Publicidade

Sofonias 3

Ang Pagrerebelde ng Jerusalem at ang Pagtubos Nito

1 Kahabag-habag ang lungsod

ng mga mang-aapi,

mga rebelde at marurumi.

2 Hindi sila nakikinig kahit kanino,

at ayaw nilang magpaturo.

Hindi sila nagtitiwala

sa Panginoon na kanilang Diyos,

ni lumalapit sa kanya.

3 Ang kanilang mga opisyal

ay parang mga leon na umaatungal.

Ang kanilang mga pinuno

ay parang mga lobong naghahanap

ng makakain kung gabi,

at walang itinitira

pagsapit ng umaga.

4 Ang kanilang mga propeta

ay padalos-dalos sa kanilang

mga ginagawa

at hindi mapagkakatiwalaan.

Nilalapastangan ng kanilang mga pari

ang mga bagay na banal

at sinusuway ang kautusan ng Diyos.

5 Subalit naroon pa rin

ang presensya ng Panginoon

sa kanilang lungsod.

At hindi siya gumagawa ng mali.

Araw-araw niyang ipinapakita

ang kanyang katarungan,

at nananatili siyang tapat.

Subalit ang masasamâ

ay hindi nahihiya sa ginagawa nila.

6 Sinabi ng Panginoon,

"Nilipol ko ang mga bansa;

giniba ko ang kanilang mga lungsod

pati ang kanilang mga pader at mga tore.

Wala nang natirang mga mamamayan,

kaya wala nang makikitang

taong naglalakad

sa kanilang mga lansangan.

7 Dahil sa mga ginawa kong ito

akala koʼy igagalang na ako

ng aking mga mamamayan

at tatanggapin na nila

ang aking pagsaway sa kanila,

para hindi na magiba ang kanilang lungsod

ayon sa itinakda ko sa kanila.

Ngunit lalo pa silang nagpakasama.

8 Kaya hintayin ninyo ako,"

sabi ng Panginoon.

"Darating ang araw na akoʼy tatayo

at aking uusigin ang mga bansa.

Sapagkat napagpasyahan kong

tipunin ang mga bansa at mga kaharian

para ibuhos sa kanila

ang matindi kong poot.

Ang nagliliyab kong galit

ang tutupok sa buong mundo.

9 Pagkatapos, ang mga labi nilaʼy lilinisin ko

upang silang lahat ay tatawag

sa pangalan ng Panginoon

at sama-samang maglilingkod sa kanya.

10 Ang mga nananalangin kong mamamayan

na nakakalat sa kabilang ibayo

ng mga ilog ng Etiopia

ay magdadala ng mga handog sa akin.

11 Sa araw na iyon,

kayong mga taga-Jerusalem

ay hindi na mapapahiya

sa lahat ng mga kasalanang

ginawa ninyo sa akin,

dahil aalisin ko sa inyo

ang mga mapagmataas

at mayayabang.

Kaya wala nang magyayabang

doon sa aking banal na bundok.

12 Ngunit mag-iiwan ako

sa gitna ninyo

ng mga taong inaapi at aba.

Ang mga naiwang ito

ay patuloy na magtitiwala

sa Panginoon.

13 Ang mga Israelitang ito

ay hindi gagawa ng masama;

hindi sila magsisinungaling o mandadaya.

Kakain at matutulog silang payapa

at walang kinatatakutan."

14 Sinabi ni Zefanias:

"Kayong mga mamamayan ng Israel,

sumigaw kayo sa tuwa!

Kayong mga mamamayan ng Zion,

ang lungsod ng Jerusalem,

umawit kayo at magalak

nang buong puso!

15 Sapagkat hindi na kayo

parurusahan ng Panginoon.

Palalayasin niya

ang inyong mga kaaway.

Kasama ninyo ang Panginoon,

ang Hari ng Israel,

kaya wala nang kasawiang

dapat pang katakutan.

16 Sa araw na iyon,

sasabihin ng mga tao

sa mga taga-Jerusalem,

Mga mamamayan ng Zion,

huwag kayong matakot;

magpakatatag kayo.

17 Sapagkat kasama ninyo

ang Panginoon

na inyong Diyos.

Siya ay isang mandirigmang

magliligtas sa inyo.

Siyaʼy magagalak sa inyo,

at sa kanyang pag-ibig kayoʼy

kanyang panunumbalikin.

Sa kanyang kagalakan

ay kanyang aawitan."

18 Sinabi ng Panginoon,

"Titipunin ko kayong

mga naghihinagpis

dahil sa kapistahan.

Ililigtas ko kayo sa kasawian

para hindi na kayo malagay

sa kahihiyan.

19 Sa araw na iyon,

parurusahan ko

ang lahat ng umaapi sa inyo.

Kayoʼy parang mga tupang napilay

at pinaghiwa-hiwalay,

ngunit ililigtas ko kayo

at titipuning muli.

Inilagay kayo sa kahihiyan noon,

ngunit kayoʼy pararangalan ko

at gagawing tanyag

sa buong mundo.

20 Oo, titipunin ko kayo

sa araw na iyon

at pauuwiin ko kayo

sa inyong bansa.

Pararangalan ko kayo

at gagawing tanyag sa buong mundo

sa araw na panumbalikin ko

ang inyong mabuting kalagayan

at masasaksihan ninyo

itong mangyari sa inyong harapan,"

sabi ng Panginoon.

Veja também

Publicidade
Sofonias
Ver todos os capítulos de Sofonias
Bíblia Online Bíblia Online

Bíblia Online • Versão: 2026-06-15_21-32-39-