Publicidade

2 Samuel 15

Naghimagsik si Absalom Laban kay David

1 Pagkatapos, naghanda si Absalom ng karwahe at mga kabayo, at limampung personal niyang guwardiya. 2 Maaga siyang gumigising araw-araw at tumatayo sa gilid ng daan papunta sa pintuan ng lungsod. Kapag may dumarating na tao para idulog sa hari ang kanyang kaso, tinatanong ni Absalom kung taga-saan ito, at sinasabi ng tao kung saang lahi ng Israel siya nagmula. 3 Pagkatapos, sinasabi sa kanya ni Absalom, "Malaki ang pag-asa mong manalo sa iyong kaso, kaya lang, walang kinatawan ang hari para duminig ng kaso mo. 4 Kung ako sana ang hukom, makakalapit sa akin ang bawat tao na mayroong reklamo o kaso, at titiyakin kong mabibigyan siya ng hustisya."

5 At kung may lalapit na tao kay Absalom at yuyukod bilang paggalang, niyayakap niya ito at hinahalikan bilang pagbati. 6 Ganito ang ginagawa ni Absalom sa lahat ng Israelitang pumupunta sa hari para idulog ang kaso nila. Kaya nakuha niya ang tiwala ng mga Israelita.

7 Pagkalipas ng apat na taon, sinabi ni Absalom sa hari, "Payagan nʼyo po akong pumunta sa Hebron upang tuparin ang ipinangako ko sa Panginoon. 8 Noong naninirahan pa ako sa Gesur na sakop ng Aram, nangako ako sa Panginoon na kung pababalikin ulit ako ng Panginoon sa Jerusalem, sasamba ako sa kanya sa Hebron."

9 Sinabi ng hari sa kanya, "Sige, magkaroon ka sana ng matiwasay na paglalakbay." Kaya pumunta si Absalom sa Hebron.

10 Ngunit nang dumating si Absalom sa Hebron, lihim siyang nagsugo ng mga mensahero sa buong Israel para sabihin, "Kapag narinig nʼyo ang tunog ng trumpeta, sumigaw kayo, ‘Si Absalom na ang hari ng Israel, at doon siya naghahari sa Hebron!’ " 11 At may dalawandaang lalaki mula sa Jerusalem na sumama kay Absalom. Silaʼy inimbitahan lamang at wala silang kaalam-alam sa mga plano ni Absalom. 12 Habang naghahandog si Absalom, ipinatawag niya si Ahitofel na taga-Gilo. Isa siya sa mga tagapayo ni David. Habang tumatagal, lalong dumarami ang mga tagasunod ni Absalom, kaya lumakas nang lumakas ang plano niyang pagrerebelde laban kay David.

Tumakas si David

13 May isang mensaherong nagsabi kay David, "Nakuha na ni Absalom ang loob ng mga mamamayan ng Israel."

14 Sinabi ni David sa lahat ng kasama niyang opisyal sa Jerusalem, "Bilisan nʼyo, kailangan nating makatakas agad. Baka sumalakay si Absalom at maabutan niya tayo at pagpapatayin tayong lahat pati na ang mga nakatira rito sa lungsod. Dalian nʼyo, kung gusto ninyong makaligtas kay Absalom!"

15 Sinabi ng mga opisyal, "Mahal na Hari, handa po kaming gawin ang anumang sabihin nʼyo sa amin."

16 Kaya lumakad si Haring David kasama ang buong sambahayan niya, ngunit iniwan niya ang sampu niyang asawang alipin para asikasuhin ang palasyo.

17 Lumakad na si David at ang mga tauhan niya, at huminto sila sa tapat ng kahuli-hulihang bahay ng lungsod, 18 at pinauna ni David ang lahat ng tauhan niya, pati na ang lahat ng personal niyang tagapagbantay na mga Kereteo at Peleteo. Sumunod ang 600 tao na galing sa Gat at sumáma kay David.

