1 Noong ikatlong taon ng paghahari ng anak ni Elah na si Hosea sa Israel, naging hari ng Juda ang anak ni Ahaz na si Ezequias. 2 Siya ay dalawampuʼt limang taóng gulang nang maging hari. Sa Jerusalem siya tumira, at naghari siya sa loob ng dalawampuʼt siyam na taon. Ang kanyang ina ay si Abi na anak ni Zacarias. 3 Matuwid ang ginawa ni Ezequias sa paningin ng Panginoon, tulad ng ginawa ng ninuno niyang si David. 4 Ipinatanggal niya ang mga sambahan sa matataas na lugar, ipinadurog ang mga alaalang bato at ipinaputol ang mga posteng imahen ng diyosang si Ashera. Ipinadurog din niya ang tansong ahas na ginawa ni Moises, dahil mula noong nagsunog dito ng insenso si Moises ay sinamba na ito ng mga mamamayan ng Israel. Tinawag na Nehustan ang tansong ahas.
5 Nagtiwala si Ezequias sa Panginoon, ang Diyos ng Israel. Walang naging hari sa Juda na katulad niya, kahit ang mga nauna o mga sumunod pa sa kanya. 6 Nanatili siyang tapat sa Panginoon at hindi siya tumalikod sa kanya. Sinunod niya ang mga utos na ibinigay ng Panginoon kay Moises. 7 Sumakanya ang Panginoon kaya nagtagumpay siya sa lahat ng ginawa niya. Nagrebelde siya sa hari ng Asiria at hindi niya ito pinaglingkuran. 8 Nasakop ni Ezequias ang Filistia hanggang sa Gaza at mga hangganan nito, mula sa mga bantayang tore hanggang sa napapaderang lungsod.
9 Noong ikaapat na taon ng paghahari ni Ezequias, na siyang ikapitong taon ng paghahari ni Hosea sa Israel, lumusob si Haring Shalmanaser ng Asiria sa Israel at sinimulang paligiran ang bayan ng Samaria. 10 Pagkalipas ng tatlong taon, sa ikaanim na taon ng paghahari ni Ezequias at ikasiyam na taon ng paghahari ni Hosea, nasakop ng Asiria ang Samaria. 11 Binihag ng hari ng Asiria ang mga Israelita sa Asiria at dinala sila sa lungsod ng Hala, sa mga lugar na malapit sa Ilog ng Habor sa Gozan at sa mga bayan ng Media at doon pinatira. 12 Nangyari ito sa mga taga-Israel dahil hindi sila sumunod sa Panginoon na kanilang Diyos. Nilabag nila ang kanyang kasunduan at hindi sumunod sa lahat ng utos na ibinigay ng Panginoon sa pamamagitan ng lingkod niyang si Moises. Hindi nila pinakinggan o sinunod ang mga utos nito.
13 Noong ikalabing-apat na taon ng paghahari ni Ezequias, nilusob ni Haring Senaquerib ng Asiria ang lahat ng napapaderang lungsod ng Juda at sinakop ito. 14 Kaya nagpadala ng mensahe si Haring Ezequias ng Juda sa hari ng Asiria sa Laquis: "Tinatanggap kong akoʼy nagkamali ako at nangangakong ibibigay ko ang kahit anong hihilingin mo, umalis ka lamang." Kaya pinagbayad ng hari ng Asiria si Haring Ezequias ng mga sampung toneladang pilak at isang toneladang ginto. 15 Ibinigay ni Ezequias ang lahat ng pilak na nasa Templo ng Panginoon at ang nasa kabang-yaman ng palasyo.
16 Sa mga panahong iyon, ipinatanggal ni Ezequias ang mga ginto na nakabalot sa mga pintuan at hamba ng Templo ng Panginoon at ibinigay niyang lahat sa hari ng Asiria.
17 Isinugo ng hari ng Asiria ang pinuno ng mga kumander niya, mga punong opisyal, at ang kumander ng mga sundalo niya, kasama ang napakaraming sundalo mula sa Laquis para harapin si Haring Ezequias sa Jerusalem. Tumigil sila malapit sa may daluyan ng tubig na nasa itaas ng lugar na pinag-iimbakan ng tubig kung saan naglalaba ang mga tao. 18 Ipinatawag nila si Haring Ezequias, pero ang pinapunta ng hari ay sina Eliakim na anak ni Hilkias, na namamahala ng palasyo, Shebna na kalihim at Joa na anak ni Asaf, na namamahala sa mga kasulatan sa kaharian.
