1 Samantala, isinarang mabuti ng mga nakatira roon ang pintuan ng Jerico dahil sa mga Israelita. Walang makapasok o kayaʼy makalabas na mga tao sa lungsod.
2 Sinabi ng Panginoon kay Josue, "Ipapasakop ko sa inyo ang Jerico maging ang hari at mga sundalo nito. 3 Iikutan ninyo ng mga sundalo mo ang lungsod nang isang beses sa bawat araw, sa loob ng anim na araw. 4 Pauunahin mo sa Kahon ng Kasunduan ang pitong pari at ang bawat isa sa kanila ay may dalang trumpeta na yari sa sungay. Sa ikapitong araw, iikutan nʼyo ang lungsod ng pitong beses, kasama ng mga paring nagpapatunog ng mga trumpeta nila. 5 Kapag narinig nʼyo na ang mahabang tunog ng trumpeta nila, sisigaw kayong lahat nang malakas. Pagkatapos, guguho ang pader ng lungsod at makakapasok kayong lahat nang walang hadlang."
6 Kaya tinawag ni Josue na anak ni Nun ang mga pari at sinabi sa mga ito, "Dalhin nʼyo ang Kahon ng Kasunduan ng Panginoon. Mauuna ang pito sa inyo na may dalang trumpeta ang bawat isa." 7 At sinabi rin niya sa mga sundalo, "Lumakad na kayo! Ikutin nʼyo ang lungsod. Ang iba sa inyo ay mauuna sa mga paring may dala ng Kahon ng Kasunduan ng Panginoon."
8 Ayon sa sinabi ni Josue, nauna ang pitong pari sa Kahon ng Kasunduan ng Panginoon at pinatunog nila ang mga trumpeta nila. 9 Ang ibang mga sundalo ay nauuna sa mga pari, at may iba pang sumusunod sa Kahon ng Kasunduan. Walang hinto ang pagtunog ng mga trumpeta. 10 Ngunit sinabi ni Josue sa mga sundalo na huwag sumigaw o kayaʼy mag-ingay hanggaʼt hindi pa niya iniuutos na sumigaw. 11 Ayon sa iniutos ni Josue, iniikot nila sa lungsod ang Kahon ng Kasunduan ng Panginoon ng isang beses. Pagkatapos, bumalik sila sa kampo nila at doon natulog kinagabihan.
12 Kinaumagahan, maagang bumangon si Josue. Muling dinala ng mga pari ang Kahon ng Kasunduan ng Panginoon, 13 at ang pitong pari namang nagpapatunog ng trumpeta ay nasa unahan ng mga paring may dala ng Kahon ng Kasunduan ng Panginoon. Ang mga sundalo – ang iba sa kanila ay nasa unahan ng Kahon ng Kasunduan at ang ibaʼy nasa hulihan, habang patuloy na pinapatunog ang mga trumpeta. 14 Nang ikalawang araw, inikot nila ulit ang lungsod ng isang beses, at pagkatapos, bumalik sila sa kampo nila. Ganoon ang ginawa nila sa loob ng anim na araw.
15 Nang ikapitong araw, madaling-araw pa lang ay bumangon na sila at inikutan ang lungsod ng pitong beses, sa ganoon ding paraan. Iyon lang ang araw na umikot sila sa lungsod ng pitong beses. 16 Sa ikapitong beses nilang pag-ikot, pinatunog ng mga pari ang mga trumpeta nila at inutusan ni Josue ang mga tao, "Sumigaw kayo! Sapagkat ipinasakamay na sa atin ng Panginoon ang lungsod na ito! 17 Ang buong lungsod at ang lahat ng makukuha rito ay wawasakin nang lubusan bilang handog na buo sa Panginoon. Si Rahab lang na babaeng bayaran at ang buo sambahayan niya ang ililigtas dahil itinago niya ang mga espiya natin. 18 At huwag kayong kukuha ng anumang bagay na inihandog na nang buo sa Panginoon. Kapag kumuha kayo ng kahit ano, malilipol kayo at kayo ang magiging dahilan ng pagkawasak na darating sa Israel. 19 Ang lahat ng bagay na gawa sa pilak, ginto, tanso, o kayaʼy bakal ay ihihiwalay para sa Panginoon, at dapat itong ilagay sa taguan ng kayamanan ng Panginoon."
20 Pinatunog ng mga pari ang mga trumpeta nila at nagsigawan ang mga Israelita nang marinig nila ito. Nawasak ang mga pader ng lungsod at lumusob sila. Nakapasok sila nang walang hadlang at nasakop nila ang lungsod. 21 Inihandog nila nang buo sa Panginoon ang lungsod sa pamamagitan ng pagpatay sa mga lalakiʼt babae, matanda at bata, at pati mga baka, tupa at mga asno.
22 Samantala, sinabi ni Josue sa dalawang espiya, "Puntahan nʼyo ang bahay ng babaeng bayaran, at palabasin nʼyo sila at ang buong pamilya niya ayon sa ipinangako nʼyo sa kanya." 23 Kaya umalis silang dalawa at dinala nila palabas si Rahab, kasama ang mga magulang niya, mga kapatid at ang buo niyang sambahayan. Pinalabas nila ang mga ito at nanatili sa labas ng kampo ng Israel.
24 Sinunog nila ang buong lungsod at ang lahat ng nandoon maliban sa mga bagay na gawa sa pilak, ginto, tanso at bakal. Pinagkukuha nila ito para ilagay sa taguan ng kayamanan ng Panginoon. 25 Iniligtas nga ni Josue si Rahab at ang sambahayan niya dahil itinago niya ang mga lalaking inutusan ni Josue para mag-espiya sa Jerico. Hanggang ngayon, ang mga angkan niya ay naninirahan sa Israel.
26 Nang panahong iyon, binalaan ni Josue ang mga Israelita, "Isusumpa ng Panginoon ang sinumang maghahangad na itayo ulit ang lungsod ng Jerico. Mamamatay ang panganay na anak ng sinumang magtatayo ng pundasyon o ang sinumang gagawa ng mga pintuan nito."
27 Kasama ni Josue ang Panginoon, at naging tanyag siya sa buong lupain.