Publicidade

1 Tessalonicenses 5

Ang Araw ng Panginoon

1 Mga kapatid, hindi ko na kailangang isulat pa sa inyo kung kailan mangyayari ang mga bagay na ito, 2 sapagkat alam na ninyong ang pagbabalik ng araw ng Panginoon ay katulad ng isang magnanakaw na dumarating sa gabi. 3 Mangyayari ito habang inaakala ng mga tao na mapayapa at ligtas ang kalagayan nila. Biglang darating ang kapahamakan sa kanila tulad ng pagsumpong ng sakit ng tiyan ng isang babaeng manganganak na. At hindi sila makakaligtas.

4 Ngunit hindi na kayo namumuhay sa kadiliman, mga kapatid, kayaʼt hindi kayo mabibigla sa araw ng pagbabalik ng Panginoon na darating na tulad ng magnanakaw. 5 Kayong lahat ay nasa panig ng liwanag, nasa panig ng araw. Hindi kayo pag-aari ng gabi o ng kadiliman. 6 Kaya nga, huwag tayong maging katulad ng iba na natutulog, kundi maging handa at mapagpigil sa sarili. 7 Sapagkat ang taong namumuhay sa kadiliman ay katulad ng taong pabaya na natutulog o katulad ng lasing na walang pagpipigil sa sarili. 8 Ngunit dahil namumuhay na tayo sa liwanag, dapat ay may pagpipigil tayo sa sarili. Gawin nating panangga sa dibdib ang pananampalataya at pag-ibig, at helmet ang pag-asa natin sa pagliligtas sa atin ng Diyos. 9 Sapagkat hindi tayo itinalaga ng Diyos para sa kaparusahan, kundi upang magtamo ng kaligtasan sa pamamagitan ng ating Panginoong Hesu-Kristo. 10 Namatay siya para sa atin, upang kahit tayoʼy tulog man o gising man sa pagbalik niya ay mabuhay tayo sa piling niya. 11 Kaya nga, patuloy ninyong pasiglahin at patatagin ang isaʼt isa, katulad nga ng ginagawa ninyo.

Mga Pangwakas na Bilin

12 Hinihiling namin sa inyo, mga kapatid, na pahalagahan ninyo ang mga naglilingkod sa inyo na pinili ng Panginoon upang mamuno at mangaral sa inyo. 13 Ibigay nʼyo sa kanila ang lubos na paggalang at pag-ibig dahil sa gawain nila. Mamuhay kayong may mabuting pakikitungo sa isaʼt isa.

14 Nakikiusap kami sa inyo, mga kapatid, na pagsabihan nʼyo ang mga tamad. Palakasin ang mga mahihina sa pananampalataya nila. Maging mapagpasensya kayo sa lahat. 15 Huwag na huwag ninyong gagantihan ng masama ang gumagawa sa inyo ng masama, sa halip, sikapin ninyong makagawa ng mabuti sa isaʼt isa at sa lahat.

16 Palagi kayong magalak, 17 palaging manalangin, 18 at magpasalamat kayo sa lahat ng pagkakataon, dahil ito ang kalooban ng Diyos para sa inyo na mga nakay Kristo Hesus.

19 Huwag ninyong hadlangan ang Espiritu, 20 at huwag ninyong hamakin ang mga propesiya. 21 Sa halip, suriin ninyong mabuti ang lahat upang malaman kung galing ito sa Diyos o hindi. Panghawakan ninyo ang mabuti, 22 at iwasan ang lahat ng uri ng kasamaan.

23 Pakabanalin nawa kayong lubos ng Diyos na siyang nagbibigay ng kapayapaan. At nawaʼy panatilihin niyang walang kapintasan ang buo ninyong pagkatao; ang espiritu, kaluluwa at katawan, hanggang sa pagbabalik ng ating Panginoong Hesu-Kristo. 24 Tapat ang Diyos na tumawag sa inyo, at gagawin niya itong mga sinasabi namin.

25 Ipanalangin nʼyo rin kami, mga kapatid.

26 Batiin ninyo ang lahat ng kapatiran ng banal na halik.

27 Iniuutos ko sa inyo, sa pangalan ng Panginoon, na basahin ninyo ang liham na ito sa lahat ng mga kapatiran.

28 Sumainyo nawa ang biyaya ng ating Panginoong Hesu-Kristo.

Veja também

Publicidade
1 Tessalonicenses
Ver todos os capítulos de 1 Tessalonicenses
Bíblia Online Bíblia Online

Bíblia Online • Versão: 2026-06-15_21-32-39-