1 Mula kay Pablo na lingkod ni Kristo Hesus, na pinili at tinawag ng Diyos na maging apostol upang ipangaral ang kanyang Magandang Balita. 2 Ang Magandang Balitang itoʼy ipinangako ng Diyos noon sa pamamagitan ng mga propeta at nakasulat sa Banal na Kasulatan. 3,4 Ang balitang itoʼy tungkol sa kanyang Anak, ang ating Panginoong Hesu-Kristo. Sa kanyang pagiging tao ay isinilang siya sa lahi ni Haring David. At sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Banal na Espiritu, siya ay binuhay mula sa mga patay at ibinigay sa kanya ang kapangyarihang nararapat sa kanya bilang Anak ng Diyos. 5 Sa pamamagitan ni Kristo ay tinanggap namin ang pribilehiyong maging apostol, alang-alang sa kanya, upang madala namin sa pananampalataya at pagsunod sa kanya ang mga Hentil. 6 At kayong mga mananampalataya diyan sa Roma ay kabilang din sa kanyang mga tinawag na maging pag-aari ni Hesu-Kristo.
7 Sa inyong lahat na nasa Roma na minamahal ng Diyos at hinirang, na ang ibig sabihin ay "itinuring ng Diyos na kanya." Ganito rin sa ibang bahagi ng aklat na ito. niyang maging banal na mga tao niya, sumainyo nawa ang biyaya at kapayapaang nagmumula sa Diyos na ating Ama at sa Panginoong Hesu-Kristo.
8 Una sa lahat, nagpapasalamat ako sa aking Diyos sa pamamagitan ni Hesu-Kristo dahil sa inyong lahat, sapagkat balitang-balita ang inyong pananampalataya sa buong mundo. 9 Ang Diyos, na pinaglilingkuran ko nang buong puso sa pamamagitan ng pangangaral ko ng Magandang Balita tungkol sa kanyang Anak, ang aking saksi sa kung gaano ko kayo kadalas idinadalangin. 10 Palagi kong hinihiling sa Diyos na sanaʼy loobin niyang makapunta na rin ako diyan sa wakas.
11 Nananabik akong makita kayo dahil nais kong ibahagi sa inyo ang espirituwal na kaloob na magpapatatag sa inyong pananampalataya. 12 Ang ibig kong sabihin, magtutulungan tayo sa pagpapalakas ng pananampalataya ng isaʼt isa.
13 Mga kapatid, nais kong malaman ninyo na ilang ulit ko nang binalak na pumunta riyan upang mayroon din akong maakay sa pananampalataya kay Kristo, tulad ng ginawa ko sa mga Hentil sa mga napuntahan kong lugar ngunit laging may humahadlang.
14 Sapagkat obligado akong mangaral sa lahat ng tao: sa mga sibilisado at sa mga hindi, sa mga edukado at sa mga mangmang. 15 Iyan ang dahilan kung bakit nais ko ring maipangaral ang Magandang Balita diyan sa inyo sa Roma.
16 Hindi ko ikinakahiya ang Magandang Balita, dahil ito ang kapangyarihan ng Diyos sa ikaliligtas ng lahat ng sumasampalataya, una ang mga Hudyo at gayon din ang mga Hentil. 17 Sapagkat ipinapahayag sa Magandang Balita kung paano itinuturing ng Diyos na matuwid ang tao sa paningin niya. Itoʼy sa pamamagitan ng pananampalataya buhat sa simula hanggang sa wakas; gaya ng sinasabi sa Kasulatan, "Mabubuhay sa pananampalataya ang matuwid."
18 Ipinapakita ng Diyos mula sa langit ang kanyang poot sa lahat ng kasamaan at kalapastanganang ginagawa ng mga tao, na pumipigil sa katotohanan sa pamamagitan ng kanilang kasamaan. 19 Sapagkat ang katotohanan tungkol sa Diyos ay malinaw sa kanila dahil inihayag ito sa kanila ng Diyos. 20 Totoong hindi nakikita ang Diyos, pero mula pa nang likhain niya ang mundo, ang kanyang walang hanggang kapangyarihan at pagka-Diyos ay naipahayag na sa mga bagay na ginawa niya; kaya wala silang maidadahilan.
21 At kahit alam nilang may Diyos, hindi nila siya pinarangalan o pinasalamatan man lang. Sa halip, ibinaling nila ang kanilang pag-iisip sa mga bagay na walang kabuluhan, kaya napuno ng kadiliman ang mga hangal nilang pag-iisip. 22 Nagmamarunong sila, ngunit lumilitaw na silaʼy mga mangmang. 23 Sapagkat ipinagpalit nila ang kapuri-puri at walang kamatayang Diyos sa mga diyos-diyosang kawangis ng tao, mga ibon, mga hayop na may apat na paa, at mga hayop na gumagapang.
24 Kaya hinayaan na lang sila ng Diyos sa maruruming hangarin ng kanilang puso, hanggang sa gumawa sila ng kahalayan at kahiya-hiyang mga bagay sa isaʼt isa. 25 Pinalitan nila ng kasinungalingan ang katotohanan tungkol sa Diyos. Sumamba at naglingkod sila sa mga nilikha, sa halip na sa Manlilikha na siyang karapat-dapat papurihan magpakailanman. Amen!
26 Dahil ayaw nilang kilalanin ang Diyos, hinayaan na lang sila ng Diyos na gawin ang kanilang malalaswang pagnanasa. Ipinagpalit ng mga babae ang natural na pakikipagrelasyon nila sa lalaki sa pamamagitan ng pakikipagrelasyon sa kapwa babae. 27 Ganoon din ang mga lalaki. Tinalikuran nila ang natural na pakikipagrelasyon sa babae, at sa halip ay nahumaling sa kapwa lalaki. Kahiya-hiya ang ginagawa nila sa isaʼt isa. Dahil dito, pinarusahan sila ng Diyos ng nararapat sa kanilang masasamang gawa.
28 At dahil sa ayaw talaga nilang kilalanin ang Diyos, hinayaan niya na sila sa kanilang kaisipang hindi makapili ng tama. Kaya ginagawa nila ang mga bagay na hindi nararapat. 29 Naging alipin sila ng lahat ng uri ng kasamaan, kalikuan, kasakiman at masasamang hangarin. Silaʼy mainggitin, mamamatay-tao, mapanggulo, mandaraya, at laging nag-iisip ng masama sa kanilang kapwa. Silaʼy mga tsismosoʼt tsismosa, 30 mapanirang-puri, galit sa Diyos, walang galang, mayabang at mapagmataas, mga pasimuno ng kasamaan, at suwail sa mga magulang nila. 31 Silaʼy mga hangal, walang isang salita, walang puso, at walang awa. 32 Alam nila ang utos ng Diyos na dapat parusahan ng kamatayan ang mga taong gumagawa ng mga kasalanang ito, subalit patuloy pa rin sila sa paggawa nito, at natutuwa pa sila na ginagawa rin ito ng iba.