Publicidade

Tiago 4

Ipasakop Ninyo sa Diyos ang Inyong mga Sarili

1 Ano ba ang pinagmumulan ng mga pag-aaway at alitan ninyo? Hindi baʼt ang masasamang pagnanasa na naglalaban-laban sa puso ninyo? 2 May mga ninanais kayo ngunit hindi ninyo makamtan, kaya handa kayong pumatay makuha lamang ang mga ito. May mga gusto kayong makuha at kapag hindi ito nangyari, nag-aaway-away kayo. Hindi ninyo nakakamtan ang mga ninanais ninyo dahil hindi kayo humihingi sa Diyos. 3 At kung humihingi naman kayo, wala kayong natatanggap dahil humihingi kayo nang may masamang motibo para mapagbigyan ang sarili ninyong kasiyahan.

4 Kayong mga hindi tapat sa Diyos, hindi ba ninyo alam na kaaway ng Diyos ang umiibig sa mundo? Kaya ang sinumang nagnanais makipagkaibigan sa mundo ay ginagawa niyang kaaway ng Diyos ang sarili niya. 5 Huwag ninyong isipin na walang kabuluhan ang sinasabi ng Kasulatan, "Ayaw ng Espiritung pinatira sa atin na may kaagaw sa pag-ibig niya." 6 Ngunit sapat ang biyayang ibinigay ng Diyos. Kaya nga sinasabi ng Kasulatan:

"Kinakalaban ng Diyos ang mga mapagmataas,

ngunit kinakahabagan ang mapagpakumbaba."

7 Kaya magpasakop kayo sa Diyos. Labanan ninyo ang diyablo at lalayo ito sa inyo. 8 Lumapit kayo sa Diyos at lalapit din siya sa inyo. Kayong mga makasalanan, mamuhay kayo nang malinis. At kayong mga nagdadalawang-isip, linisin ninyo ang inyong puso. 9 Magluksa kayo, tumangis, at umiyak. Gawing pagluha ang inyong halakhakan,at kalungkutan ang inyong kasiyahan. 10 Magpakumbaba kayo sa harapan ng Panginoon, at itataas niya kayo.

11 Mga kapatid, huwag ninyong siraan ang isaʼt isa. Ang naninira o humahatol sa kapatid niya ay nagsasalita laban sa Kautusan at humahatol sa Kautusan. At kung ikaw ang humahatol sa Kautusan, hindi ka na tagatupad nito kundi isa nang hukom. 12 Ang Diyos lamang ang nagbigay ng Kautusan at siya rin ang hukom. Siya lamang ang may kakayahang magligtas at magparusa. Kaya sino ka upang husgahan ang kapwa mo?

Paalala sa Pagmamalaki

13 Makinig kayo sa akin, kayong nagsasabi, "Ngayon o bukas, pupunta kami sa isang bayan. Mamamalagi kami roon nang isang taon, maghahanapbuhay, at kikita ng malaki." 14 Sa katunayan, hindi ninyo alam kung ano ang mangyayari sa inyo bukas. Sapagkat ang buhay ay parang hamog na lilitaw nang sandali at mawawala pagkatapos. 15 Kaya nga, ito ang dapat ninyong sabihin: "Kung loloobin ng Panginoon at mabubuhay pa tayo, ganito o kaya ganoon ang gagawin natin." 16 Ngunit sa ngayon, nagmamalaki at nagmamayabang kayo. Ang ganyang pagyayabang ay masama. 17 Kung alam ng isang tao ang mabuti na dapat niyang gawin, ngunit hindi naman ginagawa, nagkakasala siya.

Veja também

Publicidade
Tiago
Ver todos os capítulos de Tiago
Bíblia Online Bíblia Online

Bíblia Online • Versão: 2026-06-15_21-32-39-