19 Sinabi sa kanila ng kumander ng mga sundalo, "Sabihin nʼyo kay Ezequias na ito ang sinasabi ng makapangyarihang hari ng Asiria:
" ‘Ano ba ang ipinagmamalaki mo? 20 Sinasabi mong maabilidad at malakas ang mga sundalo mo, pero walang kabuluhan ang mga sinasabi mo. Sino ba ang ipinagmamalaki mo at nagrerebelde ka sa akin? 21 Ang Ehipto ba? Ang bansang ito at ang hari nito ay parang nabaling tambo na nakakasugat sa kamay kapag ginamit mo. 22 Maaari ninyong sabihin na nagtitiwala kayo sa Panginoon na inyong Diyos, pero hindi baʼt ikaw din Ezequias ang nagpagiba ng mga sambahan niya sa matataas na lugar pati ng mga altar nito. At sinabi mo pa sa mga nakatira sa Jerusalem at mga lungsod ng Juda na sumamba sila sa nag-iisang altar doon sa Jerusalem?’
23 "Ngayon inaalok ka ng aking amo, ang hari ng Asiria. Bibigyan ka namin ng 2,000 kabayo kung may 2,000 ka ring mangangabayo! 24 Hindi ka mananalo kahit pa ang pinakamababang opisyal ng aking amo ang iharap ko saʼyo! Umaasa ka lang naman sa Ehipto na bibigyan ka nito ng mga karwahe at mangangabayo. 25 Iniisip mo bang hindi ako inutusan ng Panginoon na pumunta rito? Ang Panginoon mismo ang nag-utos sa akin na lusubin at lipulin ang bansang ito."
26 Sinabi nina Eliakim, Shebna at Joa sa kumander ng mga sundalo, "Pakiusap, kausapin mo kami sa wikang Arameo, dahil naiintindihan din namin ang wikang ito. Huwag mong gamitin ang wikang Hebreo dahil maririnig ka ng mga taong nasa mga pader ng lungsod."
27 Pero sumagot ang kumander, "Inutusan ako ng aking amo na ipaalam ang mga bagay na ito hindi lang sa inyo at sa inyong hari kundi sa lahat ng naninirahan sa Jerusalem. Magugutom at mauuhaw kayong lahat kapag nilusob namin kayo. Kakainin ninyo ang inyong mga dumi at iinumin ninyo ang inyong mga ihi."
28 Pagkatapos, tumayo ang kumander at sumigaw sa wikang Hebreo, "Pakinggan ninyo ang mensahe ng makapangyarihang hari ng Asiria! 29 Ito ang sinabi niya: Huwag kayong magpaloko kay Ezequias. Hindi niya kayo maililigtas mula sa mga kamay ko! 30 Huwag kayong maniwala sa kanya na magtiwala sa Panginoon kapag sinabi niya, ‘Tiyak na ililigtas tayo ng Panginoon; hindi ipapaubaya ang lungsod na ito sa kamay ng hari ng Asiria.’
31 "Huwag kayong makinig kay Ezequias! Ito ang ipinasasabi ng hari ng Asiria: Huwag na kayong lumaban sa akin; sumuko na lang kayo! Papayagan ko kayong kainin ang bunga ng inyong mga ubasan at mga puno ng igos at inumin ang tubig sa sarili ninyong mga balon, 32 hanggang sa dumating ako at dadalhin ko kayo sa lupaing katulad din ng inyong lupain na may mga ubasan na magbibigay sa inyo ng bagong alak at may mga trigo na magagawa ninyong tinapay, at mayroon ding mga punong olibo at mga pulot. Piliin ninyo ang mabuhay kaysa ang mamatay.
"Huwag ninyong pakinggan si Ezequias! Inililigaw lamang niya kayo kapag sinasabi niyang, ‘Ililigtas tayo ng Panginoon!’ 33 May mga diyos ba sa ibang bansa na nailigtas ang kanilang bayan mula sa kamay ng hari ng Asiria? 34 May nagawa ba ang mga diyos ng Hamat, Arpad, Sefarvaim, Hena, at Iva? Nailigtas ba nila ang Samaria mula sa mga kamay ko? 35 Alin sa mga diyos ng mga bansang ito ang nakapagligtas sa kanilang bansa laban sa akin? Kaya papaano maililigtas ng Panginoon ang Jerusalem mula sa mga kamay ko?"
36 Hindi sumagot ang mga tao dahil inutusan sila ni Haring Ezequias na huwag sumagot.
37 Pagkatapos, pinunit nina Eliakim na anak ni Hilkias, Shebna, at Joa na anak ni Asaf ang damit nila sa sobrang kalungkutan. Bumalik sila kay Ezequias at ipinaalam ang lahat ng sinabi ng kumander ng mga sundalo.