1 Ito ang ipinakita sa akin ng Makapangyarihang Panginoon: Nakita ko ang isang basket na may mga hinog na prutas. 2 Tinanong niya ako, "Amos, ano ang nakikita mo?"
Sumagot ako, "Isang basket po ng mga hinog na prutas."
Sinabi sa akin ng Panginoon, "Dumating na ang katapusan ng mga mamamayan kong Israelita. Hindi ko na sila kaaawaan.
3 "Sa araw na iyon, ang masasayang awitan sa templo ay magiging iyakan dahil kakalat ang patay kahit saan. At wala nang maririnig na ingay. Ako, ang Makapangyarihang Panginoon, ang nagsasabi nito."
4 Makinig kayo,
kayong mga nanggigipit
sa mga mahihirap
at nagtatangkang lipulin sila.
5 Sabi ninyo, "Kailan matatapos
ang Pista ng Bagong Buwan
o ang Araw ng Pamamahinga
para makapagbenta na tayo
ng mga inaning butil?"
Inip na inip na kayong mandaya
sa pamamagitan ng pagbabawas ng timbang,
pagtataas sa presyo at maling takalan.
6 Nagmamadali kayong makapagbenta
ng mga butil na hinaluan ng ipa,
upang makabili kayo ng taong dukha
na ipinagbibiling alipin
dahil hindi siya makabayad
ng kanyang utang,
kahit ang utang niya ay kasinghalaga lamang
ng isang pares ng sandalyas.
7 Kaya sumumpa ang Panginoon, ang Diyos na ipinagmamalaki ng mga lahi ni Jacob: "Hindi ko makakalimutan ang lahat ng kasamaan na ginawa ninyo.
8 Dahil ditoʼy mayayanig ang lupa,
at ang lahat ng taoʼy magluluksa.
Ang buong lupain ay aangat katulad
ng Ilog Nilo;
magugulo ito at pagkatapos
ay muling lulubog katulad
ng ilog ng Ehipto.
9 Sa araw na iyon,"
sabi ng Makapangyarihang Panginoon
"palulubugin ko ang araw
sa katanghaliang tapat,
kaya didilim ang buong lupain
kahit araw pa.
10 Gagawin kong iyakan
ang kasayahan sa inyong pista,
at ang inyong pag-aawitan
ay magiging panaghoy.
Pagdadamitin ko kayo ng sako
at uutusang magpakalbo
upang ipakita
ang inyong pagdadalamhati,
katulad ng mga magulang
na umiiyak sa pagkamatay
ng kanilang kaisa-isang anak.
Ngunit magiging mas masakit pa
ang huling parusa."
11 "Darating ang araw,"
sabi ng Makapangyarihang Panginoon,
"na padadalhan ko ng taggutom
ang inyong lupain.
Ngunit hindi ito pagkagutom sa pagkain
o pagkauhaw sa tubig,
kundi pagkagutom at pagkauhaw
sa aking mga salita.
12 Pagod na pagod na kayo
at naghahanap mula sa hilaga
hanggang silangan
sa paghahanap ng mga taong
makakapagpahayag sa inyo
ng salita ng Panginoon,
ngunit hindi ninyo matagpuan
kahit saan kayo pumunta.
13 "Sa araw na iyon na
parurusahan ko kayo,
kahit ang inyong magagandang dalaga
at ang inyong malalakas na mga binata
ay mawawalan ng malay
dahil sa matinding uhaw.
14 Kayong mga nanunumpa
sa ngalan ng mga diyos-diyosan
ng Samaria, Dan at Beer-seba,
lilipulin kayo
at hindi na makakabangon."