1 Noong ikalawang taon ng paghahari ni Jehoas na anak ni Joahaz sa Israel, si Amazias naman na anak ni haring Joas ay naghari sa Juda. 2 Siya ay dalawampuʼt limang taóng gulang nang siyaʼy maghari. Sa Jerusalem siya tumira, at naghari siya sa loob ng dalawampuʼt siyam na taon. Ang kanyang ina ay si Jehoadin na taga-Jerusalem. 3 Matuwid ang ginawa niya sa paningin ng Panginoon, ngunit hindi kapantay ng ginawa ni David na kanyang ninuno. Sa halip, sinunod niya ang halimbawa ng kanyang amang si Joas. 4 Hindi niya ipinagiba ang mga sambahan sa matataas na lugar, kaya nagpatuloy ang mga tao sa paghahandog at pagsusunog ng insenso roon.
5 Nang matatag na ang paghahari ni Amazias, ipinapatay niya ang mga opisyal na pumatay sa kanyang amang hari. 6 Ngunit hindi niya ipinapatay ang mga anak nila, dahil ayon sa nasusulat sa Aklat ng Kautusan ni Moises, sinabi ng Panginoon, "Hindi dapat patayin ang mga magulang dahil sa kasalanan ng kanilang mga anak, at ang mga anak ay hindi rin dapat patayin dahil sa kasalanan ng kanilang mga magulang. Papatayin lamang ang isang tao dahil sa sarili niyang kasalanan."
7 Si Amazias ang nakapatay ng sampung libong taga-Edom sa Lambak ng Asin. Nasakop niya ang Sela at pinalitan niya ang pangalan nito ng Joctel, at hanggang sa kasalukuyan ay ito pa rin ang tawag dito.
8 Isang araw, nagsugo si Amazias ng mga mensahero kay Haring Jehoas ng Israel, na anak ni Joahaz at apo ni Jehu. Hinamon niya si Jehoas at sinabi, "Harapin mo ako sa labanan."
9 Ngunit sinagot siya ni Haring Jehoas sa pamamagitan ng kuwentong ito: "Doon sa Lebanon ay may halamang may tinik na nagpadala ng mensahe sa puno ng sedro: ‘Ipakasal mo ang iyong anak na babae sa aking anak na lalaki.’ Ngunit may dumaang hayop mula sa gubat at tinapak-tapakan ang halamang may tinik. 10 Amazias, totoong natalo mo ang Edom at ipinagyayabang mo ito ngayon. Ipagdiwang mo ang iyong pagkakapanalo, pero manatili ka na lang sa iyong bahay. Bakit mo pipiliin ang gulo na magdadala lang ng kapahamakan sa iyo at sa Juda?"
11 Subalit hindi nakinig si Amazias, kaya nilusob siya ni Haring Jehoas at ng mga sundalo nito. Naglaban sila sa Bet-semes na sakop ng Juda. 12 Natalo ng Israel ang Juda, at ang bawat sundalo ng Juda ay tumakas pauwi sa kani-kanilang bahay. 13 Nadakip ni Haring Jehoas ng Israel si Haring Amazias doon sa Bet-semes. Pagkatapos, pumunta siya sa Jerusalem at giniba ang pader ng lungsod mula sa Pintuan ng Efraim hanggang sa Sulok na Pintuan, na mga animnaraang talampakan ang haba. 14 Kinuha niya ang lahat ng ginto, pilak at kagamitan na nakita niya sa Templo ng Panginoon at kabang-yaman ng palasyo. Nagdala rin siya ng mga bihag pagbalik niya sa Samaria.
15 Ang iba pang salaysay tungkol sa paghahari ni Jehoas, at lahat ng ginawa niya at pagtatagumpay, pati ang pakikipaglaban kay Haring Amazias ng Juda ay nakasulat sa Aklat ng Kasaysayan ng mga hari ng Israel. 16 Nang mamatay si Jehoas, inilibing siya sa libingan ng mga hari ng Israel sa Samaria. At ang anak niyang si Jeroboam ang pumalit sa kanya bilang hari.
17 Nabuhay pa si Haring Amazias ng Juda nang labinlimang taon matapos mamatay si Haring Jehoas ng Israel. 18 Ang iba pang salaysay tungkol sa paghahari ni Amazias ay nakasulat sa Aklat ng Kasaysayan ng mga hari ng Juda.
19 May mga taga-Jerusalem na nagplanong patayin si Amazias. Kaya tumakas siya papunta sa bayan ng Laquis, pero nagpadala sila ng tao para sundan siya roon at patayin. 20 Ikinarga sa kabayo ang bangkay niya pabalik sa Jerusalem at inilibing sa libingan ng mga ninuno niya sa Lungsod ni David.
21 Ipinalit ng mga taga-Juda si Azarias na anak ni Amazias bilang hari. Si Azarias ay labing-anim na taóng gulang nang maging hari. 22 Muli niyang itinayo ang Elat at naging bahagi ulit ito ng Juda nang mamatay ang ama niyang si Amazias.
23 Noong ikalabinlimang taon ng paghahari ni Amazias sa Juda, naging hari sa buong Israel ang anak ni Jehoas na si Jeroboam. Sa Samaria siya tumira, at naghari siya roon sa loob ng apatnapuʼt isang taon. 24 Masama ang mga ginawa niya sa paningin ng Panginoon. Sumunod siya sa mga ginawa ni Jeroboam, na anak ni Nebat, na naging dahilan ng pagkakasala ng mga taga-Israel. 25 Nabawi niya ang mga teritoryo ng Israel sa pagitan ng Lebo-hamat hanggang sa Dagat na Patay tulad ng ipinangako ng Panginoon, ang Diyos ng Israel, sa pamamagitan ng anak ni Amitai na si Propeta Jonas na taga-Gat-hefer.
26 Niloob ng Panginoon na mangyari ito dahil nakita niya ang paghihirap ng mga Israelita, alipin man o hindi, at walang sinumang makakatulong sa kanila. 27 Dahil sinabi ng Panginoon na hindi niya aalisin ang Israel sa mundo, kaya iniligtas niya ang mga Israelita sa pamamagitan ni Jeroboam na anak ni Jehoas.
28 Ang iba pang salaysay tungkol sa paghahari ni Jeroboam, at lahat ng ginawa niya at pagtatagumpay, pati ang pagbawi niya sa Damasco at Hamat na sakop noon ng Juda, ay nakasulat sa Aklat ng Kasaysayan ng mga hari ng Israel. 29 Nang mamatay si Jeroboam, inilibing siya sa libingan ng mga hari ng Israel, at ang anak niyang si Zacarias ang pumalit sa kanya bilang hari.