Pular para o conteúdo
Publicidade

Mateus 26

Ang Planong Pagpatay kay Hesus

1 Pagkatapos ipangaral ni Hesus ang lahat nang ito, sinabi niya sa kanyang mga alagad, 2 "Alam nʼyo na dalawang araw na lang at sasapit na ang Pista ng Paglampas ng Anghel,26:2 Pista ng Paglampas ng Anghel: Tingnan sa Exo. 12:1-30 kung paano nagsimula ang pistang ito. at ang Anak ng Tao ay ibibigay sa mga taong kumokontra sa kanya para ipako sa krus."

3 Sa mga oras na iyon, ang mga namamahalang pari at ang mga pinuno ng mga Hudyo ay nagpupulong sa palasyo ni Caifas na punong pari. 4 Pinagplanuhan nila kung paano dadakpin si Hesus nang hindi nalalaman ng mga tao, at pagkatapos ay ipapapatay. 5 Sinabi nila, "Huwag nating gawin sa pista dahil baka magkagulo ang mga tao."

Binuhusan ng Pabango si Hesus

6 Habang si Hesus ay nasa Betania, sa bahay ni Simon na dating may malubhang sakit sa balat, 7 lumapit sa kanya ang isang babae. May dala itong mamahaling pabangong nasa sisidlang alabastro. At habang kumakain si Hesus, ibinuhos ng babae ang pabango sa ulo ni Hesus.

8 Nagalit ang mga alagad ni Hesus nang makita ito. Sinabi nila, "Bakit niya sinasayang ang pabangong iyan? 9 Maibebenta sana ʼyan sa malaking halaga, at maibibigay ang pera sa mga mahihirap."

10 Ngunit alam ni Hesus ang pinag-uusapan nila, kaya sinabi niya sa kanila, "Bakit ninyo ginugulo ang babae? Mabuti ang ginawa niyang ito sa akin. 11 Ang mga mahihirap ay palagi ninyong makakasama, ngunit ako ay hindi. 12 Binuhusan niya ako ng pabango para ihanda ang aking katawan sa aking libing. 13 Sinasabi ko sa inyo ang totoo, saan man ipangaral ang Magandang Balita sa buong mundo, dooʼy ipapahayag din ang ginawa niyang ito sa akin bilang pag-alaala sa kanya."

Ipinagkanulo ni Judas si Hesus

14 Si Judas Iscariote na isa sa labindalawang alagad ay pumunta sa mga namamahalang pari. 15 Sinabi niya sa kanila, "Ano po ang ibabayad ninyo sa akin kung tutulungan ko kayong madakip si Hesus?" Noon din ay binigyan nila si Judas ng tatlumpung pirasong pilak. 16 Mula noon, humanap na si Judas ng pagkakataon para ipagkanulo si Hesus.

Ang Huling Hapunan

17 Nang dumating ang unang araw ng Pista ng Tinapay na Walang Pampaalsa, lumapit ang mga alagad ni Hesus at nagtanong, "Saan nʼyo po kami gustong maghanda ng hapunan para sa Pista ng Paglampas ng Anghel?"

18 Sumagot si Hesus, "Pumunta kayo sa Jerusalem, doon sa taong binanggit ko sa inyo, at sabihin ninyo sa kanya, Ipinasasabi ng Guro: Ang aking oras ay malapit na. Ako at aking mga alagad ay maghahapunan para ipagdiwang ang Pista ng Paglampas ng Anghel sa iyong bahay.’ " 19 Sinunod nila ang utos ni Hesus, at inihanda nila roon ang hapunan para sa Pista.

20 Kinagabihan, naghapunan si Hesus at ang kanyang labindalawang alagad. 21 Habang kumakain sila, sinabi ni Hesus sa kanila, "Sinasabi ko sa inyo ang totoo, ang isa sa inyo ay magkakanulo sa akin."

22 Nalungkot sila nang marinig iyon, at isa-isa silang nagtanong sa kanya, "Panginoon, hindi po ako iyon, di po ba?"

23 Sumagot siya, "Ang kasabay kong magsasawsaw ng tinapay sa mangkok ang siyang magkakanulo sa akin. 24 Ang Anak ng Tao ay papatayin ayon sa sinasabi ng Kasulatan, ngunit kahabag-habag ang taong magkakanulo sa kanya! Mabuti pang hindi na siya ipinanganak."

25 Nagtanong din si Judas na siyang magkakanulo sa kanya, "Rabbi, ako po ba iyon?"

Sumagot si Hesus, "Ikaw na ang nagsabi."

26 Habang kumakain sila, kumuha si Hesus ng tinapay. Nagpasalamat siya sa Diyos at pagkatapos ay hinati-hati niya ito at ibinigay sa mga alagad niya. Sinabi niya, "Kunin ninyo at kainin; ito ang aking katawan."

27 Kumuha siya ng kopang may alak, nagpasalamat sa Diyos, at ibinigay sa kanila. Sinabi niya, "Uminom kayong lahat nito, 28 dahil ito ang aking dugo na ibubuhos para sa kapatawaran ng kasalanan ng maraming tao. Katibayan ito ng bagong kasunduan ng Diyos sa mga tao.

Veja também