Arca da aliança
A Arca da Aliança era o símbolo mais sagrado de Israel — representava a presença de Deus no meio do seu povo. Sobre ela brilhava a glória do Senhor entre os querubins.
"Magpagawa ka ng Kahon na yari sa akasya: mga apatnapuʼt limang pulgada ang haba, dalawampuʼt pitong pulgada ang lapad at dalawampuʼt pitong pulgada rin ang taas. Balutan ninyo ito ng purong ginto sa loob at labas, at palagyan ng hinulmang ginto ang paligid nito. Maghulma ka ng apat na argolyang ginto at ikabit ito sa apat na paa nito, dalawa sa bawat gilid. Magpagawa ka rin ng tukod na akasya at balutan ito ng ginto. Isuot mo ang tukod sa mga argolyang ginto sa bawat gilid ng Kahon upang mabuhat ang Kahon sa pamamagitan ng mga tukod. Huwag ninyong tatanggalin ang argolyang ginto sa tukod ng Kahon. Pagkatapos, ipasok mo sa Kahon ang malalapad na bato ng kasunduan na ibibigay ko sa iyo.
"Magpagawa ka ng takip ng kapatawaran gamit ang purong ginto, apatnapuʼt limang pulgada ang haba at dalawampuʼt pitong pulgada ang lapad. Magpagawa ka rin ng dalawang gintong kerubin gamit ang pinanday na ginto, at ilagay ito sa mga dulo ng takip. Ilagay ang isang kerubin sa isang dulo at ang isa naman sa kabilang dulo. Ang mga kerubin ay gawing kaisang piraso ng takip sa magkabilang dulo nito. Kailangang nakabuka paitaas ang pakpak ng mga kerubin na nakalukob sa takip. Dapat magkaharap ang dalawang kerubin at nakatingin sa takip. Ilagay mo sa Kahon ang malalapad na batong ibinigay ko sa iyo, kung saan nakasulat ang mga utos ko, at pagkatapos ay takpan mo ang Kahon.
Makikipagkita ako sa iyo roon sa gitna ng dalawang kerubin na nasa ibabaw ng Kahon, at ibibigay ko sa iyo ang lahat ng utos para sa mga mamamayan ng Israel.
Ginawa nina Bezalel ang Kahon gamit ang kahoy ng akasya. May 45 pulgada ang haba ng Kahon, 27 pulgada ang lapad at taas nito.
Sinabi ng Panginoon kay Moises, "Itayo mo ang Tabernakulo ng Toldang Tipanan sa unang araw ng unang buwan. Ilagay mo sa loob ang Kahon ng Kasunduan, at tabingan mo ito ng kurtina.
Pagkatapos, ipinasok niya sa Kahon ang malalapad na batong kinasusulatan ng mga utos ng Diyos, at isinuksok niya sa argolya ng Kahon ang mga tukod na pambuhat, at ipinatong ang takip sa ibabaw nito. Ipinasok niya ang Kahon sa loob ng Tabernakulo, at isinabit ang kurtina upang matakpan ang Kahon ng Kasunduan ayon sa iniutos ng Panginoon sa kanya.
Kapag papasok si Moises sa Toldang Tipanan para makipag-usap sa Panginoon, naririnig niya ang boses na nakikipag-usap sa kanya galing sa gitna ng dalawang kerubin, sa ibabaw ng takip ng Kahon ng Kasunduan. Doon nakikipag-usap ang Panginoon kay Moises.
Kaya umalis sila sa bundok ng Panginoon at naglakbay nang tatlong araw. Nasa unahan nila palagi ang Kahon ng Kasunduan para humanap ng lugar na kanilang mapagpapahingahan. Kung araw, ang ulap ng Panginoon ay nasa itaas nila kapag naglalakbay sila.
SA tuwing dadalhin ang Kahon ng Kasunduan, sinasabi ni Moises,
"O Panginoon, manguna po kayo.
At nawaʼy magkawatak-watak
ang mga kaaway ninyo.
Nawaʼy magsilayas sila
sa harapan mo."
