Publicidade

Zacarias 4

Ang Lamparang Ginto at ang Dalawang Puno ng Olibo

1 Bumalik ang anghel na nakipag-usap sa akin at ginising ako dahil tila nakatulog ako. 2 Tinanong niya ako, "Ano ang nakita mo?"

Sumagot ako, "Nakita ko ang isang gintong patungan ng ilawan. Sa itaas nito ay may mangkok na lalagyan ng langis. Sa paligid ng mangkok ay may pitong ilawan na ang bawat isa ay may pitong tubo na dinadaluyan ng langis. 3 May dalawang puno ng olibo sa magkabila nito, isa sa kanan at isa sa kaliwa."

4 Tinanong ko ang anghel na nakikipag-usap sa akin, "Ano po ba ang ibig sabihin ng mga iyan?"

5 Sumagot ang anghel, "Hindi mo ba alam ang ibig sabihin ng mga iyan?"

Sumagot ako, "Hindi po."

6 Kaya sinabi niya sa akin, "Ito ang sasabihin mo kay Zerubabel mula sa Panginoon: ‘Hindi sa pamamagitan ng lakas o kakayahan ng tao kundi sa pamamagitan ng aking Espiritu,’ sabi ng Panginoon ng mga Hukbo.

7 "Kahit kasinlaki pa ng bundok ang hadlang na iyong haharapin, Zerubabel, magiging patag ito. At kapag ilalatag mo ang kahuli-hulihang bato, magsisigawan ang mga tao na magsasabi, ‘Panginoon, pagpalain nʼyo nawa ito.’ … ito: O Talagang napakaganda."

8 Pagkatapos, sinabi sa akin ng Panginoon: 9 Si Zerubabel ang siyang nagtayo ng pundasyon ng Templo at siya rin ang tatapos nito. At dahil dito, malalaman ninyong ang Panginoon ng mga Hukbo ang nagsugo sa akin.

10 May mga taong kumukutya dahil kakaunti pa lamang ang nagagawa sa pagpapatayo ng templo. Pero matutuwa sila kapag nakita na nilang inilalagay ni Zerubabel ang pinakahuli at natatanging bato sa templo.

Pagkatapos, sinabi sa akin ng anghel, "Ang pitong ilawang iyan ay ang mata ng Panginoon na nagmamasid sa buong mundo."

11 Nagtanong ako sa anghel, "Ano ang ibig sabihin ng dalawang puno ng olibo – isa sa kanan at isa sa kaliwa ng lalagyan ng ilaw?

12 "At ano ang ibig sabihin ng dalawang sanga ng punong olibo sa tabi ng dalawang gintong tubo na dinadaluyan ng langis na kulay ginto?"

13 Sinabi niya sa akin, "Hindi mo ba alam ang ibig sabihin ng mga iyan?"

Sumagot ako, "Hindi po."

14 Kaya sinabi niya sa akin, "Ang mga iyan ay kumakatawan sa dalawang taong pinili na maglilingkod sa Panginoon na naghahari sa buong mundo."

Veja também

Publicidade
Bíblia Online Bíblia Online

Bíblia Online • Versão: 2026-06-15_21-32-39-