13 Kaya nagpakasal si Boaz kay Ruth, at niloob ng Panginoon na magdalantao si Ruth at manganak ng isang lalaki. 14 Sinabi ng mga kababaihan kay Naomi, "Purihin ang Panginoon, siya na nagbigay saʼyo ngayon ng kamag-anak na manunubos. Nawaʼy maging tanyag siya sa Israel! 15 Palalakasin at aalagaan ka niya kapag matanda ka na, dahil anak siya ng manugang mo na nagmamahal sa iyo nang higit pa sa pagmamahal ng pitong anak na lalaki."
16 Kinuha ni Naomi ang bata at kinalong. At siya ang naging tagapag-alaga nito.
Ang mga Ninuno ni David
17 Sinabi ng mga babaeng kapitbahay ni Naomi, "May apong lalaki na si Naomi!" Pinangalanan nila ang bata ng Obed. Siya ang ama ni Jesse na ama ni David.
18 Ito ang angkan ni Peres hanggang kay David:
Si Perez ang ama ni Hezron,
19 si Hezron ang ama ni Ram,
si Ram ang ama ni Aminadab,
20 si Aminadab ang ama ni Naason,
si Nashon ang ama ni Salmon,
21 si Salmon ang ama ni Boaz,
si Boaz ang ama ni Obed,
22 si Obed ang ama ni Jesse,
at si Jesse ang ama ni David.