At kapag inihihinto na nila sa paglalakbay ang Kahon ng Kasunduan, sinasabi ni Moises,
"Panginoon, bumalik na po kayo
dito sa libu-libong mamamayan
ng Israel."
Sinabi ng Panginoon kay Moises, "Sabihin mo sa mga Israelita na ang bawat pinuno ng bawat lahi ay magbibigay sa iyo ng isang tungkod at isulat doon ang kani-kanilang pangalan. Labindalawa lahat ang baston. Sa baston ng lahi ni Levi, isulat mo ang pangalan ni Aaron sapagkat kailangang may isang baston sa bawat pinuno ng lahi. Ilagay mo ang lahat ng ito sa Toldang Tipanan, sa harapan ng Kahon ng Kasunduan kung saan ako nakikipagkita sa inyo ni Aaron. At ang baston ng taong pipiliin kong maglilingkod sa akin bilang pari ay sisibulan at sa pamamagitan nito, titigil ang pagrereklamo ng mga Israelita laban sa inyo ni Aaron."
Kaya sinabi ito ni Moises sa mga Israelita, at ang bawat pinuno ng lahi ay nagbigay sa kanya ng baston. Ang lahat ng baston ay labindalawa at isa rito ang kay Aaron. Inilagay ni Moises ang lahat ng baston sa presensya ng Panginoon doon sa Toldang Tipanan.
Kinaumagahan, pumasok si Moises sa Tolda ng Kahon ng Kasunduan at nakita niya na ang baston ni Aaron, na kumakatawan sa lahi ni Levi ay hindi lang sumibol kundi nagkabuko pa, namulaklak, at namunga ng almendra. Pagkatapos, inilabas ni Moises ang lahat ng baston mula sa presensya ng Panginoon at ipinakita sa lahat ng mga Israelita. Tiningnan nila ito, at kinuha ng bawat pinuno ng lahi ang kani-kanilang baston.
Sinabi ng Panginoon kay Moises, "Ibalik ang baston ni Aaron sa harapan ng Kahon ng Kasunduan upang maging babala ito sa mga rebelde na mamamatay sila kung hindi sila titigil sa pagrerebelde laban sa akin." Tinupad ni Moises ang iniutos sa kanya ng Panginoon.
Anihan noon at umaapaw ang tubig sa pampang ng Ilog Jordan. Umalis ang mga tao sa mga kampo nila para tumawid sa ilog. Nauuna sa kanila ang mga paring may dala ng Kahon ng Kasunduan ng Panginoon. Paglusong ng mga pari sa ilog, huminto agad sa pagdaloy ang tubig. Naipon ang tubig sa malayo, sa lugar na tinatawag na Adam, isang bayan malapit sa Zaretan. Walang tubig na dumaloy papunta sa Dagat ng Araba (na siya ring tinatawag na Dagat na Patay), kaya nakatawid ang mga tao sa lugar na malapit sa Jerico. Nakatayo sa gitna ng natuyong ilog ang mga pari, dala ang Kahon ng Kasunduan ng Panginoon habang tumatawid ang mga Israelita. Hindi sila umalis doon hanggaʼt hindi nakakatawid ang lahat.
Kaya umahon ang mga pari na dala ang Kahon ng Kasunduan ng Panginoon. At pagtapak nila sa pampang, dumaloy ulit ang tubig at umapaw gaya ng dati.
Samantala, isinarang mabuti ng mga nakatira roon ang pintuan ng Jerico dahil sa mga Israelita. Walang makapasok o kayaʼy makalabas na mga tao sa lungsod.
Sinabi ng Panginoon kay Josue, "Ipapasakop ko sa inyo ang Jerico maging ang hari at mga sundalo nito. Iikutan ninyo ng mga sundalo mo ang lungsod nang isang beses sa bawat araw, sa loob ng anim na araw. Pauunahin mo sa Kahon ng Kasunduan ang pitong pari at ang bawat isa sa kanila ay may dalang trumpeta na yari sa sungay. Sa ikapitong araw, iikutan nʼyo ang lungsod ng pitong beses, kasama ng mga paring nagpapatunog ng mga trumpeta nila. Kapag narinig nʼyo na ang mahabang tunog ng trumpeta nila, sisigaw kayong lahat nang malakas. Pagkatapos, guguho ang pader ng lungsod at makakapasok kayong lahat nang walang hadlang."
