1 Pinalaya tayo ni Kristo sa ilalim ng Kautusan. Kaya manindigan kayo sa pananampalataya ninyo at huwag na kayong magpaaliping muli.
2 Tandaan ninyo ang sinasabi ko: Ako mismong si Pablo ang nagsasabi sa inyo na kung magpapatuli kayo upang maging katanggap-tanggap sa Diyos, mawawalan ng kabuluhan ang ginawa ni Kristo para sa inyo. 3 Inuulit ko na ang sinumang magpapatuli upang maging katanggap-tanggap sa Diyos ay kinakailangang sumunod sa buong Kautusan. 4 Kayong mga nagsisikap na ituring na matuwid ng Diyos sa pamamagitan ng Kautusan ay napalayo na kay Kristo. Nahiwalay na kayo sa biyaya ng Diyos. 5 Ngunit sa tulong ng Espiritu, sabik kaming naghihintay na ituring kaming matuwid ng Diyos dahil sa aming pananampalataya. 6 Sapagkat sa mga nakay Kristo Hesus, walang halaga ang pagiging tuli o hindi. Ang tanging mahalaga ay ang pananampalatayang nakikita sa pamamagitan ng pagmamahalan.
7 Mabuti noon ang mga ginagawa ninyo. Sino ang pumigil sa inyo sa pagsunod sa katotohanan? 8 Hindi maaaring ang Diyos ang pumigil sa inyo dahil siya ang tumawag sa inyo sa pananampalataya. 9 Ang maling aral ay parang pampaalsa na kahit kaunti ay nakakapagpaalsa sa buong masa ng harina. 10 Umaasa ako sa Panginoon na hindi kayo magpapadala sa ibang pananaw. Parurusahan ng Diyos ang mga nanggugulo sa inyo, maging sino man sila.
11 May mga nagsasabing itinuturo ko raw na kailangan ang pagtutuli upang maging katanggap-tanggap sa Diyos. Kung totoo iyan, mga kapatid, bakit inuusig pa rin ako hanggang ngayon? At kung iyan nga ang itinuturo ko, walang kabuluhan ang mensahe tungkol sa kamatayan ni Kristo sa krus, ang mensaheng hindi matanggap ng iba. 12 At sa mga nanggugulo naman sa inyo, hindi lang sana sila magpatuli kundi magpakapon na rin.
13 Mga kapatid, tinawag kayo upang maging malaya. Ngunit huwag ninyong gamitin ang kalayaan nʼyo para pagbigyan ang mga pagnanasa ng laman. Sa halip, magmahalan kayoʼt magtulungan. 14 Sapagkat ang buod ng buong Kautusan ay nasa isang utos: "Mahalin mo ang iyong kapwa gaya ng iyong sarili." 15 Ngunit kung patuloy kayong mag-aaway-away na parang mga hayop, baka tuluyan na ninyong masira ang buhay ng isaʼt isa.
16 Kaya mamuhay kayo nang ayon sa Espiritu upang hindi ninyo mapagbigyan ang pagnanasa ng laman. 17 Sapagkat ang ninanasa ng laman ay laban sa nais ng Espiritu, at ang nais ng Espiritu ay laban sa ninanasa ng laman. Magkalaban ang dalawang ito, kaya hindi ninyo magawa ang gusto ninyong gawin. 18 Ngunit kung ginagabayan na kayo ng Espiritu, hindi na kayo sakop ng Kautusan.
19 Ang mga taong sumusunod sa ninanasa ng laman ay makikilala sa gawa nila: seksuwal na imoralidad, kalaswaan, kahalayan, 20 pagsamba sa mga diyos-diyosan, pangkukulam, pagkapoot, pag-aaway-away, pagkainggit, pagkamakasarili, pagkagalit, pagkakawatak-watak, pagkakahati-hati, 21 pagkainggit, paglalasing, pagkahilig sa kalayawan, at iba pang kasamaan. Binabalaan ko kayo tulad ng ginawa ko na noon: Ang mga namumuhay nang ganito ay hindi mapapabilang sa kaharian ng Diyos.
22 Ngunit ito ang bungang makikita sa taong namumuhay sa kapangyarihan ng Espiritu: pag-ibig, kagalakan, kapayapaan, pagtitiis, kabutihan, kagandahang-loob, katapatan, 23 kahinahunan, at pagpipigil sa sarili. Walang batas laban sa mga ito. 24 Ipinako na ng mga nakay Kristo Hesus ang pagnanasa at masasamang hangarin ng kanilang laman doon sa krus. 25 At dahil nga namumuhay na tayo sa kapangyarihan ng Espiritu, magpatuloy tayo sa patnubay nito. 26 Huwag tayong maging mapagmataas, huwag nating galitin ang ating kapwa, at iwasan ang inggitan.