19 Sinabi ni David kay Itai na pinuno ng mga taga-Gat, "Bakit kayo sumasama sa amin? Bumalik kayo sa Jerusalem, sa bagong hari ninyong si Absalom. Mga dayuhan lang kayo sa Israel na tumakas mula sa lugar ninyo. 20 Kadarating lang ninyo dito, tapos ngayon sasáma kayo sa amin? Hindi nga namin alam kung saan kami pupunta! Bumalik na kayo kasama ng mga kababayan nʼyo, at ipakita sana sa inyo ng Panginoon ang pagmamahal niya at katapatan."

21 Ngunit sumagot si Itai sa hari, "Sumusumpa po ako sa Panginoon na buháy at sa inyo, Mahal na Hari, sasáma po kami sa inyo kahit saan kayo pumunta, kahit kamatayan pa ang kahinatnan namin."

22 Sinabi ni David sa kanya, "Kung ganoon, sige, sumáma kayo sa amin." Kaya lumakad si Itai at ang lahat ng tauhan niya, at ang pamilya niya.

23 Humagulgol ang mga tao sa Jerusalem habang dumadaan ang mga tauhan ni Haring David. Tumawid si David sa Lambak ng Kidron kasama ang kanyang mga tauhan patungo sa ilang.

24 Sumama rin ang paring si Sadoc, at ang lahat ng mga Levita na sumama sa kanya ay buhat-buhat ang Kahon ng Diyos. Inilagay nila ang Kahon ng Kasunduan sa tabi ng daan at naghandog si Abiatar hanggang sa makaalis ang lahat ng tauhan ni David sa lungsod.

25 Pagkatapos, sinabi ni David kay Sadoc, "Ibalik ninyo ang Kahon ng Kasunduan ng Diyos sa Jerusalem. Kung nalulugod sa akin ang Panginoon, pababalikin niya ako sa Jerusalem at makikita ko muli ang Kahon at ang lugar na kinalalagyan nito. 26 Ngunit kung sasabihin niyang, ‘Hindi ako nalulugod saʼyo,’ handa ako sa anumang loobin niya sa akin."

27 Sinabi pa ni Haring David sa paring si Sadoc, "Naiintindihan mo ba ako? Bumalik kayo ni Abiatar sa Jerusalem nang matiwasay. Isama ninyo ang anak mong si Ahimaaz at ang anak ni Abiatar na si Jonatan, at magmanman kayo roon. 28 Maghihintay ako sa tawiran ng ilog sa disyerto hanggang sa makatanggap ako ng balita galing sa inyo." 29 Kaya ibinalik nina Sadoc at Abiatar ang Kahon ng Diyos sa Jerusalem, at nanatili sila roon.

30 Umiiyak na umakyat si David sa Bundok ng Olibo. Nakapaa lang siya at tinakpan niya ang ulo niya bilang pagdadalamhati. Nakatakip din ng ulo ang mga kasama niya at umiiyak habang umaakyat. 31 May nagsabi kay David na si Ahitofel ay sumáma na kay Absalom. Kaya nanalangin si David, "Panginoon, gawin po ninyong walang kabuluhan ang mga payo ni Ahitofel."

32 Nang makarating sina David sa ibabaw ng Bundok ng Olibo, kung saan sinasamba ang Diyos, sinalubong siya ni Husai na Araceo. Punit ang damit niya at may alikabok ang kanyang ulo bilang pagdadalamhati. 33 Sinabi ni David sa kanya, "Wala kang maitutulong kung sasáma ka sa akin. 34 Ngunit kung babalik ka sa lungsod at sasabihin mo kay Absalom na pagsisilbihan mo siya gaya ng pagsisilbing ginawa mo sa akin, matutulungan mo pa ako sa pamamagitan ng pagsalungat sa ipapayo ni Ahitofel. 35 Naroon din sina Sadoc at Abiatar na mga pari. Sabihin mo sa kanila ang lahat ng maririnig mo sa palasyo ng hari. 36 Pagkatapos, papuntahin mo sa akin si Ahimaaz na anak ni Sadoc at si Jonatan na anak ni Abiatar para ibalita sa akin ang anumang maririnig mo."

37 Kaya bumalik sa Jerusalem si Husai na kaibigan ni David. Nagkataon namang papasok noon ng lungsod si Absalom.

Veja também

Publicidade
Bíblia Online Bíblia Online

Bíblia Online • Versão: 2026-06-18_14-04-22-