1 At ngayon, mga kapatid, ipanalangin nʼyo kami upang mabilis na lumaganap at maparangalan ang salita ng Panginoon, katulad nang nangyari sa inyo. 2 Ipanalangin nʼyo rin na maligtas kami sa mga masasama at makasalanang tao; dahil hindi lahat ng taoʼy naniniwala sa itinuturo namin. 3 Ngunit matapat ang Panginoon; bibigyan niya kayo ng lakas at iingatan laban sa masama. 4 Dahil sa Panginoon, nagtitiwala kaming ginagawa nʼyo at patuloy na gagawin ang mga ibinilin namin. 5 Patnubayan nawa kayo ng Panginoon upang makita sa inyo ang pag-ibig ng Diyos at katatagan ni Kristo.
6 Mga kapatid, sa pangalan ng ating Panginoong Hesu-Kristo, iniuutos namin sa inyo na layuan ninyo ang sinumang kapatid na tamad at hindi sumusunod sa mga ipinangaral namin sa inyo. 7 Sapagkat alam naman ninyong dapat nʼyo kaming tularan dahil hindi kami naging tamad noong nariyan pa kami. 8 Hindi kami tumanggap ng pagkain mula sa inyo na hindi namin binayaran. Sa halip, nagsikap kaming magtrabaho araw at gabi upang hindi kami maging pabigat kaninuman. 9 Ginawa namin ito, hindi dahil wala kaming karapatang tumanggap ng tulong galing sa inyo, kundi upang magsilbing halimbawa sa inyo. 10 Noong kasama nʼyo pa kami, sinabi namin sa inyo na huwag pakainin ang sinumang ayaw magtrabaho.
11 Nabalitaan naming ang ilan sa inyo ay tamad, ayaw kumilos, at walang ibang ginagawa kundi makialam sa buhay ng iba. 12 Kaya sa pangalan ng Panginoong Hesu-Kristo, mahigpit naming inuutusan ang mga taong ito na maghanapbuhay at huwag makialam sa buhay ng iba. 13 At sa inyo naman, mga kapatid, huwag kayong magsawa sa paggawa ng mabuti.
14 Kung mayroon mang ayaw sumunod sa mga sinabi namin sa sulat na ito, tandaan nʼyo kung sino siya at iwasan para mapahiya siya. 15 Ngunit huwag nʼyo siyang ituring na kaaway, kundi paalalahanan siya bilang kapatid.
16 Nawaʼy ang Panginoon na pinagmumulan ng kapayapaan ang siya ring magbigay sa inyo ng kapayapaan sa lahat ng pagkakataon, maging anuman ang kalagayan ninyo. At patnubayan nawa kayong lahat ng Panginoon.
17 Akong si Pablo ang mismong sumusulat ng pagbating ito. Ito ang palatandaan na ako ang sumulat ng liham na ito. Ganito ang sulat-kamay ko.
18 Sumainyong lahat nawa ang biyaya ng ating Panginoong Hesu-Kristo.