman."

Veja também

Publicidade
Bíblia Online Bíblia Online

Bíblia Online • Versão: 2026-06-15_21-32-39-