Publicidade

1 Samuel 23

Iniligtas ni David ang Bayan ng Keila

1 Isang araw, ibinalita kay David na sinasalakay ng mga Filisteo ang Keila at sinasamsam ang mga trigo sa giikan. 2 Nagtanong si David sa Panginoon, "Sasalakayin ko po ba ang mga Filisteo?"

Sumagot ang Panginoon, "Sige, salakayin mo sila at iligtas mo ang Keila."

3 Ngunit sinabi ng mga tauhan ni David, "Dito pa nga lang po sa Juda ay natatakot na kami, lalo pa kaya kung pupunta kami sa Keila para makipaglaban sa mga Filisteo."

4 Muling nagtanong si David sa Panginoon, at sinabi ng Panginoon, "Pumunta ka sa Keila dahil pagtatagumpayin ko kayo laban sa Filisteo." 5 Kaya pumunta si David at ang mga tauhan niya sa Keila para makipaglaban sa mga Filisteo. Marami silang pinatay na Filisteo. Kinuha nila ang mga hayop ng mga ito at nailigtas nila ang mga taga-Keila.

6 (Nang tumakas si Abiatar at pumunta kay David sa Keila, dinala niya ang efod ng mga pari.)

Tinugis ni Saul si David

7 May nagsabi kay Saul na si David ay pumunta sa Keila. Kaya sinabi ni Saul, "Ibinigay na siya ng Diyos sa akin, para na niyang ibinilanggo ang kanyang sarili sa pagpasok sa bayan na napapalibutan ng pader." 8 Tinipon ni Saul ang lahat ng tauhan niya para pumunta sa Keila at lusubin si David at ang mga tauhan niya.

9 Nang malaman ni David ang plano ni Saul, sinabihan niya ang paring si Abiatar na kunin ang espesyal na damit ng mga pari. 10 Nanalangin si David, "O Panginoon, Diyos ng Israel nabalitaan po ng inyong lingkod na nagpaplano si Saul na pumunta rito sa Keila para wasakin ang bayang ito dahil sa akin. 11 Pupunta po ba talaga rito si Saul gaya ng narinig ko? Ibibigay po ba ako ng mga mamamayan ng Keila kay Saul? O Panginoong Diyos ng Israel, sagutin po ninyo ang inyong lingkod."

Sumagot ang Panginoon, "Oo, pupunta siya."

12 Muling tinanong si David, "Ako at ang aking mga tauhan po ba ay ipapaubaya ng mga mamamayan ng Keila sa kamay ni Saul?"

Sumagot ang Panginoon, "Oo, ipapaubaya nila kayo."

13 Kaya umalis si David sa Keila kasama ang kanyang 600 na tauhan at nagpalipat-lipat sila ng lugar. Nang mabalitaan ni Saul na tumakas na si David mula sa Keila, hindi na siya pumunta roon.

14 Nagtago si David sa mga kuta sa ilang at sa kaburulan ng disyerto ng Zif. Araw-araw ay hinahanap siya ni Saul, ngunit hindi siya ibinigay ng Diyos kay Saul.

15 Isang araw, habang naroon pa si David sa Hores sa disyerto ng Zif, nabalitaan niyang pumunta roon si Saul upang patayin siya. 16 Ngunit si Jonatan na anak ni Saul ay pumunta sa kanya sa Hores para palakasin ang pananampalataya niya sa Diyos. 17 Sinabi ni Jonatan, "Huwag kang matakot. Hindi ka magagalaw ng aking ama. Alam ng aking ama na magiging hari ka ng Israel at magiging pangalawa lang ako sa iyo." 18 Gumawa silang dalawa ng kasunduan sa presensya ng Panginoon. At pagkatapos, umuwi na si Jonatan ngunit nagpaiwan si David sa Hores.

19 Ngayon, may mga taga-Zif na pumunta kay Saul sa Gibea at nagsabi, "Nagtatago po si David sa amin doon sa Hores sa kaburulan ng Hakila, sa gawing timog ng Jeshimon. 20 Kaya Mahal na Hari, pumunta po kayo roon anumang oras na gustuhin ninyo at kami na ang bahala. Ibibigay namin sa inyo si David."

21 Sumagot si Saul, "Pagpalain sana kayo ng Panginoon sa pag-aalala ninyo sa akin. 22 Lumakad na kayo at tiyakin ninyo kung saan siya pumupunta at kung sino ang nakakita sa kanya roon, dahil alam kong napakatuso niya. 23 Alamin ninyo kung saan siya puwedeng magtago at bumalik kayo rito kapag sigurado na kayo. Pagkatapos, sasáma ako sa inyo at kung naroon pa siya, hahanapin ko siya kahit saan sa lupain ng Juda."

24 Kaya nauna sila kay Saul papuntang Zif. Samantala, si David at ang kanyang mga tauhan ay nasa disyerto ng Maon sa Araba, sa gawing timog ng Jeshimon. 25 Pagdating ni Saul at ng mga tauhan niya sa Zif, hinanap nila si David. Nang malaman ito ni David, nagtago siya sa malaking bato sa disyerto ng Maon at doon siya nanirahan. Nang mabalitaan ito ni Saul, pumunta siya sa disyerto ng Maon para hanapin si David.

26 Habang sina Saul at ang mga tauhan niya ay nasa kabilang gilid ng bundok, sina David at ang mga tauhan naman niya ay nasa kabilang gilid at nagmamadaling makalayo kay Saul. Nang malapit na silang maabutan ni Saul at ng kanyang mga tauhan, 27 dumating ang isang mensahero at sinabi kay Saul, "Bumalik po muna kayo dahil sinasalakay ng mga Filisteo ang ating bayan." 28 Kaya tumigil si Saul sa paghabol kina David at bumalik para labanan ang mga Filisteo. Ito ang dahilan kung bakit tinawag ang lugar na iyon na "Batong Pinaghiwalayan." 29 Mula roon, dumiretso si David sa mga kuta ng En-gedi at doon nagtago.

Veja também

Publicidade
Bíblia Online Bíblia Online

Bíblia Online • Versão: 2026-06-22_10-02-25-