12 At ang Espiritu na ito ng Diyos ang tinanggap nating mga mananampalataya, hindi ang espiritu ng mundong ito, upang maunawaan natin ang mga pagpapalang ibinigay sa atin ng Diyos.
13 Kaya nga ipinangangaral namin ang mga bagay na ito sa pamamagitan ng mga salitang mula sa Banal na Espiritu at hindi mula sa karunungan ng tao. Ipinangangaral namin ang espirituwal na mga bagay sa mga taong pinananahanan ng Espiritu. 14 Ngunit ang taong hindi pinananahanan ng Espiritu ng Diyos ay hindi tumatanggap ng mga aral mula sa Espiritu dahil kamangmangan ito sa kanya. At hindi niya ito nauunawaan, dahil ang mga bagay na itoʼy maiintindihan lamang sa tulong ng Espiritu.