Publicidade

Juízes 1

Nabihag ng Lahi ni Juda at ni Simeon ang Lupain

1 Pagkamatay ni Josue, nagtanong ang mga Israelita sa Panginoon kung sino sa mga lahi nila ang unang makikipaglaban sa mga Cananeo.

2 Sumagot ang Panginoon, "Ang lahi ni Juda, dahil ipinagkatiwala ko sa kanila ang lupaing iyon."

3 Kaya sinabi ng lahi ni Juda sa lahi ni Simeon na kanilang kadugo, "Tulungan nʼyo kaming sakupin ang lugar ng mga Cananeong para sa amin at tutulungan din namin kayong sakupin ang lugar na para sa inyo." Kaya tinulungan sila ng lahi ni Simeon sa labanan.

4 Nang lumusob ang angkan ni Juda, pinagtagumpay sila ng Panginoon laban sa mga Cananeo at Perezeo. Umabot sa sampung libo ang napatay nila sa Bezek. 5 Doon rin sa Bezek nila natagpuan at nilabanan si Adoni-bezek, at tinalo nila ang mga Cananeo at Perezeo. 6 Tumakas si Adoni-bezek, pero hinabol siya ng mga Israelita at nahuli. Pinutol nila ang mga hinlalaki nito sa kamay at paa.

7 Sinabi ni Adoni-bezek, "Noon, may pitumpung hari ang pinutulan ko ng hinlalaki sa kamay at paa at namulot sila ng mumo sa ilalim ng aking mesa. Ngayon, sinisingil na ako ng Diyos sa ginawa ko sa kanila." At dinala nila si Adoni-bezek sa Jerusalem, at doon siya namatay.

8 Nilusob ng lahi ni Juda ang Jerusalem at sinakop nila ito. Pinatay nila ang mga naninirahan doon at sinunog ang lungsod.

9 Pagkatapos, kinalaban nila ang mga Cananeo na nakatira sa mga kaburulan, sa Negeb at sa mga kapatagan sa kanluran. 10 Nilusob din nila ang mga Cananeo na nakatira sa Hebron (na nooʼy tinatawag na Kiriat-arba), at pinatay nila sina Sesai, Ahiman at Talmai.

11 Mula sa Hebron, nilusob naman nila ang mga nakatira sa Debir (na nooʼy tinatawag na Kiriat-sefer).

12 Sinabi ni Caleb, "Ibibigay ko bilang asawa ang anak kong si Acsa sa lalaking makakasakop sa Kiriat-sefer." 13 Si Otniel na anak ni Kenaz na nakababatang kapatid ni Caleb ang nakaagaw sa lungsod. Kaya sa kanya ibinigay ni Caleb ang anak niyang si Acsa upang maging asawa.

14 Nang ikinasal na sila, hinikayat ni Acsa ang asawa niya na humingi sila ng dagdag na lupain sa ama nito. Pagkatapos, pumunta si Acsa kay Caleb, at nang makababa na siya sa kanyang asno, tinanong siya ni Caleb kung ano ang kailangan niya.

15 Sumagot si Acsa, "Hihingi po sana ako ng pabor sa inyo. Sapagkat binigyan nʼyo ako ng lupain sa Negeb, kung maari ay bigyan nʼyo rin ako ng lupaing may mga bukal." Kaya ibinigay sa kanya ni Caleb ang lugar na may mga bukal sa itaas at sa ibaba ng Negeb.

16 Pag-alis ng lahi ni Juda sa lungsod ng Jerico, sumáma sa kanila ang mga Cineo, na mula sa angkan ng biyenan ni Moises, papunta sa ilang ng Juda. Tumira sila kasama ng mga tao roon, malapit sa bayan ng Arad sa Negeb.

17 Pagkatapos, ang lahi naman ni Simeon ang tinulungan ng lahi ni Juda na sakupin ang lungsod ng Sefat na tinitirhan din ng mga Cananeo. Winasak nila nang husto bilang handog o winasak ang mga ito. ang lungsod, kaya tinawag itong Horma. 18 Sinakop din nila ang mga lungsod ng Gaza, Ashkelon at Ekron, pati ang mga teritoryo nito sa paligid.

