Ang Anak ng Namumuno at ang Babaeng Dinudugo
18 Habang sinasabi niya ang mga ito, dumating ang isang namumuno sa sinagoga. Lumuhod ito sa kanyang harapan at sinabi, "Kamamatay lang po ng anak kong babae, ngunit kung pupuntahan nʼyo siya at ipapatong ang inyong kamay sa kanya, siyaʼy mabubuhay." 19 Kaya tumayo si Hesus at sumáma sa kanya, pati na rin ang mga alagad niya.
20 Habang papunta sila, may isang babae roon na labindalawang taon nang dinudugo. Lumapit siya sa likuran ni Hesus at hinipo ang laylayan ng damit niya. 21 Sapagkat naisip ng babae, "Mahawakan ko lang ang damit niya ay gagaling na ako."
22 Lumingon si Hesus at nakita siya. Sabi niya, "Lakasan mo ang iyong loob, anak. Pinagaling ka ng iyong pananampalataya." At gumaling nga ang babae sa sandaling iyon.
23 Nang dumating na si Hesus sa bahay ng namumuno sa sinagoga, nakita niya ang mga manunugtog ng plauta sa libing at ang maraming taong nagkakagulo. 24 Sinabi niya, "Magsilabas kayo! Hindi patay ang bata kundi natutulog lang." Ngunit pinagtawanan lamang siya ng mga ito. 25 Nang mapalabas na ang mga tao, pumasok siya at hinawakan sa kamay ang bata, at bumangon ito. 26 Kumalat ang balitang ito sa buong lugar na iyon.