Publicidade

Habacuque 3

Ang Panalangin ni Habakuk

1 Ito ang panalangin ni Propeta Habakuk:

2 Panginoon,

narinig ko po ang tungkol

sa inyong mga ginawa,

at ako ay lubos na humanga sa inyo.

Gawin ninyong muli sa aming panahon

ang ginawa ninyo noon.

At sa araw na ipadama ninyo

ang inyong galit,

maawa kayo sa amin.

3 Ikaw ang Diyos

na dumating mula sa Teman,

ang Banal na Diyos mula

sa Bundok ng Paran.

Tinatakpan ang langit

ng inyong kadakilaan

at napupuno ang lupa

ng mga papuri sa iyo.

4 Darating kayong kasinliwanag ng araw;

may sinag na lumalabas

sa inyong mga kamay

kung saan nakatago

ang inyong kapangyarihan.

5 Darating kayong may dalang mga salot.

6 Kapag tumayo kayo

ay nayayanig ang mundo,

at kapag tumingin kayo

ay nanginginig sa takot ang mga bansa

at gumuguho ang sinaunang kabundukan

at kaburulan.

Ang inyong mga pamamaraan

ay mananatili magpakailanman.

7 Nakita ko ang mga tolda ng Cushan

na nasa panganib,

at ang mga tahanan sa Midian

na naghihinagpis.

8 Panginoon,

sino ba ang inyong kinapopootan?

Ang mga ilog ba at ang mga dagat?

Sinalakay ninyo sila

gamit ang inyong mga kabayo at mga karwahe

na nagbigay sa inyo nang tagumpay.

9 Kinuha ninyo ang inyong pana

sa lalagyan niya,

inihanda ninyo ang inyong mga palaso.

Biniyak ninyo

ang lupang may mga ilog.

10 Ang mga bundok ay nanginig

nang kayoʼy kanilang magisnan.

Patuloy na umagos ang matinding baha;

umugong nang malakas ang dagat

at nilakihan ang kanyang mga alon.

11 Tumigil ang araw at ang buwan

sa kanilang kinaroroonan

sa kislap ng nagliliparan ninyong pana

at kumikinang ninyong sibat.

12 Sa inyong matinding galit

ay tinapakan nʼyo ang mundo

at niyurakan ang mga bansa.

13 Dumating kayo upang iligtas

ang inyong mga tao,

at makaiwas sa kapahamakan

ang inyong hinirang.

Pinuksa ninyo ang pinuno

ng kahariang napakasama,

at lubusang nilipol ang lahat

ng kanyang tagasunod.

14 Tinuhog nʼyo ng sarili niyang sibat

ang ulo ng pinuno ng kanyang mga kawal,

nang salakayin kami

ng kanyang mga mandirigma

upang kami ay ikalat.

Ikinagagalak nilang lipulin

kaming mga kawawang nagtatago sa takot.

15 Para kayong sundalo

na nakasakay sa kabayong

nagtatatakbo sa karagatan

hanggang sa lumaki ang mga alon.

16 Nang marinig ko ang lahat ng ito,

nanginig ang aking buong katawan

at nangatal ang aking mga labi

dahil sa takot.

Nanghina ako at nangatog

ang aking mga tuhod.

At dahil sa ipinahayag na ito

ng Panginoon,

matiyaga kong hihintayin

ang takdang panahon ng pagpaparusa niya

sa mga sumalakay sa amin.

17 Kahit hindi mamunga

ang mga puno ng igos, ubas,

o ang kahoy ng olibo,

at kahit walang anihín sa mga bukirin,

at kahit mamatay ang mga alagang hayop

sa kanilang mga kulungan,

18 magagalak pa rin ako

sapagkat ang Panginoong Diyos

ang nagliligtas sa akin.

19 Ang Makapangyarihang Panginoon

ang nagbibigay sa akin ng kalakasan.

Pinalalakas niya ang aking mga paa

na tulad ng mga paa ng usa,

upang makaakyat ako

sa matataas na lugar.

Veja também

Publicidade
Habacuque
Ver todos os capítulos de Habacuque
Bíblia Online Bíblia Online

Bíblia Online • Versão: 2026-06-16_18-40-07-