1 Minsan, sinabi ni Saul kay Jonatan at sa lahat ng lingkod niya na patayin si David. Ngunit mahal ni Jonatan si David, 2 kaya nagbigay siya ng babala kay David. Sinabi niya, "Naghahanap ng pagkakataon ang aking ama para patayin ka, kaya mag-ingat ka. Bukas maghanap ka ng mapagtataguan at huwag kang aalis doon. 3 Dadalhin ko roon ang aking ama at kakausapin ko siya tungkol sa iyo. Pagkatapos, sasabihin ko sa iyo ang napag-usapan namin."
4 Kinaumagahan, kinausap ni Jonatan si Saul tungkol kay David doon sa bukid at pinuri niya ito sa harap ng kanyang ama. Sinabi niya, "Ama, huwag nʼyo pong saktan si David na inyong lingkod dahil wala siyang kasalanan sa inyo. Nakagawa pa nga po siya ng malaking kabutihan sa inyo. 5 Itinaya po niya ang kanyang buhay nang patayin niya ang Filisteong si Goliat at pinagtagumpay ng Panginoon ang buong Israel. Nasaksihan nʼyo ito at natuwa kayo. Ngayon, bakit gusto nʼyo pang ipapatay ang isang inosenteng tao na katulad ni David nang walang dahilan?"
6 Pinakinggan ni Saul si Jonatan at sumumpa siya sa pangalan ng Panginoon na buháy na hindi na niya ipapapatay si David.
7 Ipinatawag ni Jonatan si David at sinabi niya rito ang lahat ng pinag-usapan nila ni Saul. Dinala ni Jonatan si David kay Saul, at muling pinaglingkuran ni David si Saul gaya ng dati.
8 Muling naglaban ang mga Filisteo at mga Israelita, at buong lakas na pinamunuan ni David ang mga tauhan niya sa pakikipaglaban. Sinalakay nila David nang buong lakas ang mga Filisteo kaya natalo ang mga ito at nagsitakas.
9 Isang araw, habang nakaupo si Saul sa kanyang bahay at may hawak na sibat, sinaniban na naman siya ng masamang espiritu na ipinadala ng Panginoon. Habang tumutugtog si David ng alpa, 10 sinubukang itusok ni Saul si David sa dingding sa pamamagitan ng pagsibat dito ngunit nakaiwas si David. Tumakas si David noong gabi ring iyon.
11 Nagpadala naman ng mga tauhan si Saul para magmanman sa bahay ni David at para patayin ito kinaumagahan. Ngunit binalaan si David ng kanyang asawang si Mical, "Kung hindi ka tatakas ngayong gabi, papatayin ka bukas." 12 Kaya tinulungan niyang makababa si David sa bintana, at tumakas si David. 13 Kumuha naman si Mical ng isang diyos-diyosan, at inihiga sa kama. Kinumutan niya ito, at binalot ng balahibo ng kambing ang ulo.
14 Nang dumating ang mga taong ipinadala ni Saul na huhuli kay David, sinabi sa kanila ni Mical na may sakit ito.
15 Nang ibinalita nila ito kay Saul, pinabalik sila ni Saul para tingnan nila mismo si David, at sinabihan ng ganito, "Dalhin ninyo siya sa akin na nakahiga sa kanyang higaan para mapatay ko siya." 16 Ngunit nang pumasok sila sa bahay ni David, nakita nila na ang nakahiga ay isang diyos-diyosan na may balahibo ng kambing sa ulo.
17 Sinabi ni Saul kay Mical, "Bakit mo ako niloko, at pinatakas ang aking kaaway?"
Sumagot si Mical, "Sinabi niya sa akin na papatayin niya ako kapag hindi ko siya tinulungang makatakas."
18 Nang makatakas si David, pumunta siya kay Samuel sa Rama at sinabi niya ang lahat ng ginawa ni Saul sa kanya. Pagkatapos nito, pumunta sila ni Samuel sa Nayot at doon nanirahan.
19 Nabalitaan ni Saul na si David ay nasa Nayot sa Rama, 20 kaya nagpadala siya ng mga tauhan para hulihin si David. Pagdating nila roon, nakita nila ang mga propetang nagpapahayag ng mensahe ng Diyos at pinangungunahan ni Samuel. Pagkatapos, napuspos ng Espiritu ng Diyos ang mga tauhan ni Saul at nagpahayag din sila ng mensahe ng Diyos. 21 Nang marinig ni Saul ang nangyari, muli siyang nagpadala ng mga tauhan para hulihin si David. Ngunit pagdating nila doon, ganoon din ang nangyari, nagpahayag din ang mga ito ng mensahe ng Diyos. Muling nagpadala si Saul ng mga tauhan sa ikatlong pagkakataon pero ganoon din ang nangyari sa mga ito. 22 Sa bandang huli, si Saul na mismo ang pumunta sa Rama. Pagdating niya sa malaking balon ng Secu, nagtanung-tanong siya kung nasaan sina Samuel at David. Sinabi sa kanya na nasa Nayot sila.
23 Kaya pumunta si Saul sa Nayot. Ngunit habang nasa daan, pinuspos rin siya ng Espiritu ng Diyos at nagpahayag din siya ng mensahe ng Diyos hanggang sa makarating siya sa Nayot. 24 Nang naroon na siya, hinubad niya ang kanyang damit at nagpahayag ng mensahe ng Diyos sa harapan ni Samuel. Nahiga siya nang nakahubad buong araw at gabi. Ito ang dahilan kung bakit nagtatanong ang mga tao, "Naging propeta na rin ba si Saul?"