Publicidade

Gálatas 4

1 Ito ang ibig kong sabihin: Habang bata pa ang tagapagmana, wala siyang pinagkaiba sa mga alipin kahit kanya ang lahat ng ari-arian. 2 Itinatagubilin siya sa mga taong nag-aalaga sa kanya at namamahala ng mga ari-arian niya hanggang sa araw na itinakda ng kanyang ama.

3 Ganoon din naman ang kalagayan natin bago dumating si Kristo – inalipin tayo ng mga panuntunan ng mundong ito. 4 Ngunit nang dumating na ang takdang panahon, isinugo ng Diyos ang kanyang Anak sa mundo. Ipinanganak siya ng isang babae at namuhay sa ilalim ng Kautusan 5 upang palayain ang mga nasa ilalim ng Kautusan, nang sa gayoʼy maging anak tayo ng Diyos. 6 At dahil mga anak na tayo ngayon ng Diyos, isinugo ng Diyos ang Espiritu ng kanyang Anak sa ating puso, kaya makakatawag na tayo sa kanya ng "Ama". 7 Ngayon, hindi na tayo mga alipin kundi mga anak. At kung mga anak tayo ng Diyos, tagapagmana rin tayo ng mga pangako niya.

Ang Pagmamalasakit ni Pablo sa mga Taga-Galacia

8 Noong hindi pa ninyo kilala ang Diyos, naging alipin kayo ng mga diyos-diyosan. 9 Ngunit ngayong kilala nʼyo na ang Diyos (o mas mabuting sabihin na kinilala kayo ng Diyos bilang mga anak) bakit bumabalik pa kayo sa walang bisa at mga walang kuwentang panuntunan? Bakit gusto ninyong magpaaliping muli sa mga ito? 10 May pinapahalagahan pa kayong mga araw, buwan, panahon at mga taon! 11 Nag-aalala ako na baka nasayang lang ang lahat ng pagsisikap ko sa inyo.

12 Nakikiusap ako sa inyo mga kapatid, na tularan ninyo ako, dahil akoʼy naging kagaya ninyong mga Hentil kahit akoʼy isang Hudyo. Wala kayong kasalanan sa akin. 13 Alam naman ninyo na ang pagkakasakit ko ang naging dahilan kaya ko naipangaral sa inyo ang Magandang Balita sa unang pagkakataon. 14 Kahit naging pabigat sa inyo ang sakit ko, hindi nʼyo ako hinamak o itinakwil. Sa halip, tinanggap nʼyo pa nga ako na parang isang anghel ng Diyos o parang ako na mismo si Kristo Hesus. 15 Napakasaya natin noon. Ano ang nangyari? Ako mismo ang makakapagpatunay na kung maaari lang noon ay dinukot na ninyo ang inyong mga mata para ibigay sa akin. 16 Naging kaaway na ba ninyo ako dahil sinasabi ko ang katotohanan?

17 May mga tao diyan na nagpapakita ng pagmamalasakit sa inyo, pero hindi mabuti ang hangarin nila. Gusto lang nila akong siraan, upang sila ang sundin ninyo. 18 Hindi masamang magpakita sila ng pagmamalasakit kahit wala ako sa piling nʼyo, bastaʼt mabuti lang ang hangarin nila. 19 Minamahal kong mga anak, hanggaʼt hindi nakikita sa inyo ang buhay ni Kristo, maghihirap akong parang isang babaeng nanganganak. 20 Kung maaari lang sana, makapunta na ako diyan at makausap kayo nang maayos dahil nag-aalala ako ng labis sa inyo!

Ang Halimbawa ni Sara at Hagar

21 Ngayon, sabihin nga ninyo sa akin, kayong mga nais magpailalim sa Kautusan, hindi ba ninyo alam ang sinasabi sa Kautusan? 22 Sinasabi roon na may dalawang anak si Abraham. Ang isaʼy anak niya sa isang aliping babae, at ang isa naman ay sa isang malaya. 23 Ang kanyang anak sa alipin ay ipinanganak ayon sa karaniwang panganganak, ngunit ang anak niya sa malayang babae ay ipinanganak ayon sa pangako ng Diyos.

24 Maaari nating tingnan ang dalawang babaeng ito bilang isang paghahalintulad. Kumakatawan sila sa dalawang kasunduan. Si Hagar ay kumakatawan sa kasunduan na ibinigay ng Diyos kay Moises sa Bundok ng Sinai. Ipinanganak na mga alipin ang mga anak niya. 25 Si Hagar, na kumakatawan sa Bundok ng Sinai sa Arabia ay kumakatawan din sa kasalukuyang Jerusalem, sapagkat ang mga tao sa Jerusalem ay naging alipin ng Kautusan. 26 Ngunit ang asawang si Sara ay hindi alipin, at siya ang kumakatawan sa Jerusalem na nasa langit, at siya ang ating ina dahil hindi tayo alipin ng Kautusan. 27 Sapagkat sinasabi sa Kasulatan:

"Matuwa ka, baog na babae,

ikaw na hindi pa nagkakaanak!

Humiyaw ka sa kagalakan,

ikaw na hindi pa nakakaranas ng sakit sa panganganak.

Sapagkat kahit iniwan ka ng asawa mo,

mas marami ang magiging anak mo kaysa sa babaeng kapiling ang kanyang asawa."

28 Mga kapatid, mga anak kayo ng Diyos ayon sa pangako niya, tulad ni Isaac na ipinanganak ayon sa pangako ng Diyos. 29 Noong una, si Isaac na ipinanganak ayon sa Espiritu ay inusig ni Ismael na ipinanganak ayon sa karaniwang panganganak. Ganoon din ang nangyayari ngayon; inuusig tayo ng mga taong nais magpaalipin sa Kautusan. 30 Ngunit ano ba ang sinasabi sa Kasulatan? "Palayasin mo ang babaeng alipin at ang anak niya, dahil ang anak ng babaeng alipin ay hindi maaaring makibahagi sa mamanahin ng anak ng babaeng malaya." 31 Kaya nga mga kapatid, hindi tayo anak ng babaeng alipin, kundi anak ng babaeng malaya.

Veja também

Publicidade
Gálatas
Ver todos os capítulos de Gálatas
Bíblia Online Bíblia Online

Bíblia Online • Versão: 2026-06-15_21-32-39-