1 Panginoon, alalahanin po ninyo ang nangyari sa amin.
Masdan nʼyo ang aming dinanas na kahihiyan.
2 Kinuha ng mga dayuhan
ang aming mga lupaʼt bahay.
3 Naulila kami sa ama,
kaya nabiyuda ang aming mga ina.
4 Kinakailangang bayaran namin ng pilak ang tubig na aming iniinom
at ang kahoy na aming panggatong.
5 Pinagtatrabaho kaming parang mga hayop
at hindi man lang pinagpapahinga.
6 Nagpasakop kami sa mga taga-Ehipto at Asiria
para magkaroon ng pagkain.
7 Ang aming mga ninunoʼy nagkasala,
ngunit silaʼy pumanaw na
at kami ang nagdurusa ng parusang dapat ay para sa kanila.
8 Napailalim kami sa mga alipin
at walang makapagligtas sa amin
mula sa kanilang mga kamay.
9 Sa paghahanap namin ng pagkain, nanganib ang aming mga buhay
sapagkat laganap ang karahasan sa mga ilang.
10 Nilalagnat kami dahil sa matinding gutom,
at ang aming katawan ay kasing-init ng pugon.
11 Pinagsamantalahan ang aming mga asawa sa Jerusalem
at ang aming mga anak na babae sa mga bayan ng Juda.
12 Ibinitin sa pamamagitan ng pagtali sa kamay ang aming mga tagapamahala
at hindi iginalang ang aming matatanda.
13 Ang aming mga kabataang lalaki ay parang aliping sapilitang pinagtrabaho sa mga gilingan
at ang mga batang lalaki ay susuray-suray sa pagpasan ng mabibigat na kahoy.
14 Ang matatanda ay hindi na umuupo sa mga pintuan ng lungsod upang magbigay ng payo
at ang mga kabataang lalaki ay hindi na tumutugtog ng musika.
15 Wala na kaming kagalakan.
Sa halip na magsayaw, kamiʼy nagdadalamhati.
16 Wala na rin kaming karangalan.
Nakakaawa kami dahil kami ay nagkasala.
17 Dahil dito, nasasaktan ang aming damdamin
at nagdidilim ang aming paningin.
18 Dahil napakalungkot na ng Jerusalem
at mga asong-gubat na lamang ang gumagala rito.
19 O Panginoon, maghahari kayo magpakailanman.
Ang inyong paghahari ay magpapatuloy sa lahat ng salinlahi.
20 Bakit palagi nʼyo kaming kinakalimutan?
Bakit kay tagal nʼyo kaming pinabayaan?
21 Ibalik nʼyo kami sa inyo, Panginoon,
at kami ay magbabalik katulad noong una.
Ibalik nʼyo kami sa dati naming kalagayan.
22 Talaga bang sobra na ang galit ninyo sa amin
kaya itinakwil nʼyo na kami?