Kaya tinawag ni Josue na anak ni Nun ang mga pari at sinabi sa mga ito, "Dalhin nʼyo ang Kahon ng Kasunduan ng Panginoon. Mauuna ang pito sa inyo na may dalang trumpeta ang bawat isa." At sinabi rin niya sa mga sundalo, "Lumakad na kayo! Ikutin nʼyo ang lungsod. Ang iba sa inyo ay mauuna sa mga paring may dala ng Kahon ng Kasunduan ng Panginoon."
Pinatunog ng mga pari ang mga trumpeta nila at nagsigawan ang mga Israelita nang marinig nila ito. Nawasak ang mga pader ng lungsod at lumusob sila. Nakapasok sila nang walang hadlang at nasakop nila ang lungsod.
Sinugod ng mga Filisteo ang mga Israelita at tinalo ang mga ito; nasa apat na libong Israelita ang napatay nila. Pagkatapos ng digmaan, bumalik ang mga natirang Israelita sa kampo nila. Tinanong sila ng mga tagapamahala ng Israel, "Bakit hinayaan ng Panginoon na matalo tayo ng mga Filisteo? Mabuti pa sigurong kunin natin ang Kahon ng Kasunduan sa Silo para samahan tayo ng Panginoon at iligtas tayo sa mga kalaban natin."
Kaya ipinakuha nila sa Silo ang Kahon ng Kasunduan ng Panginoon ng mga Hukbo. Ang takip ng Kahon ay may estatwa ng dalawang kerubin, at nananahan sa kalagitnaan nito ang Panginoon. Sumama sa pagdala ng Kahon ng Kasunduan ang dalawang anak ni Eli na sina Hofni at Finehas.
Nang madala na ang Kahon ng Kasunduan ng Panginoon doon sa kampo, sumigaw nang malakas ang mga Israelita sa kasiyahan at yumanig ang lupa. Nang marinig ng mga Filisteo ang sigawan ng mga Israelita, nagtanong sila, "Bakit kaya sumisigaw ang mga Hebreo sa kanilang kampo?"
Nang malaman nila na ang Kahon ng Panginoon ay nasa kampo ng mga Israelita, natakot sila at sinabi, "May dumating na diyos sa kampo ng mga Israelita! Nanganganib tayo! Kahit kailan, hindi pa nangyayari ang ganito sa atin. Kahabag-habag tayo! Sino ang magliligtas sa atin sa mga makapangyarihan nilang diyos? Sila rin ang mga diyos na pumatay sa mga Ehipsiyo sa disyerto sa pamamagitan ng ibaʼt ibang mga salot. Kaya magpakatatag tayo, dahil kung hindi, magiging alipin tayo ng mga Hebreo gaya ng pang-aalipin natin sa kanila. Labanan natin sila."
Kaya nakipaglaban ang mga Filisteo at natalo ang mga Israelita. Napakarami ng napatay; 30,000 ang napatay na mga Israelita. Ang mga natira sa kanila ay tumakas pabalik sa kanilang tinitirhan. Naagaw ng mga Filisteo ang Kahon ng Kasunduan at napatay ang dalawang anak ni Eli na sina Hofni at Finehas.
Pinarusahan nang matindi ng Panginoon ang mga taga-Asdod at mga karatig lugar nito. Binigyan sila ng Panginoon ng mga bukol bilang parusa sa kanila. Nang makita ng mga taga-Asdod ang nangyari, sinabi nila, "Hindi dapat manatili sa atin ang Kahon ng Diyos ng Israel dahil pinarurusahan niya tayo at si Dagon na ating diyos." Kaya ipinatawag nila ang lahat ng pinuno ng mga Filisteo at nagtanong, "Ano ang gagawin natin sa Kahon ng Diyos ng Israel?" Sumagot sila, "Dalhin ito sa Gat." Kaya dinala nila ang Kahon ng Diyos ng Israel sa Gat.
