1 Mga Israelita, pakinggan nʼyo itong panaghoy tungkol sa inyo:
2 "Ang Israel na katulad
ng isang babaeng birhen
ay nabuwal at hindi na
muling makabangon.
Pinabayaan siyang nakahandusay
sa sarili niyang lupain
at walang tumutulong
para ibangon siya."
3 Ito ang sinabi ng Makapangyarihang Panginoon,
"Sa isang libong sundalo na ipapadala
ng isang lungsod sa Israel,
isang daan na lang ang matitira.
At sa isang daang sundalo
na kanyang ipapadala,
sampu na lang ang matitira."
4 Ito ang sinasabi ng Panginoon sa Israel:
"Dumulog kayo sa akin
at mabubuhay kayo.
5 Huwag na kayong pumunta sa Betel,
sa Gilgal, o sa Beer-seba,
upang sumamba roon.
Sapagkat siguradong bibihagin
ang mga mamamayan ng Gilgal
at mawawala ang Betel."
6 Dumulog kayo sa Panginoon,
kayong mga lahi ni Jose,
at mabubuhay kayo.
Dahil kung hindi, lulusubin kayo
na parang apoy.
Kaya malilipol ang Betel
at walang makakapigil nito.
7 Nakakaawa kayo!
Ang katarungan
ay ginagawa ninyong marumi
at pinawawalang-halaga ninyo
ang katuwiran!
8 Ang Diyos ang lumikha
ng grupo ng mga bituing
tinatawag na Pleyades at Orion.
Siya ang nagpapalipas
ng liwanag sa dilim,
at ng araw sa gabi.
Tinitipon niya ang tubig
mula sa karagatan
upang pumunta sa mga ulap
at muling ibuhos sa lupa
sa pamamagitan ng ulan.
Panginoon
ang kanyang pangalan.
9 Agad niyang winawasak
ang matitibay na napapaderang bayan,
at dinudurog ang napapaderang lungsod.
10 Kayong mga taga-Israel,
napopoot kayo sa humahatol nang tama
at nagsasabi ng totoo sa hukuman.
11 Inaapi ninyo ang mga mahihirap
at pinipilit na magbigay
sa inyo ng kanilang ani.
Kaya hindi kayo makakatira
sa ipinatayo ninyong mansyong bato,
at hindi kayo makakainom ng katas
mula sa itinanim ninyong mga ubas.
12 Sapagkat alam ko
kung gaano karami at kabigat
ang inyong mga kasalanan.
Inuusig ninyo
ang mga taong walang kasalanan
at kinikikilan pa ninyo.
Hindi ninyo binibigyan ng hustisya
sa hukuman ang mga mahihirap.
13 Dahil naghahari ngayon ang kasamaan,
ang marurunong ay tumatahimik na lang.
14 Gawin na lamang ninyo ang mabuti
at huwag ang masama para mabuhay kayo,
at sasamahan kayo
ng Panginoong Diyos
ng mga Hukbo,
gaya nang inyong sinasabi.
15 Kapootan ninyo ang masama
at gawin ang mabuti,
at pairalin ninyo ang hustisya
sa inyong mga hukuman.
Baka sakaling maawa
ang Panginoong Diyos ng mga Hukbo
sa inyong mga natitira sa mga lahi ni Jose.
16 Kaya ito ang sinasabi ng Panginoong Diyos ng mga Hukbo:
"Darating ang araw na maririnig
ang mga iyakan at panaghoy
sa mga plasa at mga lansangan.
Ipapatawag ang mga magsasaka
upang umiyak sa mga patay
kasama ng mga taong inupahan
upang umiyak.
17 May mga iyakan din
sa inyong mga taniman ng ubas.
Mangyayari ito dahil parurusahan ko kayo,"
sabi ng Panginoon.
18 Nakakaawa kayong naghihintay
sa araw ng paghatol ng Panginoon.
Huwag ninyong isipin
na araw iyon ng inyong kaligtasan.
Sapagkat iyon ang araw
na parurusahan kayo.
19 Para kayong taong nag-aakalang ligtas na siya
dahil nakatakas siya sa leon,
pero nasalubong naman niya ang oso.
O di kayaʼy nag-aakalang ligtas na siya
dahil nasa loob na siya
ng kanyang bahay,
ngunit nang isinandal niya
ang kanyang kamay sa dingding,
tinuklaw ito ng ahas.
20 Tiyak na darating ang araw
ng paghatol ng Panginoon
at itoʼy magdudulot ng kaparusahan
at hindi kaligtasan;
katulad ito ng dilim na walang liwanag
kahit kaunti man lang.
21 Sinabi ng Panginoon
sa mga Israelita,
"Napopoot ako sa inyong mga pista;
hindi ako nalulugod
sa inyong ginagawang pagtitipon.
22 Kaya kahit dalhan pa ninyo ako
ng sari-saring handog,
kahit pa ang pinakamabuting
handog pangkapayapaan
ay hindi ko tatanggapin.
23 Tigilan na ninyo
ang maingay ninyong awitan.
Ayokong makinig sa tugtog
ng inyong mga alpa.
24 Sa halip, nais kong makita
na pinapairal ninyo ang katarungan
at ang katuwiran na parang ilog
na patuloy na umaagos.
25 "Mga mamamayan ng Israel,
noong nasa ilang
ang inyong mga ninuno
sa loob ng apatnapung taon,
naghandog ba sila sa akin?
Hindi!
26 At ngayon
ay buhat-buhat ninyo si Sakut,
ang diyos-diyosang
itinuturing ninyong hari,
at si Kaiwan,
ang diyos-diyosan ninyong bituin.
Ginawa ninyo itong mga imahen para sambahin.
27 Kaya ipapabihag ko kayo
at dadalhin sa kabila pa ng Damasco,"
sabi ng Panginoon na tinatawag
na Panginoong Makapangyarihan.