Ang Ating Kalayaan kay Kristo
1 Pinalaya tayo ni Kristo sa ilalim ng Kautusan. Kaya manindigan kayo sa pananampalataya ninyo at huwag na kayong magpaaliping muli.
2 Tandaan ninyo ang sinasabi ko: Ako mismong si Pablo ang nagsasabi sa inyo na kung magpapatuli kayo upang maging katanggap-tanggap sa Diyos, mawawalan ng kabuluhan ang ginawa ni Kristo para sa inyo. 3 Inuulit ko na ang sinumang magpapatuli upang maging katanggap-tanggap sa Diyos ay kinakailangang sumunod sa buong Kautusan. 4 Kayong mga nagsisikap na ituring na matuwid ng Diyos sa pamamagitan ng Kautusan ay napalayo na kay Kristo. Nahiwalay na kayo sa biyaya ng Diyos. 5 Ngunit sa tulong ng Espiritu, sabik kaming naghihintay na ituring kaming matuwid ng Diyos dahil sa aming pananampalataya. 6 Sapagkat sa mga nakay Kristo Hesus, walang halaga ang pagiging tuli o hindi. Ang tanging mahalaga ay ang pananampalatayang nakikita sa pamamagitan ng pagmamahalan.