1 " ‘Kung may mag-aalay ng handog na pagkaing butil sa Panginoon, kailangang magandang klase ng harina ang gagamitin niya. Hahaluan niya ito ng langis ng olibo at saka lalagyan ng insenso. 2 Pagkatapos ay dadalhin niya ito sa mga anak ni Aaron na mga pari. Kukuha ang pari ng isang dakot ng harinang hinaluan ng langis ng olibo at nilagyan ng insenso, at susunugin niya sa altar, bilang tanda na ang handog ay para sa Diyos. Itoʼy handog na pagkaing nakalulugod ang samyo sa Panginoon. 3 Ang matitira sa handog na pagkaing butil ay para kay Aaron at sa kanyang mga anak, at ito ay napakabanal na bahagi mula sa handog na pagkaing butil na inialay sa Panginoon.
4 " ‘Kung ang iaalay ninyo ay handog na pagkaing butil na niluto sa hurno, kailangang gawa ito sa magandang klaseng harina at hindi nilagyan ng pampaalsa. Maaaring mag-alay ng makapal na tinapay na hinaluan ng langis ng olibo o ng manipis na tinapay na pinahiran ng langis ng olibo. 5 Kung ang handog na pagkaing butil na iaalay ay niluto sa malapad na kawali, kinakailangang gawa ito sa magandang klaseng harina at may halong langis ng olibo, ngunit walang pampaalsa. 6 Pagpipira-pirasuhin ito at lalagyan ng langis ng olibo. Itoʼy handog na pagkaing butil. 7 Kung ang handog na pagkaing butil ay niluto sa kawali, kinakailangang gawa ito sa magandang klase ng harina at nilagyan ng langis ng olibo. 8 Ang ganitong uri ng mga handog ay dadalhin sa pari na siyang maghahandog nito sa Panginoon doon sa altar. 9 Babawasan ito ng pari at ang ibinawas na iyon ay susunugin niya sa altar bilang palatandaan na ito ay handog sa Panginoon. Itoʼy handog na pagkaing nakalulugod ang samyo sa Panginoon. 10 Ang natirang harina ay para kay Aaron at sa kanyang angkan, at ito ay napakabanal na bahagi mula sa pagkaing handog na inialay sa Panginoon.
11 " ‘Huwag kayong mag-alay sa Panginoon ng handog na pagkaing butil na may pampaalsa, dahil ang mga pampaalsa o pulot ay hindi dapat sinusunog bilang handog na pagkain para sa Panginoon. 12 Maaari ninyong ialay sa Panginoon ang handog na pagkaing butil na may pampaalsa o pulot bilang handog mula sa unang ani, ngunit huwag ninyong susunugin sa altar bilang handog na pagkaing nakalulugod ang samyo. 13 Lagyan ninyo ng asin ang lahat ng inyong handog na pagkaing butil, dahil ang asin ay tanda ng inyong walang hanggang kasunduan sa Panginoon. Kaya lagyan ninyo ng asin ang lahat ng inyong handog na pagkaing butil.
14 " ‘Kung ang iaalay ninyo sa Panginoon ay handog mula sa unang ani ninyo, maghandog kayo ng mga giniling na butil na binusa. 15 Lagyan ninyo ito ng langis ng olibo at insenso. Itoʼy handog na pagkaing butil. 16 At mula sa handog na itoʼy kukuha ang pari ng giniling na butil na nilagyan ng langis ng olibo at insenso at susunugin bilang palatandaan na ito ay handog sa Panginoon. Itoʼy handog sa pamamagitan ng apoy para sa Panginoon.’ "