19 Tinulungan ng Panginoon ang mga lahi ng Juda. Sinakop nila ang mga kaburulan, pero hindi nila madaig ang mga tao na nakatira sa mga kapatagan dahil may mga karwahe silang yari sa bakal. 20 At tulad ng ipinangako ni Moises, ibinigay kay Caleb ang Hebron. Itinaboy ni Caleb ang mga taong nakatira sa lugar na ito na mula sa tatlong anak ni Anac. 21 Hindi naitaboy ng lahi ni Benjamin ang mga Jebuseo na nakatira sa Jerusalem. Kaya hanggang ngayon, naninirahan pa rin ang mga ito kasama ng mga lahi ni Benjamin.

22 Ngayon, nilusob ng mga lahi ni Jose ang lungsod ng Betel, at tinulungan sila ng Panginoon. 23 Nang magpadala sila ng mga tao para mag-espiya sa Betel (na nooʼy tinatawag na Luz), 24 may nakita ang mga espiya na isang taong papalabas mula sa lungsod na iyon. Sinabi nila sa kanya, "Sabihin mo sa amin kung paano makapasok sa lungsod at pakikitunguhan ka namin nang maayos." 25 Kaya itinuro nga niya sa kanila, at pinatay nila ang lahat ng nakatira sa lungsod na iyon maliban sa taong nagturo sa kanila pati ang buong sambahayan nito. 26 Ang taong itoʼy pumunta sa lupain ng mga Heteo, at doon nagtayo ng isang lungsod na tinawag niyang Luz. Ito pa rin ang pangalan nito hanggang ngayon.

27 Hindi naitaboy ng lahi ni Manases ang mga nakatira sa Bet-sean, Taanac, Dor, Ibleam, Megido, at sa mga bayang nasa paligid ng mga ito dahil desidido ang mga Cananeo na manatili sa lupaing iyon. 28 Nang maging makapangyarihan na ang mga Israelita, pinilit nila ang mga Cananeo na magtrabaho para sa kanila, pero hindi nila itinaboy ang mga ito. 29 Hindi rin itinaboy ng lahi ni Efraim ang mga nakatira sa Gezer. Kaya patuloy na nanirahan ang mga Cananeo kasama nila. 30 Hindi rin itinaboy ng lahi ni Zebulun ang mga Cananeo na naninirahan sa mga lungsod ng Kitron at Nahalol. Kaya patuloy na nanirahan ang mga Cananeo kasama nila. Ngunit pinilit silang magtrabaho para sa kanila. 31 Hindi rin itinaboy ng lahi ni Asher ang mga nakatira sa Acco, Sidon, Ahlab, Aczib, Helba, Afec at Rehob. 32 Kaya patuloy na nanirahan ang mga Cananeo doon kasama ng lahi ni Aser dahil hindi nila sila pinaalis. 33 Hindi rin itinaboy ng lahi ni Neftali ang mga nakatira sa Bet-semes at Bet-anat. Kaya patuloy na nanirahan ang mga Cananeo kasama ng lahi ni Neftali. Ngunit pinilit silang magtrabaho para sa kanila. 34 Hindi naman pinahintulutan ng mga Amoreo na tumira sa kapatagan ang mga lahi ni Dan, kaya nanatili na lamang sila sa kaburulan. 35 Determinado ang mga Amoreo na manatili sa Bundok ng Heres, Ayalon at Saalbim. Ngunit nang lumakas ang kapangyarihan ng mga angkan ni Jose, pinilit nila ang mga Amoreo na magtrabaho para sa kanila. 36 Ang hangganan ng lupain ng mga Amoreo ay mula sa Daang Paakyat ng Akrabim hanggang Sela, at paakyat pa.

Veja também

Publicidade
Bíblia Online Bíblia Online

Bíblia Online • Versão: 2026-06-22_10-02-25-