1 Ngayon, tungkol naman sa tulong na nalikom para sa mga hinirang ng Diyos sa Judea, gayahin ninyo ang ipinagawa ko sa mga iglesyang nasa Galacia. 2 Sa bawat Linggo, dapat maglaan ang bawat isa sa inyo ng halagang ayon sa inyong kinikita, at maipon ito upang pagdating ko diyan ay nakahanda na ang inyong tulong. 3 Pagdating ko riyan, ang mga taong pipiliin ninyo na magdadala ng inyong tulong sa Jerusalem ay bibigyan ko ng sulat na magpapakilala sa kanila. 4 At kung kinakailangan ko ring pumunta, isasama ko na sila.
5 Tutuloy ako dʼyan sa Corinto pagkagaling ko sa Macedonia dahil kailangan kong dumaan doon. 6 Maaaring magtagal ako dʼyan sa inyo. Baka diyan ako magpalipas ng taglamig, upang matulungan ninyo ako sa mga pangangailangan ko sa aking paglalakbay, saanman ako magtungo. 7 Ayaw kong dadaan lamang ako sa inyo. Gusto kong magtagal sa piling ninyo kung loloobin ng Panginoon. 8 Samantala, mananatili ako rito sa Efeso hanggang sa araw ng Pentecostes, 9 dahil nabigyan ako ng magandang pagkakataon upang maisulong ang gawain dito, kahit na maraming sumasalungat.
10 Kung dumating diyan si Timoteo, asikasuhin ninyo siyang mabuti para mapanatag ang kanyang kalooban, dahil katulad ko rin siyang naglilingkod sa Panginoon. 11 Huwag ninyo siyang hamakin. At sa kanyang pag-alis, ihatid ninyo siya ng mapayapa upang makabalik siya sa akin. Inaasahan ko ang kanyang pagdating kasama ang iba pang kapatiran.
12 Tungkol naman sa kapatid nating si Apolos, pinakiusapan ko siyang dumalaw diyan kasama ang ilang mga kapatid, ngunit hindi pa raw sila makakapunta riyan. Dadalaw na lamang daw siya kung mayroon siyang pagkakataon.
13 Maging listo kayo at magpakatatag sa inyong pananampalataya. Magpakatapang kayo at magpakatibay. 14 At anuman ang inyong gawin, gawin ninyo nang may pag-ibig.
15 Alam ninyong si Estefanas at ang pamilya niya ang unang naging Kristiyano diyan sa Acaya. Inilaan nila ang kanilang mga sarili sa paglilingkod sa mga hinirang ng Diyos. Kaya nakikiusap ako sa inyo, mga kapatid, 16 na magpasakop kayo sa kanila at sa lahat ng katulad nila na nagtatrabaho at naglilingkod ng husto.
17 Natutuwa ako sa pagdating nina Estefanas, Fortunato, at Acaico, dahil kahit wala kayo rito, nandito naman sila, at ginagawa nila sa akin ang hindi ninyo magawa. 18 Akoʼy pinasigla nila, at ganoon din kayo. Pahalagahan ninyo ang mga katulad nila.
19 Kinukumusta kayo ng mga iglesya sa lalawigan ng Asia.
Kinukumusta rin kayo nina Aquila at Priscila at ng mga mananampalatayang nagtitipon sa kanilang tahanan, dahil pareho kayong nasa Panginoon.
20 At kinukumusta rin kayong lahat ng mga mananampalataya rito.
Magbatian kayo bilang magkakapatid kay Kristo.
21 Akong si Pablo mismo ang sumusulat ng pagbating ito.
22 Parusahan nawa ng Diyos ang sinumang hindi nagmamahal sa kanya. Panginoon, bumalik na po kayo! na ang ibig sabihin ay "Halika, aming Panginoon!"
23 Sumainyo nawa ang biyaya ng Panginoong Hesus.
24 Minamahal ko kayong lahat kay Kristo Hesus.