1 Ngayon, tungkol naman sa tanong ninyo hinggil sa mga pagkaing inialay sa mga diyos-diyosan: Alam nating "may kaalaman tayong lahat" tungkol dito. Ngunit kung ang kaalamang ito ay nagtutulak sa tao na maging mapagmataas, ang pag-ibig naman ang nagpapatatag sa iglesya. 2 Ang taong nag-aakala na marami na siyang alam ay kulang pa rin talaga sa kaalaman. 3 Ngunit ang taong nagmamahal sa Diyos ay siyang kinikilala ng Diyos na kanya.
4 Kaya kung tungkol sa mga pagkaing inialay sa mga diyos-diyosan, alam natin na ang mga diyos-diyosang itoʼy hindi totoong diyos, dahil iisa lamang ang Diyos. 5 At kahit na sinasabi ng iba na may mga diyos sa langit at sa lupa, at marami ang mga tinatawag na mga diyos at mga panginoon, 6 para sa atin iisa lamang ang Diyos, ang ating Ama na lumikha ng lahat ng bagay, at nabubuhay tayo para sa kanya. At may iisang Panginoon lamang, si Hesu-Kristo. Sa pamamagitan niya ay nilikha ang lahat ng bagay, at sa pamamagitan din niya ay nabubuhay tayo ngayon.
7 Ngunit may mga mananampalataya na hindi pa nakakaunawa nito. Ang iba sa kanilaʼy sumasamba noon sa mga diyos-diyosan, kaya hanggang ngayon, kapag kumakain sila ng mga pagkaing inialay sa mga diyos-diyosan, iniisip nila na kasama rin silang sumasamba sa mga ito. At dahil mahina ang kanilang konsensiya, akala nilaʼy nagkakasala sila. 8 Sapagkat ang pagkain ay hindi maglalapit sa atin sa Diyos. Walang mawawala sa atin kung hindi tayo kakain, at wala rin naman tayong mapapala kung kumain tayo.
9 Ngunit kahit na malaya kayong kumain ng kahit ano, mag-ingat kayo dahil baka ito ang maging dahilan ng pagkakasala ng mga mahihina ang konsensiya. 10 Halimbawa, ikaw na tama ang pang-unawa ay kumakain sa templo ng mga diyos-diyosan at nakita ka ng kapatid mong mahina ang konsensiya. Hindi baʼt mahihikayat din siyang kumain ng mga pagkaing inialay sa mga diyos-diyosan? 11 Dahil sa iyong tamang pang-unawa, napapahamak ang iyong kapatid na mahina ang konsensiya. Tandaan mo, alang-alang sa kanya ay namatay si Kristo. 12 Kung nagkasala ka sa iba sa ganitong paraan at sinugatan mo ang mahihina nilang konsensiya, nagkasala ka rin kay Kristo. 13 Kaya kung ang kinakain ko ay nagiging dahilan ng pagkakasala ng aking kapatid, hindi na lamang ako kakain nito kailanman, upang hindi magkasala ang aking kapatid.