3 Sapagka't kayo'y mga sa laman pa: sapagka't samantalang sa inyo'y may mga paninibugho at mga pagtatalo, hindi baga kayo'y mga sa laman, at kayo'y nagsisilakad ayon sa kaugalian ng mga tao?

4 Sapagka't kung sinasabi ng isa, Ako'y kay Pablo; at ng iba, Ako'y kay Apolos; hindi baga kayo'y mga tao?

5 Ano nga si Apolos? at Ano si Pablo? Mga ministro na sa pamamagitan nila ay nagsisampalataya kayo; at sa bawa't isa ayon sa ipinagkaloob ng Panginoon sa kaniya.

6 Ako ang nagtanim, si Apolos ang nagdilig; nguni't ang Dios ang siyang nagpalago.

7 Ano pa't walang anoman ang nagtatanim, ni ang nagdidilig; kundi ang Dios na nagpapalago.

8 Ngayon ang nagtatanim at ang nagdidilig ay iisa: nguni't ang bawa't isa ay tatanggap ng kaniyang sariling kagantihan ayon sa kaniyang sariling pagpapagal.

9 Sapagka't tayo ay mga kamanggagawa ng Dios: kayo ang bukid ng Dios, ang gusali ng Dios.