Publicidade

1 Timóteo 2

Mga Bilin Tungkol sa Pagsamba

1 Una sa lahat, ipinapakiusap kong ipanalangin nʼyo ang lahat ng tao. Ipaabot ninyo sa Diyos ang kahilingan nʼyo para sa kanila nang may pasasalamat. 2 Ipanalangin nʼyo ang mga hari at mga may kapangyarihan upang makapamuhay tayo nang tahimik at mapayapa, may takot sa Diyos at marangal. 3 Mabuti ito at nakalulugod sa Diyos na ating Tagapagligtas. 4 Nais niyang maligtas ang lahat ng tao at malaman ang katotohanan. 5 Sapagkat iisa lang ang Diyos at iisa lang ang tagapamagitan sa Diyos at sa mga tao; walang iba kundi ang taong si Kristo Hesus na 6 naghandog ng kanyang buhay bilang pantubos sa lahat ng tao. Sa pamamagitan nitoʼy naihayag ang kalooban ng Diyos sa takdang panahong pinili niya. 7 At ito ang dahilan ng pagkahirang ko bilang apostol at tagapangaral sa mga Hentil tungkol sa pananampalataya at katotohanan. Totoo ang sinasabi ko, at hindi ako nagsisinungaling.

8 Nais kong sa lahat ng pagtitipon-tipon, ang mga lalaki ay manalangin nang may malinis na kalooban, na sa pagtaas nila ng kamay ay walang sama ng loob o galit sa kapwa. 9 Nais ko ring ang mga babae ay maging maayos sa pananamit nila, marangal at nararapat, at iwasan ang labis na pag-aayos ng buhok at pagsusuot ng mga alahas o mamahaling damit. 10 Sa halip, ang dapat makita sa kanila ay mabubuting gawa, sapagkat ito ang nararapat sa mga babaeng sumasampalataya sa Diyos.

11 Ang babae ay dapat matuto nang tahimik at lubos na nagpapasakop. 12 Hindi ko pinahihintulutan ang mga babae na magturo o mamuno sa mga lalaki. Kailangang tumahimik lang sila. 13 Sapagkat unang nilalang si Adan bago si Eva, 14 at hindi si Adan ang nadaya. Ang babae ang nadaya at nagkasala. 15 Ganoon pa man, maliligtas ang mga babae sa pamamagitan ng panganganak nila, kung magpapatuloy sila sa pananampalataya, pag-ibig, kabanalan, at tamang pag-uugali.

Veja também

Publicidade
1 Timóteo
Ver todos os capítulos de 1 Timóteo
Bíblia Online Bíblia Online

Bíblia Online • Versão: 2026-06-16_18-40-07-