Ngunit nang dumating ito roon, pinarusahan din ng Panginoon ang mga tao sa lungsod na iyon. Labis na nagkagulo ang buong bayan dahil binigyan din sila ng Panginoon ng mga bukol, bata man o matanda. Dahil doon, ipinadala nila ang Kahon ng Diyos sa Ekron.
Habang parating pa lang sila roon, nagrereklamo na ang mga mamamayan ng Ekron. Sinabi nila, "Dinala nila rito ang Kahon ng Diyos ng Israel para patayin din tayong lahat." Kaya ipinatawag nila ang lahat ng pinuno ng mga Filisteo at sinabi, "Ilayo ninyo rito ang Kahon ng Diyos ng Israel at ibalik ito sa kanyang lugar dahil kung hindi, mamamatay kaming lahat." Ito ang sinabi nila dahil nagsimula na ang matinding parusa ng Diyos sa kanilang lungsod. Nagkagulo ang lahat sa takot dahil marami na ang namatay.
Nanatili ang Kahon ng Panginoon sa mga Filisteo sa loob ng pitong buwan. Noong naroon pa ang Kahon, ipinatawag ng mga Filisteo ang kanilang mga pari at manghuhula at nagtanong, "Ano ang gagawin namin sa Kahon ng Panginoon. Sabihin ninyo sa amin kung paano namin ito ibabalik sa kanyang lugar?"
Sumagot sila, "Kung ibabalik ninyo ang Kahon ng Diyos ng Israel, dapat samahan ninyo ito ng handog bilang kabayaran ng pagkakasala, sa pamamagitan nito, gagaling kayo at ihihinto na ng Diyos ang pagpaparusa sa inyo."
Kaya sinunod nila ito. Kumuha sila ng dalawang inahing baka at ikinabit sa kariton. Ikinulong naman sa kuwadra ang mga bisiro nito. Isinakay nila ang Kahon ng Panginoon sa kariton at ang kahon na may lamang mga ginto na hugis bukol at daga. Pagkatapos, lumakad ang mga baka patungo sa Bet-semes na hindi man lang lumilihis ng daan habang patuloy na umuunga. Sumusunod sa kanila ang mga pinuno ng mga Filisteo hanggang sa hangganan ng Bet-semes.
Nag-aani noon ang mga taga-Bet-semes ng trigo sa lambak. Nang makita nila ang Kahon ng Kasunduan, tuwang-tuwa sila. Dumating ang kariton sa bukid ni Josue na taga-Bet-semes, at tumigil sa tabi ng isang malaking bato. Kinuha ng mga Levita ang Kahon ng Kasunduan ng Panginoon at ang kahon na may lamang mga gintong estatwa, at ipinatong sa malaking bato. Pagkatapos, sinibak nila ang kariton at inialay ang mga baka sa Panginoon bilang handog na sinusunog, at nag-alay sila ng iba pang mga handog.
Kaya kinuha ng mga taga-Kiriat-jearim ang Kahon ng Panginoon at dinala sa bahay ni Abinadab na nasa burol. Pinili nila si Eleazar na anak ni Abinadab na magbantay dito.
Nanatili sa Kiriat-jearim ang Kahon ng Panginoon sa mahabang panahon – mga 20 taon.
Sa panahong iyon, nagdalamhati at humingi ng tulong sa Panginoon ang buong mamamayan ng Israel.
Ngayon, nabalitaan ni Haring David na pinagpala ng Panginoon ang sambahayan ni Obed-edom at ang lahat ng pag-aari nito dahil sa Kahon ng Diyos. Kaya pumunta siya sa bahay nito at kinuha ang Kahon ng Diyos at dinala sa Jerusalem nang may kagalakan. Nang makaanim na hakbang na ang mga nagbubuhat ng Kahon ng Panginoon, pinahinto sila ni David at naghandog siya ng isang toro at isang pinatabang guya. At sumayaw si David nang buong sigla sa presensya ng Panginoon na nakasuot ng efod na lino. Habang dinadala ni David at ng mga Israelita ang Kahon ng Kasunduan ng Panginoon, nagsisigawan sila at umiihip ng trumpeta.
