Publicidade

1 João 4

Paano Makikilala ang mga Bulaang Propeta

1 Mga minamahal, huwag kayong maniwala agad sa mga taong nagsasabing mula sa Espiritu ng Diyos ang ipinapahayag nila. Sa halip, subukin muna ninyo kung nagmula nga sa Espiritu ang ipinapahayag nila, sapagkat marami nang bulaang propetang naglipana sa mundo. 2 Sa ganitong paraan ninyo malalaman kung nasa kanila ang Espiritu ng Diyos: Kapag kinikilala nilang si Hesu-Kristoʼy nagkatawang-tao, sila ay mula sa Diyos. 3 Ngunit kung hindi nila kinikilala na si Hesus ay nagkatawang-tao, hindi ang Diyos ang nagsugo sa kanila kundi ang espiritu ng anti-Kristo na narinig ninyong darating, at naririto na nga ito sa mundo.

4 Mga minamahal kong anak, kayoʼy sa Diyos at napagtagumpayan na ninyo ang mga bulaang propeta, dahil ang Espiritung nasa inyo ay mas makapangyarihan kaysa sa espiritung naghahari ngayon sa mundo. 5 Silaʼy makamundo, kaya makamundong bagay din ang kanilang sinasabi, at pinakikinggan naman sila ng mundo. 6 Subalit tayoʼy sa Diyos. Ang mga kumikilala sa Diyos ay nakikinig sa mga sinasabi natin, ngunit ang mga hindi kumikilala sa Diyos ay hindi nakikinig sa atin. Sa ganito natin nakikilala kung ang nasa kanila ay ang Espiritu ng katotohanan o ang espiritu ng kasinungalingan.

Ang Pag-ibig ng Diyos at ang Ating Pag-ibig

7 Mga minamahal, mag-ibigan tayo sapagkat ang pag-ibig ay mula sa Diyos. Ang umiibig sa kanyang kapwa ay anak ng Diyos at nakakakilala sa Diyos. 8 Ang sinumang hindi umiibig ay hindi nakakakilala sa Diyos, sapagkat ang Diyos ay pag-ibig. 9 Ipinakita ng Diyos ang kanyang pag-ibig sa atin nang isinugo niya ang kanyang kaisa-isang Anak dito sa mundo, upang tayoʼy mabuhay sa pamamagitan niya. 10 Ito ang tunay na pag-ibig: Hindi tayo ang umibig sa Diyos kundi siya ang umibig sa atin; at isinugo niya ang kanyang anak para ialay para sa kapatawaran ng ating mga kasalanan. 11 Mga minamahal, kung ganoon na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa atin, nararapat lamang na mag-ibigan tayo. 12 Wala pang taong nakakita sa Diyos. Ngunit kung nag-iibigan tayo, ang Diyos ay sumasaatin at nagiging ganap ang kanyang pag-ibig sa atin.

13 Sa ganito natin nalalamang tayoʼy nananatili sa Diyos at siya naman sa atin: Ibinigay niya sa atin ang kanyang Espiritu. 14 Nakita namin at nagpapatotoo kami na isinugo ng Ama ang kanyang anak bilang Tagapagligtas ng sanlibutan. 15 Ang sinumang kumikilala na si Hesus ay Anak ng Diyos, ang Diyos ay nananatili sa kanila at sila naman sa Diyos. 16 Kaya nalalaman natin at pinaniniwalaan ang pag-ibig ng Diyos sa atin.

Ang Diyos ay pag-ibig. At ang sinumang nabubuhay nang may pag-ibig ay nananatili sa Diyos at ang Diyos sa kanila. 17 Sa ganito nagiging ganap ang pag-ibig sa atin: May kapanatagan tayo sa pagdating ng Araw ng Paghuhukom dahil namumuhay tayong tulad ni Kristo sa mundong ito. 18 Ang ganitong pag-ibig ay walang halong takot dahil pinapawi ng ganap na pag-ibig ang anumang takot. Kung may takot man ang isang tao, itoʼy dahil takot siyang maparusahan, at ipinapakita nito na hindi pa nagiging ganap ang pag-ibig sa kanya.

19 Tayoʼy umiibig sapagkat ang Diyos ang unang umibig sa atin. 20 Ang nagsasabing iniibig niya ang Diyos ngunit napopoot naman sa kanyang kapatid ay isang sinungaling. Sapagkat kung ang kapatid niya mismo na nakikita niya ay hindi niya magawang ibigin, paano pa kaya niya magagawang ibigin ang Diyos na hindi naman niya nakikita? 21 Ito ang utos na ibinibigay sa atin ni Kristo: Ang taong umiibig sa Diyos ay dapat ding umibig sa kanyang kapatid.

Veja também

Publicidade
1 João
Ver todos os capítulos de 1 João
Bíblia Online Bíblia Online

Bíblia Online • Versão: 2026-06-16_18-40-07-