1 Ang ipinapahayag namin sa inyo ay ang tungkol sa kanya na naroon na mula pa nang pasimula. Narinig namin siya, at nakita. Napagmasdan namin siya ng aming sariling mga mata at nahawakan ng aming mga kamay. Siya ang Salitang nagbibigay ng buhay. 2 Siya na nagbibigay ng buhay ay nahayag, at aming nakita at pinapatotohanan. Ipinapangaral namin sa inyo ang nahayag sa amin – ang buhay na walang hanggan na kasama ng Ama. 3 Ipinapahayag namin sa inyo ang aming nakita at narinig upang maging kaisa namin kayo sa pakikiisa namin sa Ama at sa kanyang Anak na si Hesu-Kristo. 4 Isinusulat namin ito upang maging ganap ang aming kagalakan.
5 Ito ang mensaheng narinig namin mula sa kanyang Anak at ipinapahayag naman namin sa inyo: Ang Diyos ay liwanag at sa kanyaʼy walang anumang kadiliman. 6 Kung sinasabi nating may pakikiisa tayo sa kanya ngunit namumuhay naman tayo sa kadiliman, nagsisinungaling tayo at hindi namumuhay nang ayon sa katotohanan. 7 Ngunit kung namumuhay tayo sa liwanag, tulad ng Diyos na nasa liwanag, may pagkakaisa tayo, at nililinis tayo ng dugo ni Hesus na kanyang Anak sa lahat ng kasalanan.
8 Kung sinasabi nating wala tayong kasalanan, dinadaya natin ang ating sarili at wala sa atin ang katotohanan. 9 Ngunit kung ipinagtatapat natin sa Diyos ang ating mga kasalanan, matapat siyang magpapatawad sa ating mga kasalanan at maglilinis sa lahat ng ating kasamaan sapagkat siyaʼy matuwid. 10 Kung sinasabi nating wala tayong kasalanan, ginagawa nating sinungaling ang Diyos, at walang puwang ang kanyang salita sa ating mga puso.