Publicidade

Juízes 2

Ang Anghel ng Panginoon sa Boquim

1 Pumunta ang anghel ng Panginoon sa Boquim mula sa Gilgal. At sinabi niya sa mga Israelita ang ipinasasabi ng Panginoon, "Inilabas ko kayo sa Ehipto at dinala dito sa lupain na ipinangako ko sa inyong mga ninuno. Sinabi ko noon na hindi ko sisirain ang kasunduan ko sa inyo. 2 Sinabi ko rin na huwag kayong gagawa ng kasunduan sa mga tao sa lupaing ito, sa halip ay gibain nʼyo ang kanilang mga altar. Ngunit ano ang ginawa ninyo? Hindi nʼyo ako sinunod! 3 Kaya ngayon, hindi ko sila itataboy sa lupain ninyo. Magiging tinik sila sa daraanan ninyo at ang mga diyos nila ay magiging bitag sa inyo."

4 Nang matapos sabihin ng anghel ng Panginoon ang lahat ng mga ito, humagulgol sila. 5 Kaya tinawag nilang Boquim ang lugar na iyon. At naghandog sila doon sa Panginoon.

6 Nang pinauwi na ni Josue ang mga Israelita, umalis ang bawat lahi upang angkinin ang lupaing nakalaan para sa kanila. 7 At naglingkod sila sa Panginoon habang nabubuhay si Josue. At kahit namatay na siya, patuloy pa rin silang naglingkod sa Panginoon habang nabubuhay ang mga tagapamahala ng Israel na nakakita ng lahat ng kahanga-hangang ginawa ng Panginoon para sa Israel.

8 Ang lingkod ng Panginoon na si Josue na anak ni Nun ay namatay sa edad na 110. 9 Inilibing siya sa kanyang minanang lupain doon sa Timnat-heres, sa kaburulan ng Efraim, sa hilaga ng Bundok ng Gaas.

Sumuway ang Israel sa Panginoon

10 Nang mamatay na ang mga tao sa henerasyong iyon, ang sumunod na salinlahi ay nakalimot sa Panginoon, maging sa mga ginawa niya para sa Israel. 11 At gumawa ng kasamaan ang mga Israelita sa paningin ng Panginoon at naglingkod sa mga imahen ni Baal. 12 Itinakwil nila ang Panginoon, ang Diyos ng kanilang mga ninuno, na siyang naglabas sa kanila sa Ehipto. Sinunod nila at sinamba ang ibaʼt ibang diyos ng mga tao sa paligid nila. Nagalit ang Panginoon, 13 dahil itinakwil siya ng mga ito at naglingkod sila kay Baal at sa mga imahen ni Astoret. 14 Dahil sa galit ng Panginoon sa Israel, pinabayaan niyang lusubin sila ng mga tulisan upang samsamin ang kanilang mga ari-arian. Pinabayaan din sila ng Panginoon na matalo ng mga kaaway sa paligid nila hanggang hindi na nila makayanang ipagtanggol ang kanilang sarili. 15 Tuwing nakikipaglaban sila, pinapatalo sila ng Panginoon, tulad ng sinabi niya. Kaya labis silang nahirapan.

16 Ngayon, binigyan ng Panginoon ang Israel ng mga hukom na magliligtas sa kanila mula sa mga tulisan. 17 Ngunit hindi nila pinakinggan ang kanilang mga hukom. Sa halip, tumalikod sila sa Panginoon at sumamba sa ibang mga diyos. Hindi sila katulad ng kanilang mga ninuno. Napakadali nilang tumalikod sa mga utos ng Diyos na sinunod noon ng kanilang mga ninuno. 18 Tinutulungan ng Panginoon ang lahat ng hukom na isinusugo niya. At habang nabubuhay ang hukom nila, inililigtas sila ng Panginoon sa kanilang mga kaaway. Sapagkat naaawa siya sa kanila dahil sa mga pagtitiis nila sa mga nanggigipit at nagpapahirap sa kanila. 19 Ngunit kapag namatay na ang hukom, bumabalik na naman sila sa masasama nilang gawa. Muli silang naglilingkod at sumasamba sa ibang mga diyos nang mas masahol pa sa pagkakasala ng kanilang mga ninuno. Ayaw nilang talikuran ang masasamang gawain nila at ang katigasan ng kanilang mga ulo.

20 Kaya lalo pang nagalit ang Panginoon sa kanila. Sinabi ng Panginoon, "Dahil nilabag ng bansang ito ang aking kasunduan sa kanilang mga ninuno, at hindi nila ako sinunod, 21 hindi ko na itataboy ang natirang mga bansa na hindi nasakop ni Josue bago siya namatay. 22 Gagamitin ko ang mga bansang ito upang subukin ang mga Israelita kung talagang tutuparin nila ang aking mga utos katulad ng kanilang mga ninuno." 23 Ito ang dahilan kung bakit hindi agad itinaboy ng Panginoon ang natirang mga bansa at hindi niya pinahintulutang matalo ni Josue ang mga ito.

Veja também

Publicidade
Bíblia Online Bíblia Online

Bíblia Online • Versão: 2026-06-15_21-32-39-