Publicidade

Rute 3

Ang Kahilingan ni Ruth kay Boaz

1 Isang araw, sinabi ni Naomi kay Ruth, "Anak, gusto kong makapag-asawa ka na para sa ikabubuti mo. 2 Natatandaan mo ba si Boaz na kamag-anak natin? Nakasama mo sa pagtatrabaho ang kanyang mga utusang babae. Alam mo, maggigiik siya ng sebada mamayang gabi. 3 Kaya maligo ka, magpabango, at isuot ang pinakamaganda mong damit. Pumunta ka sa giikan, pero huwag kang magpakita sa kanya hanggang sa makakain at makainom siya. 4 Kapag matutulog na siya, tingnan mo kung saan siya hihiga. At kapag tulog na siya, puntahan mo at iangat ang kumot sa paanan niya, at doon ka mahiga. At sasabihin niya sa iyo kung ano ang gagawin mo."

5 Sumagot si Ruth, "Gagawin ko po ang lahat ng sinabi ninyo." 6 Kaya pumunta siya sa giikan para gawin ang lahat ng sinabi sa kanya ng biyenan niya.

7 Nang matapos kumain at uminom si Boaz, gumanda ang pakiramdam niya. Nahiga siya sa tabi ng bunton ng sebada para matulog. Dahan-dahang lumapit si Ruth at iniangat ang kumot sa paanan niya at nahiga roon. 8 At nang hatinggabi naʼy nagising si Boaz, at nang nag-inat siya, nagulat siya na may babaeng nakahiga sa paanan niya.

9 Nagtanong si Boaz, "Sino ka?"

Sumagot siya, "Ako po si Ruth, na inyong lingkod. Takpan nʼyo po ako ng laylayan ng inyong damit sapagkat isa po kayo sa aming kamag-anak na manunubos."

10 Sinabi ni Boaz, "Anak, pagpalain ka nawa ng Panginoon. Ang katapatan na ipinakita mo ngayon sa pamilya mo ay pa sa ipinakita mo noon. Sapagkat hindi ka naghanap ng binata, mayaman man o mahirap. 11 Kaya huwag kang mag-alala, anak. Gagawin ko ang lahat ng hinihiling mo, dahil alam ng lahat ng kababayan ko na mabuti kang babae. 12 Totoong malapít mo akong kamag-anak na may tungkuling tubusin ka, pero mayroon ka pang mas malapít na kamag-anak kaysa sa akin. 13 Dumito ka muna ngayong gabi. Bukas nang umaga, kung gagampanan niya ang tungkulin niya saʼyo, mabuti; kung hindi, isinusumpa ko sa buháy na Panginoon na gagampanan ko ang tungkulin ko saʼyo. Sige, dito ka muna matulog hanggang umaga."

14 Kaya natulog si Ruth sa paanan ni Boaz hanggang sa mag-umaga, pero madilim-dilim pa ay bumangon na si Ruth para hindi siya makilala, dahil ayaw ni Boaz na may makaalam na pumunta si Ruth doon sa giikan niya.

15 Sinabi ni Boaz, "Dalhin mo rito sa akin ang balabal mo at ilatag mo." Inilatag ito ni Ruth, at nilagyan ni Boaz ng mga anim na kilong sebada at ipinapasan kay Ruth. At bumalik si Ruth sa bayan.

16 Pagdating ni Ruth sa biyenan niya, tinanong siya, "Kumusta, anak?"

Ikinuwento naman ni Ruth ang lahat ng ginawa ni Boaz. 17 At sinabi pa ni Ruth, "Ayaw po ni Boaz na umuwi ako sa inyo nang walang dala, kaya binigyan niya ako nitong anim na kilong sebada."

18 Sinabi ni Naomi, "Maghintay ka lang, anak, hanggang malaman mo kung ano ang mangyayari, dahil hindi titigil si Boaz hanggang sa maisaayos niya sa araw na ito ang hinihiling mo sa kanya."

Veja também

Publicidade
Rute
Ver todos os capítulos de Rute
Bíblia Online Bíblia Online

Bíblia Online • Versão: 2026-06-15_21-32-39-