Ang Pananampalataya ng Babaeng Hentil
21 Umalis si Hesus mula roon at pumunta sa mga lugar na malapit sa Tiro at Sidon. 22 May isang babaeng Cananeo na naninirahan doon. Lumapit siya kay Hesus at nagmakaawa. Sinabi niya, "Panginoon, Anak ni David, maawa po kayo sa akin! Sinasapian po ng demonyo ang anak kong babae at labis siyang pinahihirapan nito."
23 Ngunit hindi sumagot si Hesus. Kaya lumapit sa kanya ang kanyang mga alagad at sinabi, "Paalisin nʼyo na po ang babaeng iyan, dahil sunod siya nang sunod sa atin at nag-iingay."
24 Sinabi ni Hesus sa babae, "Sinugo ako para lang sa mga Israelita na parang mga tupang naliligaw."
25 Ngunit lumapit pa ang babae kay Hesus at lumuhod sa harap niya, at sinabi, "Panginoon, tulungan nʼyo po ako!"
26 Sinagot siya ni Hesus, "Hindi tamang kunin ang pagkain ng mga anak at ihagis sa mga aso."
27 Sumagot naman ang babae, "Tama po kayo, Panginoon, ngunit kahit ang mga aso ay kumakain ng mga tirang nahuhulog mula sa mesa ng kanilang amo."
28 At sinabi sa kanya ni Hesus, "Napakalaki ng iyong pananampalataya! Matutupad ang hinihiling mo." At sa sandaling iyon ay gumaling ang anak ng babae.