1 Mga kapatid, kayo na rin ang nakakaalam na hindi nasayang ang pagpunta namin diyan sa inyo. 2 Alam nʼyo ang mga paghihirap at pag-aalipusta na dinanas namin sa Filipos bago pa man kami dumating diyan. Ngunit sa kabila nito, binigyan kami ng Diyos ng lakas ng loob na ipangaral ang Magandang Balita sa inyo, kahit na marami ang kumokontra sa amin. 3 Sapagkat ang pangangaral namin ay hindi batay sa kamalian o sa hangaring mandaya o manloko. 4 Bagkus, sinubok kami ng Diyos at napatunayan kaming mapagkakatiwalaan. Hinirang niya kami upang ipahayag ang Magandang Balita at sa dahilan lamang na ito kamiʼy nangangaral. Ginagawa namin ito hindi upang bigyang-lugod ang tao, kundi ang Diyos na patuloy na sumisiyasat sa aming mga puso. 5 Kahit minsan ay hindi namin kayo ginamitan ng mabulaklak na pananalita. Ang Diyos ang aming saksi na hindi kami nagpanggap na kaibigan ninyo upang makuha ang inyong pera. 6 Hindi namin hinangad ang papuri ng tao, mula man sa inyo o sa iba, 7 kahit puwede naming ipagpilitan ang karapatan namin bilang mga apostol ni Kristo.
Sa halip, naging maaruga kami sa inyo tulad ng isang mapagkalingang ina sa mga anak niya. 8 At dahil sa laki ng pagmamalasakit namin sa inyo, natutuwa kaming ibahagi sa inyo hindi lamang ang Magandang Balita ng Diyos kundi pati na rin ang aming buhay, sapagkat napamahal na kayo sa amin. 9 Tiyak na natatandaan nʼyo pa mga kapatid, kung gaano kami naghirap at nagpagal habang ipinapangaral namin ang Magandang Balita ng Diyos. Araw-gabi kaming nagtatrabaho para sa aming ikabubuhay upang hindi kami maging pabigat sa inyo. 10 Saksi namin kayo at ang Diyos na dalisay, matuwid at walang kapintasan ang pakikitungo namin sa inyong mga sumasampalataya. 11 Alam ninyong katulad ng isang ama sa kanyang mga anak ang turing namin sa bawat isa sa inyo. 12 Pinagsabihan namin kayo, pinalakas ang inyong loob, at hinikayat na mamuhay nang kalugod-lugod sa Diyos na humirang sa inyo upang mapabilang sa kanyang kaharian at kaluwalhatian.
13 Patuloy kaming nagpapasalamat sa Diyos dahil nang tanggapin ninyo ang kanyang Salitang ipinangaral namin sa inyo, tinanggap ninyo ito hindi bilang salita ng tao kundi kung ano talaga ito, bilang salita ng Diyos na kumikilos sa mga buhay ninyong mga mananampalataya. 14 Mga kapatid, pinag-uusig kayo dahil sa inyong pananampalataya tulad din ng mga iglesya ng Diyos sa Judea na nananalig kay Kristo Hesus. Nagdusa kayo sa kamay ng mga kababayan nʼyo gaya ng pagdurusa nila sa kamay ng kapwa nila Hudyo. 15 Silang mga Hudyo ang pumatay sa Panginoong Hesus at sa mga propeta noon. Sila rin ang mga taong umuusig sa amin. Hindi nalulugod ang Diyos sa ginagawa nila, at maging ang lahat ng taoʼy kinakalaban nila, 16 dahil sinisikap nilang hadlangan ang pangangaral namin sa mga Hentil na siyang ikaliligtas ng mga ito. Sa ganitong paraan, patuloy nilang dinaragdagan ang kanilang mga kasalanan hanggang sa kasukdulan, kaya ngayoʼy bumagsak na ang poot ng Diyos sa kanila.
17 Mga kapatid, para kaming naulila noong mawalay kami sa inyo nang maikling panahon (sa katawan, hindi sa isipan). Dahil labis ang pangungulila namin na makita kayong muli, ginawa namin ang lahat ng posibleng paraan upang makabalik diyan. 18 Gusto naming bumalik diyan sa inyo. Ako, si Pablo, ay ilang beses nang sumubok na dalawin kayo ngunit hinadlangan kami ni Satanas. 19 Hindi baʼt kayo ang aming pag-asa at kagalakan? Hindi baʼt kayo ang gantimpala ng tagumpay na maipagmamalaki namin sa harap ng Panginoong Hesu-Kristo sa kanyang pagbabalik? 20 Oo, kayo nga ang aming karangalan at kagalakan!