Ipinatawag ni Haring Solomon sa Jerusalem ang mga pinuno ng Israel at ang lahat ng pinuno ng mga lahi at mga pamilya sa Israel upang kunin nila ang Kahon ng Kasunduan ng Panginoon mula sa Zion, ang Lungsod ni David. Pumunta silang lahat kay Haring Solomon noong panahon ng Pista ng Pagtatayo ng mga Kubol, noong buwan ng Etanim, na siyang ikapitong buwan.
Nang magkatipon na ang lahat ng tagapamahala ng Israel, kinuha ng mga pari at ng mga Levita ang Kahon ng Panginoon, pati ang Toldang Tipanan at ang mga banal na gamit nito at dinala nila ang lahat ng ito sa Templo. Naghandog si Haring Solomon at ang buong mamamayan ng Israel sa harapan ng Kahon. Napakaraming tupa at baka ang kanilang inihandog, hindi ito mabilang dahil sa dami.
Pagkatapos, dinala ng mga pari ang Kahon ng Kasunduan ng Panginoon sa lugar nito roon sa pinakaloob ng Templo, sa Pinakabanal na Lugar, sa ilalim ng pakpak ng mga kerubin. Nakalukob ang pakpak ng mga kerubin, kaya natatakpan nito ang Kahon at ang mga hawakang pasanan nito. Itong mga hawakang pasanan ay mahaba, ang dulo nito ay kita sa Banal na Lugar, sa harapan ng pinakaloob ng Templo, ngunit hindi ito makita sa labas ng Banal na Lugar. At naroon pa ito hanggang ngayon. Walang ibang laman ang Kahon maliban sa dalawang malalapad na bato na inilagay ni Moises noong nandoon siya sa Horeb, kung saan gumawa ng kasunduan ang Panginoon sa mga Israelita pagkatapos nilang lumabas sa Ehipto.
Nang lumabas ang mga pari sa Banal na Lugar, may ulap na bumalot sa Templo ng Panginoon. Hindi na makagawa ang mga pari sa kanilang gawain sa Templo dahil sa ulap, dahil ang kapangyarihan ng Panginoon ay bumalot sa kanyang Templo.
Sinabi pa ng Panginoon, "Magbalik na kayo, kayong mga suwail na mga anak, dahil akin kayo. Kukunin ko ang isa o dalawa sa inyo mula sa bawat bayan o angkan at dadalhin sa Zion. Pagkatapos, bibigyan ko kayo ng pinuno na gusto kong mamumuno sa inyo na may kaalaman at pang-unawa. Ako, ang Panginoon ay nagsasabi na pagdating ng araw na marami na kayo sa lupaing iyon, hindi na ninyo hahanap-hanapin ang Kahon ng Kasunduan, ni iisipin o aalalahanin ito. At hindi na rin ninyo kailangang gumawa pa ng panibago nito.
May mga tuntunin ang unang kasunduan tungkol sa pagsamba at may sambahang gawa ng tao. Itinayo ang Toldang Sambahan na may dalawang silid. Ang unang silid ay tinatawag na Banal na Lugar, kung saan naroon ang ilawan, ang mesa, at ang tinapay na handog sa Diyos. Ang ikalawang silid ay nasa likod ng tabing. Ito ay tinatawag na Pinakabanal na Lugar. Naroon ang gintong altar na pinagsusunugan ng insenso at ang Kaban ng Tipan na nababalutan ng ginto. Nasa loob ng Kahon ang lalagyang ginto na may lamang manna, ang tungkod ni Aaron na nagkasibol, at ang mga malalapad na mga bato kung saan nakaukit ang mga utos ng Diyos. Sa ibabaw ng Kahon ay may mga kerubin na nagpapahiwatig ng kaluwalhatian ng Diyos, at nilililiman ng mga pakpak ng mga ito ang tinatawag na Takip ng Kapatawaran. Ngunit hindi namin ito maipapaliwanag nang detalyado sa ngayon.
Pagkatapos, binuksan ang Templo ng Diyos doon sa langit, at naroon sa loob ang Kaban ng Tipan. Kumidlat, kumulog, umugong, lumindol at umulan ng yelo na parang mga bato.