Pular para o conteúdo
Publicidade

Mga Taga-Roma 8:28-39

28 Alam natin na sa lahat ng bagay, gumagawa ang Diyos para sa ikabubuti ng mga umiibig sa kanya, na kanyang tinawag ayon sa kanyang layunin. 29 Sapagkat alam na ng Diyos noon pa man kung sino-sino ang kanyang magiging mga anak. At silaʼy itinalaga niyang matulad sa kanyang Anak na si Hesus upang siya ang maging panganay sa maraming magkakapatid. 30 Kaya ang mga taong pinili niya noong una pa ay tinawag din niya, at ang mga tinawag niya ay itinuring niyang matuwid, at ang itinuring niyang matuwid ay niluwalhati rin niya.

Tayoʼy Higit pa sa mga Nagtagumpay

31 Ngayon, kung iisipin natin ang mga bagay na ito, masasabi nating panig sa atin ang Diyos, at dahil dito, walang magtatagumpay laban sa atin. 32 Kung ang sarili niyang Anak ay hindi niya ipinagkait sa halip ay ibinigay para sa atin, tiyak na ibibigay rin niya sa atin ang lahat ng bagay. 33 Sino ang maaaring mag-akusa sa mga pinili ng Diyos? Ang Diyos na mismo ang nagturing sa atin na matuwid. 34 Wala ring makakahatol sa atin ng kaparusahan, dahil si Kristo Hesus na mismo ang hinatulang mamatay para sa atin. At hindi lang iyan, muli siyang binuhay at nasa kanang kamay na ngayon ng Diyos at namamagitan para sa atin. 35 Walang makapaghihiwalay sa atin sa pag-ibig ni Kristo, kahit dumanas pa tayo ng mga pagsubok, paghihirap, pag-uusig, gutom, kawalan,8:35 kawalan: Sa literal, kahubaran. panganib, o maging kamatayan. 36 Gaya nga ng sinasabi sa Kasulatan:

"Alang-alang sa iyo,

palaging nasa panganib

ang aming buhay;

para kaming mga tupang kakatayin."8:36 Salmo 44:22.

37 Ngunit kahit ganito ang kalagayan natin, ganap ang ating tagumpay sa tulong ni Kristo na nagmamahal sa atin. 38,39 Sapagkat natitiyak ko na walang makakapaghiwalay sa atin sa pag-ibig ng Diyos na ipinakita sa atin sa pamamagitan ni Kristo Hesus na ating Panginoon. Maging kamatayan o buhay, mga anghel o anumang makapangyarihang espiritu, ang kasalukuyang panahon o ang hinaharap, ang mga kapangyarihan, ang mga nasa itaas o mga nasa ibaba, o kahit ano pang mga bagay sa buong mundo ay hindi makapaghihiwalay sa atin sa pag-ibig ng Diyos.

Estes versículos te tocaram? Ore agora!

+581 estão orando agora.

Junte-se à corrente de oração.