Publicidade

2 Tessalonicenses 2

Ang Suwail

1 Tungkol naman sa pagbabalik ng ating Panginoong Hesu-Kristo at kung paanong tayoʼy titipunin upang katagpuin siya, hinihiling namin, mga kapatid, 2 na huwag kayong mag-alala o mabahala dahil sa mga taong nagsasabing dumating na ang araw ng Panginoon. Huwag kayong maniwala kahit sabihin pa nilang sinabi ito ng Espiritu sa kanila, nabalitaan, o nabasa man sa isang sulat na galing daw sa amin. 3 Huwag kayong magpalinlang sa kanila sa anumang paraan. Sapagkat hindi darating ang araw ng pagbabalik ng Panginoon hanggaʼt hindi pa nagsisimula ang huling paghihimagsik ng mga tao sa Diyos, at hindi pa lumilitaw ang suwail na tao na itinalaga sa walang hanggang kapahamakan. 4 Kakalabanin niya ang lahat ng sinasamba at itinuturing na diyos ng mga tao, at itataas ang sarili sa lahat ng mga ito. Uupo siya sa loob ng Templo ng Diyos at itatanghal ang sarili bilang Diyos.

5 Hindi nʼyo ba natatandaan na binabanggit ko na ang mga bagay na ito sa inyo noong kasama nʼyo pa ako? 6 At alam ninyo kung anoʼng pumipigil sa kanya, upang sa takdang panahon ay lilitaw siya. 7 Kahit ngayon, palihim nang kumikilos ang kasamaan ng taong ito, at nananatiling palihim hanggaʼt hindi pa inaalis ang pumipigil sa kanya. 8 Pagkatapos maalis ang pumipigil, lilitaw na siya. Ngunit sa pagdating ng Panginoong Hesus, papatayin niya ang suwail na taong ito sa pamamagitan lang ng isang hinga niya. 9 Darating ang suwail na tao na taglay ang kapangyarihan ni Satanas. Gagawa siya ng lahat ng uri ng nakalilinlang na himala, tanda at kababalaghan. 10 Gagamitin niya ang lahat ng uri ng pandaraya sa mga taong mapapahamak. Mapapahamak sila dahil ayaw nilang mahalin at tanggapin ang katotohanang makapagliligtas sa kanila. 11 Kaya pababayaan na lang sila ng Diyos sa matinding pagkalinlang upang maniwala sila sa kasinungalingan, 12 nang sa ganoon, maparusahan ang lahat ng ayaw maniwala sa katotohanan at nagpakaligaya sa kasamaan.

Magpakatatag Kayo

13 Mga kapatid, palagi kaming nagpapasalamat sa Diyos dahil sa inyong mga minamahal ng Panginoon. At nararapat lang kaming magpasalamat, dahil noong una pa man ay pinili na kayong maligtas ng Diyos sa pamamagitan ng Espiritung nagpapabanal sa inyo, at sa pamamagitan ng pananampalataya nʼyo sa katotohanan. 14 Tinawag kayo ng Diyos sa pamamagitan ng Magandang Balita na ipinahayag namin sa inyo upang makabahagi kayo sa kadakilaan ng Panginoong Hesu-Kristo.

15 Kaya nga, mga kapatid, manatili kayong matatag at panghawakan nʼyo ang mga itinuro namin sa inyo, maging sa salita o sa sulat.

16,17 Nawaʼy aliwin at palakasin kayo ng ating Panginoong Hesu-Kristo at ng Diyos na ating Amang nagmahal at nagbigay sa atin ng walang katapusang kaaliwan at kalakasan, kalakip ang matibay na pag-asa dahil sa biyaya niya. At nawaʼy bigyan din kayo ng lakas ng loob na magpahayag at magsagawa ng lahat ng mabuti.

Veja também

Publicidade
2 Tessalonicenses
Ver todos os capítulos de 2 Tessalonicenses
Bíblia Online Bíblia Online

Bíblia Online • Versão: 2026-06-15_21-32-39-