Publicidade

2 Samuel 1

Nalaman ni David ang Pagkamatay ni Saul

1 Samantala, bumalik sina David sa Ziklag pagkatapos ng matagumpay nilang pakikipaglaban sa mga Amalekita at nanatili muna sila nang dalawang araw doon. Patay na noon si Saul. 2 Nang ikatlong araw, may dumating na tao sa Ziklag mula sa kampo ni Saul; punit ang damit niya at may alikabok ang ulo. Lumapit siya kay David at yumukod bilang paggalang.

3 Tinanong siya ni David, "Saan ka nanggaling?"

Sumagot siya, "Tumakas po ako mula sa kampo ng mga Israelita."

4 Nagtanong si David, "Bakit, anoʼng nangyari? Sabihin mo sa akin."

"Tumakas po ang mga sundalo ng Israel sa labanan. Maraming napatay sa kanila pati na po si Saul at ang anak niyang si Jonatan," sagot niya.

5 Tinanong siyang muli ni David, "Paano mo nalamang patay na sina Saul at Jonatan?"

6 "Nagkataon pong nandoon ako sa Bundok ng Gilboa, at nakita ko roon si Saul na nakasandal sa sibat niya. Palapit na po sa kanya ang mga kalaban na nakasakay sa mga karwahe at kabayo.

7 "Nang lumingon siyaʼy nakita niya ako at tinawag. Kaya sinabi ko, ‘Ano po ang maipaglilingkod ko?’

8 "Tinanong niya kung sino ako at sinabi ko na isa akong Amalekita.

9 "Pagkatapos, sinabi niya sa akin, ‘Lumapit ka rito at patayin mo ako, tapusin mo na ang paghihirap ko. Gusto ko nang mamatay dahil hirap na ako sa kalagayan ko.’

10 "Kaya nilapitan ko siya at pinatay dahil alam kong hindi na rin siya mabubuhay sa grabeng sugat na natamo niya. Pagkatapos, kinuha ko po ang korona sa ulo niya at pulseras sa kamay niya, at dinala ko po rito sa inyo."

11 Nang marinig ito ni David at ng mga tauhan niya, pinunit nila ang kanilang mga damit. 12 Umiyak at nag-ayuno sila hanggang gabi para kay Saul at sa anak nitong si Jonatan, at para sa mga mamamayan ng Panginoon, ang bayan ng Israel, dahil marami ang namatay sa digmaan.

13 Tinanong pa ni David ang binatang nagbalita sa kanya, "Taga-saan ka?"

Sumagot siya, "Isa po akong dayuhang Amalekita na nakatira sa lupain ninyo."

14 Nagtanong si David, "Bakit hindi ka man lang natakot na patayin ang piniling hari ng Panginoon?"

15 Pagkatapos, tinawag ni David ang isa sa mga tauhan niya at inutusan, "Patayin mo ang taong ito!" Pinatay nga ng tauhan niya ang tao. 16 Sinabi ni David, "Ikaw ang dapat sisihin sa kamatayan mo. Ikaw na mismo ang tumestigo laban sa sarili mo nang sabihin mong pinatay mo ang piniling hari ng Panginoon."

Ang Panaghoy ni David para kay Saul at Jonatan

17 Gumawa si David ng isang awit para kay Saul at sa anak nitong si Jonatan, 18 at iniutos niyang ituro ito sa mga mamamayan ng Juda. Tinawag itong "Awit Tungkol sa Pana" at nakasulat ito sa Aklat ni Jashar. Ito ang panaghoy niya:

19 "O Israel, ang mga dakilang

mandirigma moʼy namatay

sa kabundukan mismo ng Israel.

Napatay din ang mga magigiting

mong sundalo.

20 Huwag itong ipaalam sa Gat,

o sa mga lansangan ng Ashkelon,

baka ikagalak ito

ng mga babaeng Filisteo

na hindi nakakakilala sa Diyos.

21 O Bundok ng Gilboa,

wala sanang ulan o hamog

na dumating sa iyo.

Wala sanang tumubong pananim

sa iyong bukirin

upang ihandog sa Diyos.

Sapagkat diyan nadungisan

ng mga kaaway

ang kalasag ng magiting

na si Haring Saul.

At wala nang magpapahid dito

ng langis

upang itoʼy linisin at pakintabin.

22 Sa pamamagitan ng espada ni Saul

at pana ni Jonatan,

maraming magigiting na kalaban

ang kanilang napatay.

23 Minahal at kinagiliwan ng mga Israelita

sina Saul at Jonatan.

Magkasama sila

sa buhay at kamatayan.

Sa digmaan, mas mabilis pa sila sa agila

at mas malakas pa sa leon.

24 Mga babae ng Israel,

magdalamhati kayo para kay Saul.

Dahil sa kanyaʼy nakapagsuot kayo

ng mga mamahaling damit

at alahas na ginto.

25 Ang magigiting na sundalo ng Israel

ay napatay sa labanan.

Pinatay din si Jonatan

sa inyong kabundukan.

26 Nagdadalamhati ako sa iyo,

Jonatan kapatid ko!

Mahal na mahal kita;

ang pagmamahal mo sa akin

ay higit pa sa pagmamahal

ng mga babae.

27 Nangabuwal ang magigiting

na sundalo ng Israel.

Ang kanilang mga sandataʼy

nangawala."

Veja também

Publicidade
Bíblia Online Bíblia Online

Bíblia Online • Versão: 2026-06-15_21-32-39-