1 Isa ako sa mga nakaranas ng parusa ng Panginoon
dahil sa kanyang galit.
2 Pinalayas niya ako at pinalakad
sa dilim sa halip na sa liwanag.
3 Paulit-ulit niya akong pinarusahan
araw at gabi.
4 Pinahina ang aking katawan
at binali ang aking mga buto.
5 Sinalakay niya ako at ibinilanggo
sa paghihirap at pagdurusa.
6 Inilagay sa kadiliman
na parang isang tao na matagal nang patay.
7 Kinadena niya ako at ikinulong
upang hindi makatakas.
8 Kahit na humingi ako ng tulong,
hindi niya ako pinakinggan.
9 Hinarangan niya ng pader na bato ang aking landas,
at pinaliku-liko ang aking dadaanan.
10 Para siyang oso o leon na nag-aabang
para salakayin ako.
11 Kinaladkad ako palayo sa daan
at pagkatapos ay nilapa at iniwan.
12 Iniumang niya ang kanyang pana
at itinutok sa akin.
13 Pinana niya ako
at tumagos ito sa puso ko.
14 Naging katawa-tawa ako sa aking mga kalahi.
Buong araw nila akong inaawitan ng pangungutya.
15 Pinuno niya ako ng labis na kapaitan
at binigyan ng inuming may lason.
16 Nabungi ang mga ngipin ko dahil pinakain niya ako ng graba,
at saka tinapak-tapakan niya ako sa lupa.
17 Inalis niya ako sa maganda kong kalagayan
at hindi ko na naranasan ang kasaganaan.
18 Nawala na ang karangalan ko
at lahat ng pag-asa sa Panginoon.
19 Napakasakit isipin ang mga paghihirap
at pagdurusa kong tulad ng mapait na lason.
20 At kung palagi ko itong iisipin,
manghihina ako.
21 Ngunit nanunumbalik ang aking pag-asa
sapagkat aking naalala:
22 Dahil ang pag-ibig at awa ng Panginoon
ay walang katapusan
kaya hindi tayo tuluyang nalipol.
23 Araw-araw ay ipinapakita niya ang kanyang habag.
Dakila ang katapatan ng Panginoon!
24 Kaya sinabi ko sa aking sarili, "Ang Panginoon ang lahat para sa akin,
kaya sa kanya ako nagtitiwala."
25 Mabuti ang Panginoon
sa mga nagtitiwalaʼt umaasa sa kanya.
26 Mabuting matiyagang maghintay
sa pagliligtas ng Panginoon.
27 Mabuti para sa isang tao na kahit bata pa
ay matuto nang makipamatok at sumunod.
28 Kapag tinuturuan tayo ng Panginoon,
tumahimik tayo at pag-isipan itong mabuti.
29 Magpakumbaba tayo sa harap ng Panginoon
at huwag mawalan ng pag-asa.
30 Kapag sinampal ka sa isang pisngi, ibigay mo pa ang kabila.
At tanggapin mo rin ang pangungutya ng iyong mga kaaway.
31 Dahil hindi tayo itatakwil
ng Panginoon magpakailanman.
32 Ngunit kahit nagpaparusa siya, ipinapakita pa rin niya ang kanyang habag
at ang napakalakiʼt walang hanggan niyang pag-ibig sa atin.
33 Dahil hindi siya natutuwa
na tayoʼy saktan o pahirapan.
34 Ayaw ng Panginoon na apihin ang mga bilanggo,
35 o balewalain ang karapatan ng tao.
36 Ayaw din ng Kataas-taasang Diyos
na ipagkait ang katarungan sa sinumang tao.
Nakikita niya ang lahat ng ito.
37 Walang anumang bagay na nangyayari
na hindi pinahihintulutan ng Panginoon.
38 Hindi baʼt ang Kataas-taasang Diyos ang nagpapasya
kung mangyayari ang isang bagay,
mabuti man ito o masama?
39 Kaya bakit tayong mga taoʼy magrereklamo
kung pinarurusahan tayo dahil sa ating kasalanan?
40 Ang dapat ay siyasatin natin ang ating pamumuhay
at magbalik-loob sa Panginoon.
41 Buksan natin ang ating mga puso at itaas ang ating mga kamay sa Diyos na nasa langit at sabihin:
42 "Panginoon, nagkasala po kami at naghimagsik sa inyo,
at hindi nʼyo kami pinatawad.
43 "Nagalit kayo sa amin at inusig kami
at walang awang pinatay.
44 Tinakpan nʼyo ng mga ulap ang inyong sarili
upang hindi nʼyo marinig ang aming mga panalangin.
45 Ginawa nʼyo kaming parang basura
sa paningin ng ibaʼt ibang bansa.
46 "Kinutya kami ng lahat
ng aming mga kaaway.
47 Dumanas kami ng matinding takot, panganib,
pagkasira at kapahamakan."
48 Napaluha ako
dahil sa kapahamakang
sinapit ng aking mga kalahi.
49 Patuloy akong iiyak,
at dadaloy ang aking luha nang walang tigil,
50 hanggang sa tumunghay
ang Panginoon mula sa langit.
51 Labis akong nasaktan sa sinapit
ng mga kababaihan ng aking lungsod.
52 Hinahabol ako ng aking mga kaaway
na parang isang ibon,
kahit na wala naman akong nagawang kasalanan sa kanila.
53 Sinubukan nila akong patayin
sa pamamagitan ng pambabato at paghulog sa balon.
54 Halos malunod na ako
at ang akala koʼy mamamatay na ako.
55 Doon sa ilalim ng balon,
tumawag ako sa inyo Panginoon.
56 Pinakinggan nʼyo ang pagmamakaawa ko
at paghingi ng tulong.
57 Dumating kayo nang akoʼy tumawag
at sinabi ninyong huwag akong matakot.
58 Tinulungan nʼyo ako sa aking problema, Panginoon,
at iniligtas nʼyo ang aking buhay.
59 Panginoon, nakita ninyo ang kasamaang ginawa sa akin ng aking mga kaaway,
kaya bigyan ninyo ako ng katarungan.
60 Alam ninyo kung paano nila ako pinaghigantihan
at ang lahat ng kanilang binabalak laban sa akin.
61 Napakinggan nʼyo, O Panginoon, ang kanilang mga pangungutya
at alam ninyo ang lahat ng binabalak nila laban sa akin.
62 Buong araw nilang pinag-uusapan
ang pinaplano nilang masama laban sa akin.
63 Masdan nʼyo, nakaupo man sila o nakatayo,
kinukutya nila ako sa pamamagitan ng pag-awit.
64 Panginoon, parusahan nʼyo sila
ayon sa kanilang ginagawa.
65 Patigasin nʼyo ang mga puso nila
at sumpain nʼyo sila.
66 Sa galit nʼyo Panginoon, habulin nʼyo sila
at lipulin nang mawala na sila sa mundong ito.