11 Sapagkat nahayag na ang kagandahang loob ng Diyos na nagbibigay ng kaligtasan sa lahat ng tao. 12 Ito ang nagtuturo sa atin na talikuran ang kasamaan at makamundong pagnanasa. Ito rin ang nagtuturo sa atin kung paano mamuhay sa mundong ito nang may pagpipigil sa sarili, matuwid at maka-Diyos, 13 habang hinihintay natin ang napakagandang pag-asa, na walang iba kundi ang maluwalhating pagbabalik ng ating dakilang Diyos at Tagapagligtas na si Hesu-Kristo. 14 Ibinigay niya ang kanyang sarili para sa atin upang tubusin tayo sa lahat ng kasamaan, at linisin tayo upang maging bayang pag-aari niya na masigasig sa paggawa ng mabuti.