Pular para o conteúdo
Publicidade

Mateus 21

Ang Pagpasok ni Hesus sa Jerusalem bilang Hari

1 Malapit na sina Hesus sa Jerusalem. Pagdating nila sa nayon ng Betfage na nasa Bundok ng mga Olibo, pinauna ni Hesus ang dalawa sa kanyang alagad 2 at sinabi, "Pumunta kayo sa susunod na nayon. Pagpasok nʼyo roon, makikita ninyo ang isang asno na nakatali, kasama ang anak nito. Kalagan ninyo ang mga ito at dalhin dito sa akin. 3 Kapag may sumita sa inyo, sabihin ninyong kailangan ng Panginoon, at hahayaan na niya kayo."

4 Nangyari ito para matupad ang sinabi ng propeta:

5 "Sabihin ninyo sa mga taga-Zion,

Makinig kayo!

Paparating na ang inyong hari!

Mapagpakumbaba siya,

at darating na nakasakay sa asno,

sa isang bisirong asno.’ "21:5 Zac. 9:9.

6 Lumakad nga ang mga alagad at ginawa ang iniutos ni Hesus. 7 Dinala nila ang asno at ang anak nito kay Hesus. Sinapinan nila ang mga ito ng kanilang mga balabal at sumakay si Hesus. 8 Maraming tao ang naglatag ng kanilang mga balabal sa daan. Ang iba naman ay pumutol ng mga sanga ng kahoy at inilatag din sa daan. 9 Ang mga tao sa unahan ni Hesus at ang mga nasa hulihan ay sumisigaw,

"Purihin ang Anak ni David!"

"Pinagpala ang dumarating

sa ngalan ng Panginoon!"21:9 Salmo 118:26.

"Papuri sa Diyos sa kaitaasan!"

10 Nang pumasok si Hesus sa Jerusalem, nagkagulo ang buong lungsod, at nagtanungan ang mga tao, "Sino ang taong iyan?"

11 Sumagot ang mga kasama ni Hesus, "Siya ang propetang si Hesus na taga-Nazaret, na sakop ng Galilea."

Veja também