Publicidade

1 João 5

Pananampalataya sa Anak ng Diyos

1 Ang sinumang sumasampalataya na si Hesus ang Kristo ay anak ng Diyos, at ang sinumang umiibig sa Ama ay umiibig din sa kanyang mga anak. 2 Sa ganitong paraan natin malalaman na iniibig natin ang mga anak ng Diyos: kung minamahal natin ang Diyos at sinusunod natin ang kanyang mga utos. 3 Sapagkat ang tunay na umiibig sa Diyos ay sumusunod sa kanyang mga utos. At hindi naman mahirap sundin ang kanyang mga utos, 4 dahil napagtatagumpayan ng bawat anak ng Diyos ang mundo sa pamamagitan ng pananampalataya. 5 At sino nga ba ang nagtatagumpay laban sa mundo? Walang iba kundi ang sumasampalataya na si Hesus ang Anak ng Diyos.

6 Si Hesu-Kristo ang pumarito sa mundo sa pamamagitan ng tubig nang magpabautismo siya at sa pamamagitan ng dugo nang mamatay siya. Hindi lang sa pamamagitan ng tubig, kundi sa pamamagitan ng tubig at dugo. At ang mga bagay na itoʼy pinatotohanan sa atin ng Espiritu, sapagkat ang Espiritu ay katotohanan. 7 Kaya may tatlong nagpapatotoo tungkol kay Hesus: 8 ang Espiritu, ang tubig at ang dugo. At ang tatlong itoʼy nagkakaisa. 9 Kung tinatanggap natin ang patotoo ng mga tao, higit pa nating dapat tanggapin ang patotoo ng Diyos, sapagkat siya mismo ang nagpatotoo tungkol sa kanyang Anak. 10 Ang sinumang sumasampalataya sa Anak ng Diyos, isinasapuso niya ang patotoong ito. Ang sinumang hindi naniniwala sa patotoong ito ay ginagawang sinungaling ang Diyos dahil hindi niya pinapaniwalaan ang patotoo ng Diyos tungkol sa kanyang Anak. 11 At ito ang patotoo ng Diyos: Binigyan niya tayo ng buhay na walang hanggan, at ang pinagmulan ng buhay na itoʼy ang kanyang Anak. 12 Ang sumasampalataya sa Anak ng Diyos ay may buhay na walang hanggan; ngunit ang hindi sumasampalataya sa Anak ng Diyos ay walang buhay na walang hanggan.

Mga Panghuling Pananalita

13 Isinusulat ko ito sa inyo na mga sumasampalataya sa Anak ng Diyos upang malaman ninyong mayroon kayong buhay na walang hanggan. 14 Ito ang kapanatagan natin sa paglapit natin sa Diyos: Pakikinggan niya tayo sa anumang hilingin natin ayon sa kanyang kalooban. 15 At kung alam nating pinakikinggan tayo ng Diyos, nakakatiyak tayong matatanggap natin ang anumang hilingin natin.

16 Kung nakikita ninyo ang inyong kapatid na gumagawa ng kasalanang hindi hahantong sa kamatayan, ipanalangin ninyo siya, at siya ay bibigyan ng Diyos ng bagong buhay. Ito ay para lamang sa mga nakagawa ng kasalanang hindi hahantong sa kamatayan. May mga kasalanang hahantong sa kamatayan, ngunit hindi tungkol dito ang sinasabi kong ipanalangin ninyo. 17 Ang lahat ng masasamang gawa ay kasalanan, ngunit may kasalanang hindi hahantong sa kamatayan.

18 Alam nating ang sinumang naging anak ng Diyos ay hindi na nagpapatuloy sa kasalanan, sapagkat iniingatan siya ng Anak ng Diyos at hindi siya maaaring saktan ng diyablo. 19 At alam nating tayoʼy mga anak ng Diyos, at ang buong mundo ay nasa ilalim ng kapangyarihan ng diyablo. 20 Alam din nating ang Anak ng Diyos ay pumarito sa mundo, at binigyan niya tayo ng pang-unawa upang makilala natin ang tunay na Diyos. At tayo nga ay nakikiisa sa tunay na Diyos sa pamamagitan ng kanyang anak na si Hesu-Kristo. Siya ang tunay na Diyos, at ang pinagmulan ng buhay na walang hanggan.

21 Mga anak, lumayo kayo sa mga diyos-diyosan.

Veja também

Publicidade
1 João
Ver todos os capítulos de 1 João
Bíblia Online Bíblia Online

Bíblia Online • Versão: 2026-06-16_06-50-08-