1 Pagkamatay ni Abimelec, si Tola na anak ni Pua at apo ni Dodo ang siyang namuno sa pagliligtas sa Israel. Mula siya sa lahi ni Isacar, ngunit tumira siya sa Samir sa kaburulan ng Efraim. 2 Pinamunuan niya ang Israel sa loob ng dalawampuʼt tatlong taon. Nang mamatay siya, inilibing siya sa Samir.
3 Sumunod kay Tola ay si Jair na taga-Gilead. Pinamunuan niya ang Israel sa loob ng dalawampuʼt dalawang taon. 4 Mayroon siyang tatlumpung anak, at ang bawat isa sa kanilaʼy may asnong sinasakyan. Ang mga ito ang namamahala sa tatlumpung bayan sa Gilead na tinatawag ngayon na bayan ni Jair. 5 Nang mamatay si Jair, inilibing siya sa Camon.
6 Muling gumawa ng kasamaan ang mga Israelita sa paningin ng Panginoon. Itinakwil nila ang Panginoon at sumamba sa mga imahen ni Baal at ni Astoret, at sa mga diyos-diyosan ng Aram, Sidon, Moab, Amon at Filisteo. 7 Dahil dito, nagalit sa kanila ang Panginoon at pinasakop sila sa mga Amonita at mga Filisteo. 8 At sa taon ding iyon, pinagdusa at pinahirapan nila ang mga Israelita. Sa loob ng labingwalong taon, pinahirapan nila ang lahat ng mga Israelita sa Gilead, sa silangan ng Ilog Jordan na sakop noon ng mga Amoreo. 9 Tumawid din ang mga Amonita sa kanluran ng Ilog Jordan at nakipaglaban sa lahi nina Juda, Benjamin at ang sa sambahayan ni Efraim. Dahil dito, labis na nahirapan ang Israel.
10 Kaya humingi ng tulong ang mga Israelita sa Panginoon. Sinabi nila, "Nagkasala po kami laban sa inyo, dahil tumalikod kami sa inyo na aming Diyos at sumamba sa mga imahen ni Baal."
11 Sumagot ang Panginoon, "Hindi baʼt noong pinahirapan kayo ng mga Ehipsiyo, Amoreo, Amonita, Filisteo, 12 Sidoneo, Amalekita at mga Maon, humingi kayo ng tulong sa akin at iniligtas ko kayo? 13 Ngunit tumalikod kayo sa akin at sumamba sa ibang mga diyos. Kaya ngayon hindi ko na kayo ililigtas. 14 Bakit hindi kayo humingi ng tulong sa mga diyos na pinili ninyong sambahin? Sila na lang ang magligtas sa inyo sa oras ng inyong kagipitan."
15 Ngunit sinabi nila sa Panginoon, "Nagkasala po kami sa inyo, kaya gawin nʼyo ang gusto nʼyong gawin sa amin. Ngunit maawa po kayo, iligtas nʼyo po kami ngayon." 16 Pagkatapos, itinakwil nila ang mga diyos-diyosan nila at sumamba sa Panginoon. Kinalaunan, hindi na matiis ng Panginoon na makita silang nahihirapan.
17 Dumating ang araw na naglaban ang mga Amonita at mga Israelita. Nagkampo ang mga Amonita sa Gilead, at ang mga Israelita sa Mizpa. 18 Nag-usap ang mga pinuno ng Gilead. Sinabi nila, "Kung sino ang mamumuno sa atin sa pakikipaglaban sa mga Amonita, siya ang gagawin nating pinuno sa lahat ng nakatira sa Gilead."