Publicidade

Tiago 1

1 Mula kay Santiago na lingkod ng Diyos at ng Panginoong Hesu-Kristo:

Sa labindalawang tribong nakakalat sa mundo:

Ipinapaabot ko ang aking pagbati.

Mga Pagsubok at mga Tukso

2 Mga kapatid, magalak kayo sa tuwing dumaranas kayo ng ibaʼt ibang uri ng pagsubok, 3 sapagkat alam ninyong ang pagsubok ng inyong pananampalataya ay nagdudulot ng katatagan. 4 Kaya dapat kayong magpakatatag hanggang wakas upang maging ganap at walang anumang pagkukulang ang buhay ninyo. 5 Kung mayroon mang nagkukulang sa inyo ng karunungan, humingi siya sa Diyos at ibibigay ito sa kanya nang walang pagmamaramot at panunumbat. 6 Ngunit dapat magtiwala ang humihingi at huwag magduda, dahil ang taong nagdududa ay katulad ng alon sa dagat na hinihipan at tinatangay ng hangin. 7 Ang ganitong tao ay hindi dapat umasa na may matatanggap mula sa Panginoon, 8 dahil nagdadalawang-isip siya at walang katiyakan sa mga ginagawa niya.

9 Dapat ikagalak ng mga kapatid nating mahihirap ang pagpaparangal ng Diyos sa kanila. 10 Dapat ding ikagalak ng mga mayayaman na kapatid kay Kristo ang pagpaparangal sa kanila ng Diyos, dahil lilipas silang katulad ng mga bulaklak sa parang. 11 Natutuyo ang mga damo sa matinding sikat ng araw, nalalagas ang mga bulaklak nito, at kumukupas ang ganda. Gayundin naman, ang mayaman ay mamamatay sa kasagsagan ng kanyang pagpapayaman.

12 Mapalad ang taong nananatiling matatag sa kabila ng mga pagsubok dahil pagkatapos niyang mapagtagumpayan ang mga ito, tatanggapin niya bilang gantimpala ang buhay na walang hanggan, na ipinangako ng Diyos sa mga nagmamahal sa kanya.

13 Huwag sabihin ninuman kapag siyaʼy dumaranas ng pagsubok, "Akoʼy tinutukso ng Diyos," sapagkat hindi maaaring matukso ng masama ang Diyos, at hindi rin niya tinutukso ang sinuman. 14 Natutukso ang isang tao kapag nahihikayat siya at nadadala ng sariling pagnanasa. 15 At kung susundin niya ang pagnanasa niya, magbubunga ito ng kasalanan; at kung magpapatuloy siya sa kasalanan, hahantong ito sa kamatayan.

16 Kaya huwag kayong magpadaya, mga minamahal kong kapatid. 17 Lahat ng mabubuti at angkop na kaloob ay nanggagaling sa Diyos na siyang lumikha ng mga bagay sa langit na nagbibigay-liwanag. At kahit pabago-bago at paiba-iba ang anyo ng anino ng mga ito, ang Diyos ay hindi nagbabago. 18 Ayon sa kanyang kalooban, ginawa niya tayong mga anak niya sa pamamagitan ng salita ng katotohanan, upang maging higit tayo sa lahat ng nilikha niya.

Pagdinig at Paggawa

19 Tandaan ninyo ito, mga minamahal kong kapatid: Dapat maging handa ang lahat sa pakikinig, maging mahinahon sa pananalita, at huwag agad magagalit. 20 Sapagkat ang galit ay hindi nakakatulong sa tao na maging matuwid sa paningin ng Diyos. 21 Kaya talikuran na ninyo ang lahat ng kasamaan at maruruming gawain, at tanggapin nang may pagpapakumbaba ang salita ng Diyos na itinanim sa inyong puso na siyang makapagliligtas sa inyo.

22 Huwag lang kayong makinig ng salita ng Diyos kundi gawin din ninyo ang sinasabi nito. Dahil kung hindi, dinadaya nʼyo lang ang inyong sarili. 23 Dahil kung nakikinig lang ang isang tao sa salita ng Diyos at hindi naman niya ginagawa ang sinasabi nito, katulad siya ng isang taong nananalamin. 24 At pagkatapos makita ang sarili ay umaalis ito at agad kinakalimutan ang kanyang hitsura. 25 Subalit ang taong nagsasaliksik at nagpapatuloy sa pagtupad sa ganap na Kautusang nagpapalaya sa tao ay pagpapalain ng Diyos sa kanyang mga gawain. Siya ang taong hindi tagapakinig lang na nakakalimot agad ng kanyang narinig, kundi ginagawa rin ito.

26 Kung may nag-aakalang siya ay relihiyoso ngunit hindi naman magawang pigilan ang dila niya, walang silbi ang pagiging relihiyoso niya at niloloko lang niya ang kanyang sarili. 27 Ang relihiyong itinuturing na dalisay at walang kapintasan ng Diyos Ama ay ito: Ang pagtulong sa mga ulila at mga biyuda sa kanilang kahirapan, at ang pag-iingat na hindi mahawa sa kasamaan ng mundong ito.

Veja também

Publicidade
Tiago
Ver todos os capítulos de Tiago
Bíblia Online Bíblia Online

Bíblia Online • Versão: 2026-06-15_21-32-39-